Goodbyes

1.2K 46 16
                                    

MAKAILANG beses na ring nag-check ng celfone niya si Salt. Wala siyang reply na natatanggap mula kay Marnie. Sinubukan niya itong tawagan subalit pagkatapos mag-ring ng dalawang beses, sa ikatlong subok niya ay out of reach na ito. Nag-aalala siyang may kung anumang masamang nangyari kay Marnie ngunit hindi naman siya pupuwedeng umalis kaagad sa Cebu kung saan plano nilang itayo ang isang urban township na katulad ng naunang itinayo sa Tagaytay.

Sa nagdaang dalawang araw ay wala siyang contact sa dalaga.

Nang makabalik sa Manila ay sinadya niya si Marnie sa bahay ng mga ito.

Pagharap pa lamang ni Marnie sa kanya ay kakaiba na kaagad ang naramdaman niya. Magiliw na ang pakikiharap ng babae nitong nakakaraang araw. Subalit ngayon ay may kapormalan ito.

"May problema ba?" mahinahong sabi niya sa babae nang magkaharap sila sa salas. Binigyan din sila ng privacy ng pamilya nito upang makapag-usap.

"Pagod lang ako siguro," anito.

"Hindi ka sumasagot sa text or tawag ko," walang bahid ng panunumbat na sabi niya.

Matagal bago sumagot si Marnie.

"Hindi ka ba napapagod sa ginagawa natin?" anito.

"Napapagod?" naguguluhang tanong niya. Hindi niya maunawaan ang punto ni Marnie.

"Naiisip ko lang, kailangan nating maging magkaibigan dahil sa sitwasyon mo, dahil hindi pa natin alam kung ano ba talaga ang dahilan kung bakit sumusulpot noon si Miggy. Pero sa tingin ko kasi ay okay ka na naman. Tingnan mo, nagawa mong makapunta sa Cebu, at hindi ka natakot na baka habang naroroon ka ay bigla kang maging si Miggy."

"Hindi ako pupuwedeng magpatalo sa takot, Marnie. To be honest, I took a big risk na magpunta doon knowing it could happen. May mga trip ako abroad in the past na sa totoo lamang ay ipinakansela ko dahil nga sa posibilidad na mag-appear muli si Miggy. Pero simula nang maging malapit tayo at madalas na nagkikita, hindi na ako muli pang nawala sa sarili. You helped me a lot and I owe it dearly to you," aniya.

"Pero hindi naman puwede na ganito tayo palagi, di ba?"

"Paanong hindi puwede na ganito palagi?"

"Hindi puwedeng habambuhay na nakadepende sa pagkakaibigan natin 'yung hindi na muli pang pagsulpot ni Miggy sa katauhan mo, Salt. Isang araw magkakaroon din tayo ng sari-sariling buhay. Kailangan mong harapin ang buhay mo nang wala ako at ako ay ganoon din," malungkot na sabi ng babae.

Unti-unti ay nauunawaan ni Salt ang punto ni Marnie. Masakit, pero malinaw ang pinatutunguhan nito. "You're saying napapagod ka na sa ganitong klase ng set-up nating dalawa?"

Hindi makasagot si Marnie, napayuko na lamang ito.

"Ayaw mo na akong maging kaibigan?"

Hindi pa rin umiimik ang dalaga.

Humugot nang malalim na hininga si Salt. Pagod siya sa biyahe galing sa Cebu, pero hindi niya iyon naramdaman sa pagkasabik na muling makita si Marnie. Subalit ngayon ay nakadama siya ng pamimigat ng pakiramdam.

"I got it. I am sorry I brought you so much trouble. Pero kung ayaw mo na akong makita pa ay anong magagawa ko. Maraming salamat sa lahat ng ginawa mo para sa akin. Hindi ko siguro iyon madaling makakalimutan. Hindi ko lang maintindihan kung bakit sa isang iglap, bigla mo na lamang napagpasyahan na ayaw mo na akong maging kaibigan."

Tumayo na si Salt. Wala na sigurong dahilan upang magtagal siya sa lugar na iyon.

"Kailangan ko ding mag-move on, Salt. Sa tuwing naririnig ko ang boses mo ay naaalala ko lamang si Bernard. Magkaiba man kayo ng pananalita but you have exactly the same voice as him. Pinipilit ko siyang kalimutan pero sa tuwing naririyan ka, I cannot help but believe na buhay pa din si Bernard." Umiiyak na si Marnie.

"I respect your decision. Huwag kang mag-alala, I will give you the space you need kung 'yun talaga ang kinakailangan mo. I will not bother you from now on."

Akma na siyang aalis ngunit pinigilan siya ng isang kamay ni Marnie.

Nakita niyang may iniaabot na sobreng puti ang babae.

"Bayad 'yan sa utang ko sa 'yo sa hospital bills ni Mama. Alam ko mas malaki pa diyan ang dapat kong bayaran sa ilang ulit na panlilibre mo sa akin."

Kinuha niya ang sobreng iniaabot nito. Mabibigat ang mga paang humakbang siya palabas ng bahay nina Marnie.

Tumigil pa siya sa harapan ng gate at nag-iisip kung dapat pa bang muling lingunin sa huling pagkakataon ang bahay ng babaeng aminin man niya o hindi ay may espesyal ng lugar sa kanyang puso. Nagdesisyon si Salt na mas makabubuti na sumakay na lamang ng kotse.

Wala pang isandaang metro ang natatakbo niya ay muli niyang inihinto ang kotse. Napakabigat ng dibdib niya at gustong sumabog. Pamilyar ang sakit na nararamdaman niya. Naalala niyang muli si Ursula at ang sakit na ibinigay nito sa kanya ilang taon na ang nakalilipas.


***Please do not forget to vote if you enjoy the story. Feel free to comment. Follow me and I will follow you back. Do not plagiarise. Thanks and happy reading. God bless!

When Daddy Meets MommyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon