Marso 16
Nang gabing iyon ay natanggap na ni Lalaine na wala na ang kaniyang ama. Ang mga salitang lalaban ito ay isang bula na lang para sa kaniya. Gusto niyang sabihin sa ama na magpahinga na ito dahil damang-dama na sa paghinga nito na hindi na niya kaya pang lumaban pero pinipilit na lamang para sa kanilang dalawa ng kaniyang ina.
Masaya na siyang sa bisig ng kaniyang ama nakatulog nang gabing iyon. Sa hele ng kaniyang ina siya nahulog ng idlip nang gabing iyon. Masaya na siya na sa huling pagkakataon, naramdaman niyang magkakasama sila ng kaniyang pamilya ng buo at sama-sama.
Hindi siya umiyak sa tapat ng kabaong ng kaniyang ama.
Hindi siya umiyak para ipakita sa kaniyang ina na hindi siya pabigat sa buhay nito.
Hindi siya umiyak upang hindi mag-alala nang husto ang kaniyang ina sa pagkawala ng kaniyang ama.
Gusto ni Lalaine na maging malakas para sa ina dahil iyon ang gustong iparating sa kaniya ng kaniyang ama. Gusto ng kaniyang ama na alagaan ang kaniyang ina dahil alam ng kaniyang ama na hindi kakayanin ng ina na mawala ang kaniyang pinakamamahal na asawa.
"Daddy, dala-dala ko po lahat ng iyong payo sa akin, hindi po ako magiging pabigat kay Mommy, pangako po iyan." Nang makita ko ang Lalaine na kausap ang kaniyang Daddy ay alam na alam ko nang umpisa na ito ng pagsubok ng kaniyang buhay. Araw na pinakakinatatakutan ko simula nang bumalik ako sa panahon na magsimula ang kuwento ni Lalaine.
Nakatingin lamang magdamag si Lalaine sa kabaong ng kaniyang ama. Walang sawa itong sinasaulo ang bawat kaanyuhan ng kaniyang ama. Animo'y sinasaulo ng kaniyang pag-iisip dahil ito na ang huling makikita niya ang pisikal na anyo ng kaniyang ama.
Nakaupo lamang ang Mommy ni Lalaine, walang kinakausap, hindi makakain o maiayos ang sarili. Nasa tabi lamang ito ng kabaong. Kakaunti lang naman ang pumupunta sa lamay ni Don Emilio dahil hindi nila gusto ang napangasawa nito.
"Kawawa naman ang naiwang asawa ni Don Emilio! Kakaunti ang mga taong nakikiramay sa kanila. Balita na kasi na naubos na ang pera ng Don dahil matagal na palang nagpapagamot ito at naisangla na ang kanilang lupain sa likod." Dinig ko sa dalawang babaeng kadarating lamang ay ito na ang himpilan ng kanilang usapan.
"Hindi pumupunta ang mga ito kasi kumalat na may kamalasan na dumapo sa Don kaya siya nagkasakit at namatay. Baka raw mahawa ang mga ito sa kamalasan at mas lalong maghirap ang kanilang buhay." Diretso ang dalawang ito at natigil lamang ang bulungan nang mapalapit na sa kabaong ng Don.
"Magkagayon man, hindi pa rin naman matatawaran ang kabaitan ng Don sa ating lugar. Kahit na sabihin nating namatay ito, hinding-hindi malilimutan ng mga tao rito ang lahat ng kabutihan na ginawa ng Don para sa ating lahat." Malapit ito sa mag-ina kaya gumanda-ganda na ang sinasabi ng mga ito.
Napatingin na lamang si Lalaine sa dalawang ito dahil alam niyang balat-kayo lamang ang mga sinasabi nito. Alam na alam niya ang mga sinasabi sa kanila ng kanilang mga ka-barangay kapag malayo at nakatalikod na sila ng kaniyang ina.
Nang makalayo na ang dalawang matanda ay biglang lumapit ulit si Lalaine sa kabaong ng kaniyang ama.
"Noong buhay ka pa, Daddy... ang dami nilang nagpupunta sa bahay para humingi ng tulong. Halos lahat ng mga ka-barangay natin, nangungutang sa iyo, hindi ka nag-atubiling tumulong at magbigay sa kanila ng kahit anong makakaya mo para gumaan ang suliranin nila sa buhay. Ngayong wala ka na, wala na halos nakakakilala sa iyo dahil sinisisi nila sa amin ni Mommy ang kamalasan na nangyari sa buhay mo. Hindi nila alam na kung hindi naging busilak ang puso mo sa kanila, hindi rin naman sila makakatagpo ng totoong tao na tumulong sa kanila noong nangangailangan sila, kagaya ni Mommy noong kinailangan niya ang tulong mo. Darating ang panahon Daddy, malalaman nila ang halaga mo. Hindi man ngayon, pero sa darating na panahon."