NAGPUPUYOS sa galit ang damdamin ni Marnie. Ngayon lamang siya nakatikim ng ganoong klase ng pang-iinsulto sa buong buhay niya.
Nakauwi na siya sa bahay nila ay galit na galit pa rin siya. Naikuwento niya noong hapunan ang masamang karanasan. Medyo binago niya ang kuwento. Hindi niya masabi na kamukha ng lalaking naligaw sa bahay nila ang lalaking naka-engkwentro. Hindi niya matanggap na si Miggy at ang lalaking iyon ay iisa.
"Tama lamang na sinampal mo siya, Ate. Para matuto silang rumespeto sa mga babae," sang-ayon ni Gabrielle sa kanya.
"Grabe, ang presko niya, Ate. Imagine, ni hindi mo siya kilala tapos bibigyan ka ng number para sumama sa kanya," sabi naman ni Danielle.
"Mga manyakis ang mga ganyan kaya kayong tatlo ay palaging mag-iingat. Hindi na natin masabi ang panahon," paalaala ni Aling Julia.
"Kung nakita ko ang ginawa sa 'yo ay kawawa sa akin 'yan," pagmamalaki ni Mang Jose.
"Ano'ng hitsura niya, Ate? 'Yung mukhang goons ba sa pelikula?" usisa pa ni Gabrielle.
"Actually, malinis siyang tingnan. Naka-corporate attire siya, pero kapag nakita mo ang mukha, mukha siyang demonyo," sagot ni Marnie. Naaalala pa niya ang 'di pantay na ngiti sa mga labi ng lalaki. Kinilabutan siya.
"Katakot naman 'yan," sabi ni Danielle.
Natakot din siya matapos sampalin ang lalaki. Nakita niyang naningkit ang mga mata nito. Kung nakamamatay ang tingin ay maaaring hindi na siguro siya nakauwi. Mabuti at mabilis siyang nakatakbo palayo at saktong may taxi kaagad siyang nakuha. Natanaw pa niya sa side mirror ng taxi na habol-tanaw pa siya ng lalaki.
Kahit paano ay lumuwag-luwag na rin ang nararamdaman ni Marnie matapos makapagkuwento sa pamilya. Subalit hindi niya maalis-alis ang pagkabalisa sa naging paghaharap nila ng lalaking inakalang si Miggy.
Sino nga ba ang lalaking iyon at bakit kamukhang-kamukha ito ni Miggy? Bakit kaboses din ito ni Bernard?
Pero sigurado siyang hindi siya magagawang bastusin ni Miggy. Kaya maaaring ibang tao pa rin ito.
Bakit ba siya natatakot sa isiping iisa lamang ang dalawang lalaking nakaengkwentro?
Hindi niya maunawaan ngunit kahit tatlong beses pa lamang niya nakakatagpo si Miggy, para siyang may nararamdamang koneksyon sa lalaki. Magaang ang loob niya rito.
Bernard, kung may kinalaman ka sa nangyayaring ito, please, ipaunawa mo sa akin. Nalilito ako kung ano ang nangyayari. Ikaw ba ang nagpadala kay Miggy dito? Ano ba ang gusto mong sabihin?
Nakatulugan na niya ang pag-iisip tungkol kay Miggy.
Madaling-araw nang muli siyang gisingin ng boses na iyon. Sumilip siya sa bintana, naroroon muli si Miggy sa ibaba.
Gumuhit muli ang ngiti sa mga labi ni Miggy nang masilayan siya sa bintana.
Bahagyang napaatras si Marnie. Nag-iisip pa siya kung lalabasin niya ito. Mas tumitindi ang kaba niya. Bakit ba bigla siyang natakot?
"Mommy! Mommy!" Mas lumakas ang pagtawag ni Miggy. Tila nainip ito na hindi siya kaagad lumabas.
"Mommy!"
Naisip niyang maaaring magising pa ang kanyang mga magulang at kapatid kaya nagpasya siyang bumaba at harapin ito.
May ningning sa mga mata ni Miggy nang buksan niya ang pinto. Mabilis itong yumakap sa kanya at humalik muli sa pisngi. "I miss you, Mommy," sabi nito.
Pero si Marnie ay hindi makagalaw sa kinatatayuan. Ito yata ang kanyang kinatatakutan.
Hindi ito maaari!
Bumigat ang kanyang paghinga. Unti-unti, gumapang ang poot sa kanyang dibdib at humandang sumabog habang pinagmamasdan ang lalaking nasa harapan.
Maliban sa suot na coat, suot ni Miggy ang eksaktong damit na suot ng lalaking nambastos sa kanya. Maging ang mamahaling relos nito sa kaliwang kamay ay eksakto sa suot ng lalaking nakaengkwentro kahapon.
"Lumabas ka. Umalis ka dito," pigil ngunit matigas na sabi niya sa lalaki.
Napanganga si Miggy. "Mommy, I want to stay with you."
"Umalis ka na. Hindi ka puwede dito."
"No, I only want to be with Mommy."
Hinawakan niya ang lalaki sa braso. Hinila niya ito palabas ng bahay.
"Mommy, it hurts," nakangiwing sabi ni Miggy.
"Hindi ako ang mommy mo. Umalis ka dito!"
"No, Mommy, please!" Parang bata na nalilito at takot na takot si Miggy. "Mommy, please . . ."
"Umuwi ka na sa bahay ninyo. Hindi kita kilala. Huwag na huwag ka nang babalik dito!"
Napatakbo pabalik sa kanya si Miggy at yumakap sa kanya.
"I don't want to be away from Mommy!" Umiiyak na si Miggy.
"Bitiwan mo ako! Hindi ako ang Mommy mo!"
Nagawa niyang makaalpas sa lalaki.
Hinila niya ito hanggang mailabas niya ito sa kanilang bakuran. Nakangiwi lamang ang lalaki sa mariing pagkapit niya sa braso nito. Ni hindi ito makalaban sa kanya. Itinulak-tulak niya si Miggy hanggang sa mabuwal ito sa kalsada. Pumapalahaw ng iyak ang lalaki."Hindi ako ang mommy mo! Tingnan mo nga ang hitsura mo, ang tanda-tanda mo na para ako ang maging mommy mo! Ayoko na magpupunta ka pa dito. Tandaan mo 'yan. Hindi kita gustong makita pa! Alis! Alis!"
Iniwan niyang umiiyak na nakalupasay si Miggy sa labas ng kanilang tarangkahan. Ini-lock din niya ang kanilang gate para hindi ito makapasok.
Humihingal pa si Marnie nang bumalik sa kanilang bahay. Nagulat pa siya nang makita roon ang mga magulang. Nagising pala ang mga ito.
"Ano'ng nangyari?" nag-aalalang tanong ni Aling Julia.
"'Yung baliw na lalaki, Ma, bumalik ulit dito," sumbong ni Marnie. Hindi na niya kailangan pang pagtakpan si Miggy.
"Nasaan ang lokong iyon?" Si Mang Jose ay naapektuhan ng galit niya. Nagmamadaling hinanap nito ang baseball bat sa pinagtataguan.
Hinarang ni Marnie ang ama nang papalabas na ito bitbit ang bat. "'Pa, hayaan n'yo na siya. Hindi na siguro 'yon magpapakita. Sinabihan ko na ayoko siyang pumupunta dito. Mamaya, aalis na rin 'yon."
"Para makasiguro, babanatan ko lang ng isa. Bibigyan ko lang ng leksyon para matakot nang bumalik dito."
Pinigilan pa rin ni Marnie ang ama. "'Pa, please, hayaan n'yo na po siyang umalis."
Walang nagawa si Mang Jose kundi sumunod sa anak.
Umakyat na si Marnie pabalik ng kuwarto, iniwan niya sa ibaba ang mga magulang. Hindi na rin niya pinag-aksayahan ng panahon na silipin pang muli ang lalaki.
Hindi na sila muli pang magkikita ni Miggy.
***Please do not forget to vote if you enjoy the story. Feel free to comment. Do not plagiarise. Thanks and happy reading. God bless!
BINABASA MO ANG
When Daddy Meets Mommy
Lãng mạnThe Wattys2018 Longlist Mahiwaga ang naging pagtatagpo nila. Tila wala sa sarili ang lalaki nang una niya itong makita. Subalit ang labis na ipinagtataka ni Marnie, kaboses ng lalaki ang namayapa niyang kasintahan. Higit sa lahat, Mommy ang tawag ni...