"MESTISO at sobrang guwapo," pagbibida ni Aling Julia sa dalawang kapatid na babae ni Marnie habang naghahapunan sila.
Kambal ang mga ito, Danielle at Gabrielle ang pangalan, at parehong graduating sa kursong accountancy sa susunod na taon. Sa isang unibersidad sa probinsya ng Quezon nag-aaral ang dalawa. May tiyahin kasi sila roon at nakikituloy ang dalawa kapag may pasok. Dahil bakasyon na sa school ay umuwi ang magkapatid sa bahay nila sa Muntinlupa.
Kung si Marnie ay sa ina nagmana ng pisikal na katangian, ang kambal naman ay mas kahawig ng kanilang ama. Halos magkamukha sina Gabrielle at Danielle at gawain ng dalawa na lokohin ang ama't ina. Kung minsan ay nagpapalitan ng damit ang kambal upang lituhin sila.
"Kung babalik siya ng hating-gabi, gisingin mo ako, 'Ma. Gusto ko siyang makita." Matinis ang boses ni Gabrielle. Katabi nito ang kakambal sa pabilog na mesa.
Nakahain ang isang bandehadong kanin, pritong bangus at ang gulay na pinakbet sa hapag nila. Mayroon ding tinimplang juice sa isang pitsel at may malaking bote ng softdrink na ang laman ay tubig. Bilang pamutat ay may ubeng halaya na nasa isang tabi.
"Ano na kayang nangyari doon? Hindi na bumalik." Tila nanghihinayang pa si Aling Julia.
"Gugustuhin mo pa bang bumalik iyon?" kontra ni Mang Jose. "Baka may nagbalik sa mental. Baka mayamang nakatakas, ipinahanap ng pamilya, pagkatapos noong umalis dito sa atin ay natagpuan nila ulit sa kalsada at ikinulong na."
"Kawawa naman siya. Kung may sira siya sa ulo, sayang naman ang kaguwapuhan," sabad ni Danielle. Natural sa boses nito ang pagiging paos.
"Hindi naman sila exempted na masiraan ng ulo dahil maganda o guwapo." Hindi natutuwa si Mang Jose sa interes ng dalawang kambal sa estranghero.
Ngunit si Marnie man ay napapaisip kung ano ang kinahantungan ng lalaki. Ilang araw na rin ang nakalipas mula nang makita niya ito sa bakuran nila.
May mga gabi ngang sumisilip si Marnie sa kanilang bakuran, naghihintay at umaasang makikitang muli ang lalaki.
Hindi niya ito hinahanap dahil sa pisikal na anyo nito. Tama si Aling Julia, napakagandang lalaki nito, matangkad, matikas ang pangangatawan. Ngunit ang boses nito ang nag-uudyok sa kanya na naising makitang muli ang lalaki.
May mensahe ba sa kanya si Bernard? Subalit bakit tila nabitin lamang siya sa hangin?
Ngunit kahit paano, tila nakatulong ang insidente upang mabawasan ang matindi niyang paghahanap kay Bernard. Nagkaroon siya ng dahilan upang gumising araw-araw at hintaying muling marinig ang boses ng namayapang nobyo at sa wakas ay malantad ang tunay na pakay nito. Naniniwala pa rin si Marnie na hindi aksidente ang pagdating ng mahiwagang lalaking iyon.
Daddy, ikaw ba ang nagdala sa lalaking iyon dito? Naglalaro iyon sa isipan niya magmula nang magpakita ang lalaki.
Medyo malalim na uli ang gabi. Hindi pa rin makatulog si Marnie. Mabuti na lamang at hindi niya kailangang gumising nang maaga. Matapos ang nangyaring aksidente sa kanya ay nag-indefinite leave si Marnie sa kumpanyang pinapasukan. Napaka-considerate naman ng kanilang amo doon at naunawaan ng mga ito ang kanyang pinagdadaanan. Hindi siya pine-pressure kung kailan dapat bumalik.
Ang kanyang mga magulang naman ay parehong public elementary school teacher. Nakabakasyon na rin ang mga ito pero may mga araw na kailangan pa ring pumasok sa school.
Pahiga na si Marnie, pinatay na niya ang lampshade na nasa gilid ng kama nang tila may mahinang boses siyang narinig mula sa kanilang bakuran. "Mommy . . . Mommy."
Iniisip ni Marnie kung dinadaya lamang ba siya ng kanyang pandinig pero nang muling marinig ang pagtawag ay nagpasya siyang buksan ang ilaw at sumilip sa bintana.
BINABASA MO ANG
When Daddy Meets Mommy
RomanceThe Wattys2018 Longlist Mahiwaga ang naging pagtatagpo nila. Tila wala sa sarili ang lalaki nang una niya itong makita. Subalit ang labis na ipinagtataka ni Marnie, kaboses ng lalaki ang namayapa niyang kasintahan. Higit sa lahat, Mommy ang tawag ni...