GINISING ni Gabrielle si Marnie sa mahimbing na pagkakatulog. May bisita raw siya. Pupungas-pungas pa na bumangon si Marnie. Sinipat niya ang oras sa digital alarm clock na nasa ibabaw ng side table, alas-tres na pala ng hapon. Matapos ang tanghalian ay nakaramdam siya ng antok. Wala na siyang namalayan pa.
"Sino ba 'yon?" Gusto pa sana niyang matulog.
"Si Kuya Salt, Ate." Nakangiti pa si Gabrielle na sumagot.
Bigla yatang nawala ang kanyang antok. Ano ang ginagawa ng lalaking iyon dito?
"Si Kuya Salt siya, Ate. Hindi siya si Miggy," paglilinaw pa ng kapatid.
"Ano raw ang kailangan?" Hindi pa rin siya umaalis sa kama.
"Wala siyang sinabi. Basta, dumating na lamang siya." Tumalikod na si Gabrielle. "Sunod ka na lang, Ate, ha?"
Umalis na ito. Naiwan siyang hindi matutuhan ang gagawin.
Isang linggo na nga pala ang nakararaan mula nang magkita sila. Ilang oras din silang magkatabi nito sa kama. Sabagay, si Miggy iyon at hindi si Salt. Maamo si Miggy, mabagsik si Salt. Ang huling balita niya kay Salt, ayos na raw ulit ito, sabi sa text message mula kay Denise.
Naiinis pa rin siya kay Salt dahil sa dalawang ulit nitong pambabastos sa kanya. Hangga't maaari, gugustuhin niyang maiwasang magkaharap silang muli.
Pinagmasdan muna ni Marnie ang sarili sa harap ng salamin, sinigurado niyang presentable naman siya sa pagharap sa lalaki. Naroroon sa salas si Salt, kaumpukan sina Gabrielle at Danielle, mukhang nakikipagkuwentuhan.
Tumayo ang lalaki nang makita siya, tila nahihiyang ngumiti ito. Aaminin ni Marnie, napakaguwapo ni Salt. Maayos ang buhok nito, katulad noong una niya itong nakita sa Makati. Nakaasul na sweatshirt at jeans ang lalaki.
Sinikil niya ang paghangang naramdaman. Blangko ang ekspresyon, dumiretso siya sa kusina kung saan naroroon sina Aling Julia at Mang Jose. Ipinagtitimpla ni Aling Julia ng orange juice ang lalaki. Napansin niya ang dalawang kahon ng pizza at nakasupot pang fried chicken sa mesa.
"Dala 'yan ni Salt," sabi ni Aling Julia.
"Si Salt ba talaga 'yan, 'Ma, o si Miggy?" Sarkastiko ang tono niya.
"Si Salt 'yan. Hindi naman makakapagmaneho siguro si Miggy kasi ay isip-bata 'yun." Pinatulan ni Aling Julia ang biro niya.
Dumiretso siya sa lababo. Kinuha ang toothbrush at toothpaste sa lalagyang nakasabit sa dingding. Ilang minuto siyang nagsepilyo.
"Dalhin mo na ito kay Salt." Iniabot ng kanyang ina ang baso ng tinimplang juice matapos siyang makapag-toothbrush.
Dumiretso na siya sa salas.
"Kuya, iwan ka na muna namin," ani Danielle na katulad ng kakambal ay hindi maitago ang pagkakilig sa kakisigan ng bisitang lalaki. Magkasunod na tumakbo paakyat sa hagdan ang kambal.
Napailing na lamang si Marnie. Pormal siyang humarap kay Salt.
Inabot ni Salt ang baso ng juice at hindi inaalis ang titig sa kanya na ininom iyon.
"Ano'ng masamang hangin ang nagdala sa 'yo dito?" basag niya sa katahimikan sa pagitan nila.
Panakaw ang sulyap niya ngunit tiyak niyang hindi si Miggy ang kaharap. Mukhang maamo ang bukas ng mukha ng lalaki noong hapong iyon.
"I'm here to say sorry. Sorry for all the inconvenience I have brought to you and to your family these last few days."
Gustong masorpresa ni Marnie sa narinig. Si Salt nga ba ang kaharap niya?
BINABASA MO ANG
When Daddy Meets Mommy
RomantikThe Wattys2018 Longlist Mahiwaga ang naging pagtatagpo nila. Tila wala sa sarili ang lalaki nang una niya itong makita. Subalit ang labis na ipinagtataka ni Marnie, kaboses ng lalaki ang namayapa niyang kasintahan. Higit sa lahat, Mommy ang tawag ni...