The dream

1.2K 45 9
                                    

PANLIMANG sunod na gabi na binubulabog si Marnie ng mga panaginip tungkol kay Miggy. Hindi niya alam kung bakit siya nito ginugulo. Nagalit ba si Miggy dahil pinutol niya ang koneksyon nila ng ama nito? Hindi naman niya magawang magkuwento sa pamilya.

Kumusta kaya si Salt, naiisip niya. May kaugnayan pa rin ba sa lalaki ang paglitaw ni Miggy sa kanyang mga panaginip?

Noong una ay naisip niyang dahil sa guilt kaya siya nananaginip ng ganoon. Guilty siya na pinalayo niya si Salt na hindi man lamang niya hiningi o pinakinggan ang opinyon nito. Maaaring tama siya subalit talagang hindi na nakakatuwa kung gabi-gabi ay si Miggy ang laman ng kanyang panaginip.

Naliligalig na nga si Marnie. Baka kailangan na niyang makipagkita kay Salt? Sa pagkakataong ito ay siya naman ang hihingi ng tulong dito. Subalit isang bahagi ni Marnie ay tumututol na muling makipagharap sa lalaki. Kailangan niyang panindigan ang binitawan niyang salita.

Hating-gabi na nang makatulog si Marnie. Nagbasa-basa pa kasi siya ng pocketbooks. Sinadya niyang manatiling gising hanggang sa humating-gabi dahil napansin niyang ganoong oras siya nagigising pagkatapos managinip.

Nagkaroon siyang muli ng panaginip. Subalit kakaiba iyon sa mga nauna.

Naroroon siya sa isang malaking bahay na hindi pamilyar sa kanya. Hindi niya alam kung saang lugar iyon. Nakita niyang lumabas ng isang pinto ang isang babae.

"I have had enough of this! Hindi ko na kayang makisama sa 'yo!" sigaw ng babae na hindi niya masyadong maaninag ang mukha.

Kasunod niyang lumabas ang isang lalaki. Nakilala ni Marnie na si Salt iyon.

"Then go! At saan ka pupunta? Babalik ka kay Ramsey?" Mataas din ang boses ni Salt. "Akala mo ba ay hindi ko alam na hindi kayo nagkikita nitong mga nakakaraang araw?"

Napamaang ang babae na nahulaan ni Marnie na si Trixia. "Wala akong ginagawang masama. Nagkikita kami, oo. Pero bilang magkaibigan lamang. Iginagalang ko na mag-asawa pa rin tayo.

"But this marriage will never seem to work! Hindi kita mahal at hindi mo rin ako kayang mahalin. I want to be out of this misery!" sigaw pa rin ng babae.

"Sinusubukan kong mahalin ka. Pero ikaw ang lumalayo!"

"Para saan? Para madagdagan pa ulit natin ang isang pagkakamali?"

"Hindi isang pagkakamali si Miggy! Do not dare speak ill of your own son!"

"Tama ka, hindi isang pagkakamali si Miggy. Pero kung bakit nabuo si Miggy, iyon ang pinakamalaking pagkakamali na nagawa ko sa buong buhay!"

"Daddy! Daddy!"

Nasa isang sulok na pala si Miggy, umiiyak ito habang nanonood sa pag-aaway ng mga magulang.

Naglaho ang eksenang iyon.

Nakita na lamang ni Marnie na nasa isang silid na siya. Nasa gilid siya ng kama kung saan natutulog si Miggy, katabi nito sa kama ang tulog na ring si Salt. Pumasok sa loob ng kuwarto si Trixia.

Dahan-dahan ay binuhat nito ang nahihimbing na anak, maingat upang hindi magising ang katabing lalaki. Sinundan ni Marnie si Trixia. Lumabas ito ng bahay at sumakay ng pulang kotse, isinakay din ang nahihimbing pa ring si Miggy sa unahan, nilagyan ng seatbelt.

Nang umandar ang makina ng kotse ay nasa loob na si Marnie ng sasakyan. Pinasibad ni Trixia ang kotse. Madilim pa ang paligid subalit mabilis ang takbo ng sasakyan. May pagkakaskasera pala itong si Trixia.

"Shit!" Narinig niyang bulalas ni Trixia. Binobomba nito ang brake pedal. May bus na nasa unahan nila. Sinubukan nitong igiya pakaliwa ang kotse ngunit nasilaw sila sa ilaw ng kasalubong na sasakyan.

Napatili si Trixia at maging si Marnie kasabay ang malakas na ingay ng nagbungguang sasakyan.

Nakita ni Marnie ang sarili sa loob ng van na sinasakyan nila ni Bernard. Nasa katulad na ayos sila noong maaksidente. Nasa ibabaw niya si Bernard, wala na itong buhay.

Muling nagbago ang nasa paligid ni Marnie. Nakatayo na siya sa harapan ng dalawang sasakyang nagbanggaan. Nakita niya ang duguang katawan ni Trixia sa loob ng nayuping kotse, wala na rin itong buhay.

Naramdaman niyang may kumapit sa kanyang kanang kamay. Si Miggy, nakatayo sa tabi niya.

"Mommy!" anito.

Hindi makapaniwala si Marnie. "Naaksidente kayo ng mommy mo?"

Tumango si Miggy.

"Mommy, please help Daddy," sabi ng bata.

"Ha? Paano kong tutulungan ang Daddy mo?"

"Please help Daddy," ulit ng bata.

"May nangyari ba sa Daddy mo?"

"Please help Daddy . . ."

Doon nagising si Marnie. Sinipat niya ang oras, mag-aalas nuwebe na pala ng umaga.

Hindi mapakali si Marnie. Bakit kaya paulit-ulit na sinasabi ni Miggy na tulungan niya ang ama nito? Gusto niyang tawagan si Salt subalit binura niya ang numero nito maging ang mga text messages nila. Gayundin ang ginawa niya sa mga numero nina Denise at Charles. Nagsisisi siya na kahit ang call history ay binura niya.

Wala siya ngayong pagpipilian kundi ang sadyain ang lalaki sa tahanan nito. Umaasa siyang walang masamang nangyari kay Salt.


***Please do not forget to vote if you enjoy the story. Feel free to comment. Follow me and I will follow you back. Do not plagiarise. Thanks and happy reading. God bless!

When Daddy Meets MommyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon