Kinabukasan, habang nasa trabaho, hindi inaasahan ni Marnie ang isang tawag mula sa 'di kilalang numero. Nang sagutin niya ay pamilyar ang boses na narinig mula sa kabilang linya, walang iba kung 'di si Salt.
"Napatawag ka," aniya na itinigil ang pagtipa sa kanyang computer. Gumagawa siya noon ng report.
"I got your number from Denise. Pasensya ka na kung hindi na siya nagpaalam. I just realized kahapon habang pauwi na hindi ko pala siya nahingi sa 'yo," paliwanag ng lalaki. "Invite sana kita mamayang lunch. Magkalapit lang naman ang offices natin. If you won't mind."
Napalunok si Marnie. Hindi niya in-expect na ganoon pala kabilis na mauulit ang muli nilang pagkikita. At saka bakit tila alam na rin nito kung saan siya nagtatrabaho. Ni hindi nila iyon napag-usapang dalawa. Naisip na lamang niya na maaaring kay Denise din ito nag-usisa.
"Hello, are you still there?"
"A e, oo. 'Andito pa ako."
"So, pupuwede ka ba?"
"S-Sige," napilitang sagot niya.
"Lunchtime then, pupuntahan kita diyan sa office n'yo."
"Ikaw ang bahala."
"Thanks, Marnie," masayang sabi ng lalaki.
May dalawang oras pa naman bago ang lunchbreak pero hindi maiwasan ni Marnie ang hindi kabahan. Pakiramdam niya ay awkward pa rin ang nangyayari sa ngayon. Kahit tila sinsero si Salt sa paghingi ng dispensa at nangako itong babawi ay asiwa pa rin si Marnie. Pumayag naman siya ngunit bakit ba ngayong magkikita sila ay parang nais niyang umurong.
Nagkakaroon ba siya ng malisya sa ginagawang pakikipaglapit ng lalaki? Subalit malinaw naman sa kanya ang layunin ni Salt. Isa pa, may asawa na ito.
Malakas ang dating ng lalaki. Kung hindi sila nagkaroon ng 'di kagandahang engkwentro, ibang-iba siguro ang magiging pagtrato niya rito.
Ah, ano ba itong naiisip niya?
Bigla ring pumasok sa isip niya si Bernard. Tiyak na hindi ikatutuwa ni Bernard na may ibang lalaki siyang iniisip bukod dito. Hindi naman seloso ang namayapang kasintahan. Secured ito sa pagmamahal niya.
Pero wala na si Bernard, sabi ng isang bahagi ng utak niya. Kailangan na niyang harapin ang buhay na mag-isa at magplano ng hinaharap na hindi kasama si Bernard.
Unti-unti ay nalambungan ng lungkot ang kanyang mga mata. Na-miss na naman niya ang kasintahan. May pinong kurot sa puso ang reyalidad na wala ng tsansa ang pag-iibigan nila ni Bernard.
"Anything wrong, Marnie?"
Nagulantang si Marnie na nasa harapan na pala ng desk niya si Ms. Valerie.
"Umiiyak ka ba?" nag-aalalang tanong pa nito.
Mabilis niyang pinahid ang nangilid na luha. "M-Ms. Val, hindi, napuwing lang ako."
"Sigurado ka?"
Tumangu-tango siya at nilapatan ng ngiti ang mga labi.
"O-Okay lang ako, Ms. Val."
"Okay."
Sa tingin niya ay hindi naniniwala ang babae. Naroroon ang pag-aalala sa 'di humihiwalay na titig nito.
"I just want to follow-up on the report. Paki-send mo sa akin once matapos mo na." Banayad ang tinig ni Ms. Valerie.
"Malapit na, Ms. Val. Give me five more minutes."
Iniwanan na siya ni Ms. Valerie. Huminga siya nang malalim at itinuon ang pansin sa screen ng computer. May trabaho siyang dapat gawin kaya pinaalalahan ang sarili na magpokus doon. Ipinagpag niya ang lungkot na nararamdaman.
BINABASA MO ANG
When Daddy Meets Mommy
RomansaThe Wattys2018 Longlist Mahiwaga ang naging pagtatagpo nila. Tila wala sa sarili ang lalaki nang una niya itong makita. Subalit ang labis na ipinagtataka ni Marnie, kaboses ng lalaki ang namayapa niyang kasintahan. Higit sa lahat, Mommy ang tawag ni...