HINDI pa rin makabawi si Marnie sa nangyari kanina. Malakas ang lalaki at wala siyang nagawa upang mapigilan ang kapangahasan nito. Nakita niya sa mukha nito ang determinasyon na magawa ang nais gawin. Sa tanang buhay niya ay pangalawang lalaki ito na nakahalik sa kanyang mga labi. Marahas at mapangamkam ang halik na iyon, bagay na hindi niya natikman sa nasirang nobyo. Ah, kung hindi dumating ang kanyang mga magulang at kapatid, baka kung saan pa humantong ang maitim na balak nito.
Nag-uusap ang lalaki at ang mga magulang niya. Hindi siya nakisali sa usapan ng mga ito. Maya-maya pa ay may mga bagong mukhang dumating sa bahay nila.
"Ako po si Denise, kapatid ko po si Salt," pagpapakilala ng magandang babae sa kanila. "Ito po ang kaibigan naming si Charles."
Magkakaumpukan sila sa salas, siya at ang mga magulang, ang lalaki na Salt pala ang pangalan at ang dalawang kasama nito.
"So dito po pala nagagawi si Kuya paminsan-minsan?" pagpapatuloy ni Denise.
"Oo, iha, ipinaliwanag niyang may kakaiba raw nangyayari sa kanya nitong nakakaraang araw. Hindi raw niya alam kung saan siya nagpupunta kapag nawawala siya," kuwento ni Mang Jose. "Pero tatlong beses lang yata siyang nagawi rito."
"Limang beses po siyang nawala," kumento ni Denise.
"A e, baka may iba pa siyang pinupuntahan," singit ni Aling Julia.
"Limang beses po siyang nagpunta rito," pagtatama ni Marnie. Napalingon sa kanya ang mga magulang, nagtatanong. "'Ma, 'Pa, pasensya na po. Bumalik po siya pero hindi ko na sinabi sa inyo."
"So that means dito lang talaga ang destination ni Salt every time na nawawala siya," konklusyon ni Charles.
"Mas tama sigurong sabihin na nawawala sa sarili," may pang-uuyam na wika ni Marnie.
Lahat ng paningin ay napadako sa direksyon ni Marnie.
"Anak," saway sa kanya ni Aling Julia.
Humaba ang nguso niya. Hindi siya nagsisisi sa ginawa lalo pa nang magtama ang paningin nila ni Salt. Naniningkit na naman ang mga mata nito. Sigurado siyang hindi nito nagustuhan ang kanyang sinabi.
Inirapan pa niya ito. Sa ganitong paraan man lamang ay makabawi siya sa pang-iinsulto nito sa kanya. Hindi niya matanggap na pinagbintangan pa siya nito na isang mangkukulam.
At siyempre, hindi niya ito mapapalampas sa ginawang paghalik sa kanya. Ilang beses man niyang hinugasan ang bibig subalit malinaw pa rin niyang naaalala kung gaano karahas ang halik ng lalaki.
"Pasensya na po kayo sa naging abala ng nangyaring ito. Gagawin po namin ang lahat para maiwasan na itong maulit pang muli. At salamat din po sa pagmamalasakit n'yo sa tuwing naliligaw si kuya dito," nahihiyang sabi ni Denise sa kanyang pamilya.
"Hihiling po sana ako ng tulong mula kay Marnie. Kung siya po ang hinahanap ni Salt sa tuwing umaalis siya, may mga bagay po sana akong nais tanungin." Nakatingin sa kanyang direksyon si Charles.
"Kung makakatulong para hindi na siya magpapakita pa rito, sige, tutulong ako," matigas na pahayag niya. "Kung 'di, baka kahit ako, mabaliw na rin."
Muling nagtama ang kanilang mga paningin ni Salt. Higit na nanlisik ang mga mata nito.
***Please do not forget to vote if you enjoy the story. Feel free to comment. Do not plagiarise. Thanks and happy reading. God bless!
BINABASA MO ANG
When Daddy Meets Mommy
RomantikThe Wattys2018 Longlist Mahiwaga ang naging pagtatagpo nila. Tila wala sa sarili ang lalaki nang una niya itong makita. Subalit ang labis na ipinagtataka ni Marnie, kaboses ng lalaki ang namayapa niyang kasintahan. Higit sa lahat, Mommy ang tawag ni...