🌟His presence🌟

1.2K 49 43
                                    

"ATE, 'yung totoo, galit ka ba sa asin o me alat kang hinahanap kaya sobrang alat nitong pansit na niluto mo?" Nakangibit si Gabrielle habang kumakain ng pansit.

Magkakaharap silang mag-anak sa salas at sama-samang nanonood ng TV. Pare-parehas ang naging hitsura ng kanyang pamilya matapos makapagsubo ng pansit.

"Maalat ba talaga?" nahihiyang tanong niya sa pamilya. "Hindi ko naman 'yan nilagyan ng asin. Toyo lang 'yan."

Sumubo rin si Marnie ng pansit at siya man ay napaismid nang malasahan ang pagkain.

Hindi niya maintindihan kung bakit naging maalat ang pansit. Kung pagbabasehan ang kulay, hindi naman nangingitim ang bihon.

Ngunit bigla siyang may naalala. "Dinagdagan ko siya ng patis, mukhang nasobrahan yata," nahihiyang pag-amin niya.

"Hala, wala sa sarili si Ate dahil wala ang asin na hinahanap niya," pambubuska ni Danielle.

"Ano ba'ng sinasabi mo diyan?" Inirapan niya ang kapatid.

"Deny pa more, Ate. Alam mo naman ang tinutukoy namin, e. Walang iba kundi 'yung masarap na asin, in English . . ." Binitin pa ni Gabrielle ang sasabihin, tumingin kay Danielle.

"Salt!" sabay na bulalas ng dalawa, saka naghagikhikan.

Mula nang makita ng mga ito ang paghahatid sa kanya ng lalaki ay naging tampulan na siya ng tukso.

"Kayong dalawa, tigilan n'yo na ang ate n'yo," saway ni Mang Jose sa kambal bago nagpatuloy. "Marnie, ano nga ba ang nangyari dito sa niluto mo? Parang gusto mo kaming magkasakit sa bato."

Napabuntung-hininga si Marnie. Hindi rin niya alam kung bakit sumablay ang timpla niya ngayon sa niluto. Dati-rati ay inaabangan ng pamilya ang pansit niya.

"Ilang araw na kasing hindi sila nagkikita ni Kuya Salt kaya ganyan si Ate. Wala tuloy sa sarili." Hindi pa rin mapigilan si Gabrielle.

"Gab, ano ba! Sinabi nang tigilan mo ang ate mo," napipikong saway muli ni Mang Jose bago humarap kay Marnie. "E, bakit nga ba hindi na yata naliligaw dito si Salt. Kumusta ba ang panliligaw niya sa 'yo?"

Napamaang si Marnie sa narinig sa ama. Akala pa naman niya ay kakampi niya ito.

"Jose, mukhang ikaw yata ang promotor ng kalokohan nitong kambal mo, e." Pati si Aling Julia ay hindi makapaniwala sa narinig sa asawa.

"E, bakit? Hindi ba nanliligaw 'yang si Salt dito sa dalaga mo?"

"'Pa, hindi po ako nililigawan ni Salt. Magkaibigan lang po kami," paliwanag niya sa ama.

"Magkaibigan? Kaya pala panay ang hatid sa 'yo nitong nakakaraang araw," katwiran ni Mang Jose.

Tingin niya ay hinuhuli siya ng ama.

"'Pa, hindi ba't na-explain ko na dati kung bakit kailangan naming maging malapit ni Salt. Alam n'yo na naman kung ano ang sitwasyon niya. Nakikipagkaibigan siya para hindi kami masyadong asiwa sa isa't isa sakaling bumalik ulit ang pagiging Miggy niya. Saka may asawa na si Salt, hindi po ba? Kahit hindi sila magkasama, mag-asawa pa rin po ang mga 'yun."

"Nakita mo na ba ang asawa ni Salt?" Si Aling Julia ay hindi nakapigil mag-usisa.

Natahimik si Marnie. Hanggang sa mga sandaling iyon ay wala siyang ideya kung nasaan si Trixia at kung bakit ni hindi ito nababanggit ni Salt sa kanya. Nahihiya naman siyang mag-usisa rito.

"Ang alam ko lang po ay hindi sila okay."

"Kumusta na nga pala siya? Mukhang hindi na naman yata siya sinusumpong ng pagkawala sa sarili. Hindi ka na nila iniistorbo ng alangang oras nitong huli," singit naman ni Mang Jose.

When Daddy Meets MommyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon