Miggy at the door

1.6K 58 27
                                    

MALUNGKOT na umuwi si Marnie sa bahay nila. Nakauwi na mula sa pagsisimba ang kanyang pamilya. Nahimigan ng mga ito ang kalungkutan sa awra niya.

"Saan ka ba nanggaling, anak?" usisa ni Aling Julia.

"May tiningnan lang po ako sa may Towncenter kaso ay hindi po available," pagsisinungaling niya.

"Matagal na ring hindi napapadpad si Salt dito. Nagkaproblema ba kayong dalawa?" Si Mang Jose naman ang nagtanong.

"Pa, okay na po si Salt. Hindi na po siya sinusumpong ulit kaya nagdesisyon na po kami na hindi na namin kailangang magkita."

"Gano'n? Parang hindi maganda sa pandinig. Parang hindi naman ganoong klase ng tao si Salt," may pagtatakang sabi ni Mang Jose.

Maagap na sumagot si Marnie. "Pa, ako ang nagdesisyon ng ganoon. Hindi kasi maganda na magkalapit pa kami lalu pa't may girlfriend naman po siya."

"May girlfriend si Kuya Salt?" Magkasabay pa ang dalawang kambal na napabulalas.

Napalingon silang tatlo sa kambal.

"Akala pa naman namin ni Gab, kayong dalawa na talaga ang magkakatuluyan," malungkot na sabi ni Danielle.

Napapalatak si Aling Julia. "Kayong dalawa kasi ay parehong malisyoso. Sinabi nang tigilan ang ate n'yo sa panunukso kay Salt."

Nakatitig sa kanya si Aling Julia, tila sinusuri nito ang anyo niya. Napaiwas siya ng tingin dito.

Alam ni Marnie na kailangan na niyang tanggapin na hindi na talaga niya muli pang makikita si Salt. Masakit na masakit man iyon ay wala na siyang magagawa pa.

Nang sumunod na mga araw ay nagpaka-abalang muli sa trabaho si Marnie. Kapag umuuwi sa bahay ay pocketbooks naman ang kanyang inaatupag. Hindi na rin siya muli pang ginugulo sa panaginip ni Miggy.

Hanggang dumating ang Biyernes ng gabi na si Marnie ay nakahanda nang matulog. Hating-gabi na rin iyon, pupuwede naman siyang magpakapuyat dahil wala siyang trabaho kinabukasan. Tinapos niya ang binabasang kuwento sa pocketbook na binili.

"Mommy!"

Nagulantang si Marnie sa boses na iyon. Nananaginip na naman ba siya? Kinurot niya ang sarili at sigurado siya na gising na gising pa naman siya.

"Mommy!" muling tawag ng pamilyar na boses na iyon, boses iyon ni Bernard, ni Miggy o mas tamang sabihin na boses iyon ni Salt.

Sumungaw siya sa bintana at nakitang naroroon muli sa ibaba ng kanilang bahay si Salt. Nakasando lamang ito at naka-pajama bottoms. Nakayapak si Salt. Nagbalik ba sa pagiging Miggy si Salt? Ito ba ay dahil sa unfinished business na dapat niyang gawin para sa lalaki? Ano ang kanyang gagawin?

Pumanaog na si Marnie at muling pinagbuksan ng pinto ang lalaki. Halos dambahin siya nito nang makapasok upang yakapin at kintalan ng halik sa magkabilang pisngi.

"I miss you, Mommy!"

Napayakap din si Marnie kay Salt. "Na-miss din kita, Salt . . . Miggy pala."

Hindi siya binibitawan ni Salt, marahan siyang kumawala sa pagkakayakap nito.

"Bakit ka nagbalik, Miggy?" usisa niya.

"You don't want to see me again, Mommy?" pa-inosenteng tanong nito.

"Siyempre gusto. Pero mas mapapanatag ako kung matatahimik ka na."

"I just want to sleep beside you, Mommy." Hindi pinansin ni Miggy ang sinabi niya.

"Papatulugin kita mamaya pero gusto kong sagutin mo muna ang tanong ko. Gusto mong tulungan ko ang Daddy mo pero paano?"

Nagbaba ng tingin si Miggy. Tila nalilito ito sa tanong niya.

"Napanaginipan kita tapos sabi mo, you want me to help your daddy. Pero hindi ko alam kung paano?"

"Just take care of daddy. Promise me you will," sabi ni Miggy.

Hindi kaagad makasagot si Marnie. Paano ba niya ipapaliwanag kay Miggy na hindi madali ang sinasabi nito sa kanya. Dapat yata ay kay Ursula ito magpakita.

"Mommy, let's go to bed. I want to sleep."

Napabuntung-hininga si Marnie. Naisip niyang pagbigyan na lamang si Miggy. Bukas, kung sakaling magbalik muli si Salt sa sarili ay makakapag-usap naman siguro sila. Kailangang masolusyunan nilang muli ang pagbabalik nito sa pagiging Miggy.

Hinila niya si Miggy patungo sa mahabang sofa sa salas. Doon na lamang niya muli patutulugin ang lalaki. Ngunit ang lalaki ay humihila sa kanya patungo sa ibang direksyon.

"I don't want to sleep there, Mommy. I want to sleep in our bed."

Hala, patay na. Demanding na si Miggy.

Napatingin siya sa paa ng lalaki. "Sige na nga, pero maghuhugas ka muna ng paa. Madumi na naman ang mga paa mo."

Masayang tumango si Miggy. Hinila siya nito patungo sa banyo nila at naglambing pang muli na linisin niya ito. Pati ang pawis ni Miggy ay tinuyo niya ng malinis na tuwalya. Tuwag-tuwa si Miggy sa pag-aasikasong ginawa niya dito.

Nauna pa itong umakyat sa kanyang kuwarto at nakahiga na sa bandang gitna ng kama niya.

Bantulot si Marnie kung tatabihan si Miggy. Subalit makatatanggi ba siya dito? Alam niyang bilang si Miggy ay hindi ito papayag na hindi niya ito aabayan.

Nangingislap ang mga mata ni Miggy nang sumakay siya sa kama.

"Miggy, it's a bit late na, kaya we need to sleep na, okay?" aniya sa lalaki.

Bahagyang bumangon si Miggy, patagilid na nakatunghay sa kanya. "Mommy, do you want to help Daddy?"

Nagulat siya sa tanong na iyon ni Miggy.

"Y-Yes, pero hindi ko alam kung paano siya tutulungan."

"Do you love Daddy?"

Mas nagulat siya sa tanong na iyon ng lalaki.

"Hindi ako ang gusto ng daddy mo, Miggy," malungkot na paliwanag niya kay Miggy.

"But you love Daddy?" usisa pa rin nito.

Napabuntunghininga si Marnie. Tumango siya bilang pag-amin.

Mataman siyang pinagmamasdan ni Miggy.

"So you love Daddy?"

"Oo naman, mahal ko ang Daddy mo," isinatinig na niya ang nais na marinig ni Miggy.

Ikinabigla ni Marnie ang sumunod na nangyari. Mabilis ang naging pagsalakay ni Miggy. Ni hindi siya nakagalaw nang mabilis siya nitong dampian ng mainit na halik sa mga labi. Mapusok ang halik na iyon, kinamkam nang buong-buo ang kanyang mga labi.

Naguguluhan siya noong una ngunit hindi niya kayang tanggihan ang magandang pakiramdam na iyon sa pagtatagpo ng kanilang mga labi. Gumanti siya ng halik kay Miggy.

Nang mag-agwat ang kanilang mga mukha ay may ngiti ng tagumpay sa mga mata at labi ng lalaki.

***Please do not forget to vote if you enjoy the story. Feel free to comment. Follow me and I will follow you back. Do not plagiarise. Thanks and happy reading. God bless!

When Daddy Meets MommyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon