TAMA nga yata si Marnie. Dalawang linggo na ang nakalilipas at walang anino ni Miggy na muli pang nanggulo sa kanila. Nakabalik na rin siya sa trabaho at malaking tulong iyon para malibang ang isip ni Marnie.
May mga pagkakataon na naguguluhan pa rin siya sa mga nangyari. Nadidismaya rin siya kung minsan sa pag-aakalang may kinalaman si Bernard kay Miggy.
Subalit hindi siya magkakamali kung sasabihin niyang may kakaiba sa lalaking iyon na makailang ulit niyang nakasalamuha.
Tama siguro si Papa. Baliw ang lalaking iyon. Nagkataon lamang na kaboses siya ni Daddy.
Gabi na nang makauwi siya at kamuntik pa siyang abutan ng malakas na ulan. Nag-iisa siya sa kanilang bahay. Nasa Quezon ang mga magulang niya at kapatid. Debut kasi ng isa nilang pinsan doon. Dahil kakabalik lamang niya sa trabaho ay hindi siya nakasama. Bukas pa ang balik ng kanyang pamilya.
Matapos kumain ng hapunan ay nagbasa muna ng pocketbook si Marnie. Pinalipas niya ang busog at maya-maya ay naghanda na sa pagtulog. Masarap matulog ganitong malakas na malakas ang buhos ng ulan.
Hindi na namalayan ni Marnie ang oras, mahimbing siyang nakatulog. Subalit nagising siya sa malalakas na kulog bandang hating-gabi. Kumakapit din sa kanyang balat ang kakaibang lamig. Hinila niya ang makapal na kumot at ibinalot sa katawan.
"Mommy! Mommy!"
Napamulat muli si Marnie. Hindi niya tiyak kung totoong may naririnig siya. Maingay ang patak ng ulan sa bubong ng bahay nila bagaman at may kisame iyon. Mataman siyang nakinig.
"Mommy! Mommy!"
Napabangon si Marnie. Binuksan niya ang lampshade, dahan-dahang bumangon at lumapit sa bintana. Sumilip siya roon.
"Mommy!"
Nakita niya. Sa harapan ng gate, naroroon ang lalaki. Nakakapit sa barandilya ng bakal nilang gate. Basang-basa ito ng ulan.
Ang baliw!
"Mommy!"
Nakita siya nito na nakasilip. Kumaway pa ito. Mas lumakas ang pagtawag nito sa kanya.
Tumalikod si Marnie, nakadama siya ng inis dahil sumulpot na naman ang lalaki. Naalala na naman niya ang pambabastos na ginawa nito sa kanya.
Bakit nagbalik na naman ang baliw na ito?
Muli siyang sumilip at pinanood lamang ang lalaki. Wala siyang dapat gawin, pasya niya. Kailangang panindigan niya na hindi na ito dapat pang magpakita sa kanya.
Manigas ka riyan. Wala akong pakialam sa 'yo!
Nagliwanag ang paligid at napatili pa si Marnie sa malakas na pagputok sa gilid ng bahay nila. Nakita niya ang pagguhit ng kidlat at ang pagtama nito sa sanga ng isang punong nasa loob ng bakuran nila.
Para pa siyang sumandaling nabulag. Ikinisap-kisap niya ang mga mata at nang muling masanay sa kadiliman sa labas ng bahay ay nilingon ang gate na kinaroroonan ni Miggy kanina.
Nanlaki ang mga mata niya nang makitang nakabuwal na ang lalaki. Patagilid itong nakahiga at hindi kumikilos.
Tinamaan ba ng kidlat si Miggy?
Napalunok siya. Ano'ng gagawin niya ngayon? Patuloy ang pag-ulan at tila walang malay si Miggy na nakahandusay sa labas ng kanilang bakuran.
Bakit ba nag-iisa siya ngayong gabi?
Saglit lamang at nagdesisyon si Marnie na tumakbo palabas ng bahay. Dala-dala ang payong ay nagpunta siya patungo sa kanilang gate.
Binuksan niya ang gate. At para siyang nakahinga nang maluwag nang makitang nakaupo na sa lapag si Miggy. Humihikbi ito at tinatakpan ng mga kamay ang magkabilang-tainga.
BINABASA MO ANG
When Daddy Meets Mommy
RomantikThe Wattys2018 Longlist Mahiwaga ang naging pagtatagpo nila. Tila wala sa sarili ang lalaki nang una niya itong makita. Subalit ang labis na ipinagtataka ni Marnie, kaboses ng lalaki ang namayapa niyang kasintahan. Higit sa lahat, Mommy ang tawag ni...