Marso 20

715 30 1
                                    

Marso 20

Buong araw kong sinundan ang lalaking biglang lumitaw na lamang sa kuwarto ni Lalaine.

Napagkaalaman ko kasing ito ang dating nobyo ni Lalaine. Siya ang isa sa mga gumahasa kay Lalaine. Siya pala ang tinutukoy na tumakas sa mga grupo ng kalalakihan na nanggagahasa ng mga kababaihan.

Siya si Julius, Julius Valerio.

Sa kakasunod ko sa kaniya, napagkaalaman kong minahal niya pala talaga si Lalaine. Base sa obserbasiyon ko, nadala ng tulak ng mga kasamahaan kaya niya nagawa iyon kay Lalaine.

"P're! Hindi nga ako puwedeng sumuko sa mga pulis. Anong gusto mong mangyari? Mawalan ng tatay ang anak ko?" May kausap ito sa telepono habang nakasapo ang kaniyang mga kamay sa kaniyang noo. Nanatili siya rito sa bahay ni Lalaine buong araw hanggang ngayon. Kinekwentuhan niya ang mga sofa, ang mga kama, ng mga pinto, at ang mga kagamitan na naging saksi raw sa kanilang pagmamahalan na dalawa.

"Oo, buhay ang anak namin. 'Di ba sinabi ko na sa inyo na hindi naman ako kasama diyan sa mga ginagawa niyong hindi na makatarungan? Binago ako ni Lalaine at nagbabagong buhay na ako. Tinulungan ko lang kayo dahil ang usapan natin, huling sama ko na sa inyo, at pananagutan ko na si Lalaine! Huwag niyo na akong idawit sa gulo ninyo dahil matagal na akong hindi kasama sa grupo ninyo." Nakatingin akong mabuti kay Julius. Nagtataka ako dahil pakiramdam ko, totoo ang mga sinasabi niya at nararamdaman ko ang pangungulila nito kay Lalaine.

"Oo na, oo na! Linisin niyo na ang pangalan ko! Kung hindi magkakalintikan tayong lahat! Sinasabi ko sa inyo, oras na hindi ko magampanan ang pagiging ama ko sa anak namin ni Lalaine, isang sumpa ang ibibigay ko sa inyo. May isang salita ako, kaya kung hindi niyo tutuparin ang mga pinag-usapan natin, aba! Magkakalintikan tayong lahat!" pananakot nito sa kabilang linya. Agad nitong binaba ang kaniyang cellphone.

Tumingala ito habang nakaupo sa salas. Nakatulala at tila ang isip nito ay naglalakbay kung nasaan si Lalaine.

"Julius?" tanong ko rito at biglang humipan ang malamig na hangin sa kaniyang tabi.

Napatingin ito sa magkabilang tabi niya, hindi ito natakot, bagkus, ngumiti pa ito at pakiwari ay naroroon sa tabi si Lalaine.

"Lalaine, mahal ko... alam kong nariyan ka." Napatigil ito sa kaniyang sinasabi habang ngumiti nang mariin sa kawalan. Akala siguro talaga'y narito lamang si Lalaine.

"Hayaan mo, hindi man kita nabalikan agad dahil hinaharangan ako ng mga kumag na mga adik na tropa ko noon, babawi ako sa ating anak. Pangako ko iyan sa iyo 'di ba? Hindi ko man sigurado kung sino ang ama ng dinadala mo, para sa akin, ako ang tatayo bilang isang ama sa kaniya." Nahihiya man ay hinawakan nito ang magkabilang pisngi para takpan ang kaniyang mga luha.

Kahapon pa siya ganito. Kapag tinatawag ko siya, biglang lalakas ang hangin na malamig. Mangingibabaw ang kalungkutan sa kaniyang mga mata, matutulala siya at maninigas sa kaniyang kinalalagyan. Hindi naman siya natatakot. Sa totoo lang, parang gustong-gusto pa niyang umiihip ang malamig na hangin. Pipigilan niya nang bahagya ang kaniyang mga luha at may sasabihin kay Lalaine na parang nasa tabi lamang niya iyon.

Siya mismo ang nagsabi ng kaniyang pangalan, kung paano sila nagsimula, kung paano siya binago ni Lalaine at ang buong buhay niya noong mga panahon na wala pa si Lalaine sa buhay niya.

"Julius, kung sakaling totoo man na mahal mo si Lalaine, sana manatili ang pagmamahal na iyon dahil may naiwan siyang anak niyo. Julius, nasa iyong kamay ang natitirang pag-asa na mabago ang pagtingin nilang lahat kay Lalaine. May nakikita akong pag-asa sa iyo na kahit patay na si Lalaine, makakamtan niya ang pinagkait sa kaniya noong nabubuhay pa siya." Inilapit ko ang aking bibig sa kaniyang taenga. Nakatulog na pala ito sa kalungkutan. Hindi ko alam kung narinig niya iyon pero nagbabaka-sakali akong marinig niya ang aking mga sasabihin.

She's DeadTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon