CHAPTER 11

2.2K 60 0
                                    

PARANG gustong kutusan ni Nhica ang kapatid nang makita ito. Nang tumawag siya dito ay nalaman niyang nasa kabarkada nito ito na nakatira sa eksklusibong subdivision sa kabilang bayan. Ora mismo ay sumugod siya doon.

Ayon dito ay nagkayayaan ang mga ito doon para mag-celebrate matapos manalo sa basketball. Malaki daw ang napanalo ng mga ito sa pustahan. Ang masama ay ang sinasabi nitong celebration. Nagkalat ang mga bote ng alak sa bamboo cottage kung saan nagsunog ng atay ang mga ito. Ang mga kasamahan ng kapatid ay natutulog na doon ngayon.

Kinaladkad niya ang kapatid paalis doon.

"Lagot ka talaga kay daddy kapag nalaman ito!" asik niya dito habang palabas sila ng subdivision na iyon. "At nakarating ka pa talaga dito? Eh, napakalayo nito sa atin?"

"Kaya nga nagpasundo ako, eh. Kapag kasama kitang humarap kina mommy, hindi na ako tatanungin nga marami niyon."

"Takot ka lang 'ka mo."

Tumawa lang ito.

Nagdahilan pa siya sa mga magulang nila na may hihiramin lang na libro sa kaklase niya para lang sunduin ito. Nagusot ang ilong niya nang maalala iyon.

"Ang dami mo na talagang utang sa akin, bata ka!"

"Ate Nhics, hindi na ako bata."

"Kinse anyos ka pa lang!"

"Yeah. Well..." Napabuntong hininga ito nang makitang nagsisimula na naman siyang maasar. Binago nito ang usapan. He smiled sweetly. "Salamat sa pagtatakip mo sa akin kanina kina dad, Ate Nhics. Maaasahan ka talaga!" Inakbayan siya nito.

Hindi niya iyon pinansin kahit ang gusto niya ay pilipitin ang braso ng kapatid sa ginawa nitong kahunghangan. Nakatulog daw ito kanina kaya nalimutang umuwi bago ang curfew nito.

"Amoy alak ka. Paano kung maamoy ka nila?" komento niya nang masinghot sa damit at hininga nito ang ininom na alak.

"May baon ka bang pabango diyan?"

"Wala. Pera lang ang dala ko." 'Lagot pa ako kung wala akong maiipakitang libro.'

May nakabukas na gate silang nadaanan. Hindi niya mapigilang silipin ang loob niyon. Naku-curious siya sa itsura ng mga bahay na nadadaanan nila. Pulos nagtataasang bakod at gate lang kasi ang nakikita niya. Malamang na ubod ng yayaman ang mga nakatira doon. Katulad din kaya iyon ng bahay na pinuntahan ng kapatid?

Hindi naman siya nabigo sa nasilip sa nakabukas na gate. Maganda at malaki ang bahay na nakatirik sa gitna ng malawak na lawn. Di hamak na mas magarbo at malaki iyon kesa sa pinanggalingan nila.

'Ang gara! Pwede sigurong mag-practice ng cheerdance sa loob.'

"Sorry, Ate. Promise, hindi na ito mauulit," sabi ni Jace na nakapagpabalik ng atensyon niya dito.

"Dapat lang, Jace! Naku! Patay ka talaga sa akin! Ito na ang huling pagtatakip ko sa kagaguhan mo. Sa susunod, sina daddy na ang susundo sa 'yo!"

Nilingon niya ulit ang bahay na pinagmamasdan kanina. May nagsasara na ng gate niyon.

'Hay, kelan kaya ako magkakabahay ng ganoon?'

Huminto sa ilalim ng poste ang kapatid niya.

"O, bakit?"

"Nauuhaw na ako. Wala bang tindahan dito? Malayo pa ba ang gate? Pagod na ako," reklamo nito.

"Malayo pa. Wala namang taxi na naliligaw dito, eh."

"Pahinga muna tayo." Naupo ito sa gutter.

"Tumayo ka nga diyan! Kailangan na nating umuwi!" Hinatak niya ang braso nito patayo.

The Rebel Slam 4: CLYDETahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon