🌟The Return🌟

3K 73 46
                                    

"KUMAIN ka, anak, hindi gugustuhin ni Bernard na pabayaan mo ang sarili." Boses iyon ni Aling Julia, ang nanay ni Marnie. Si Aling Julia ay tila pinatandang bersyon ni Marnie. Namana niya ang maraming katangiang pisikal ng ina bagamat mas malapad ang mukha nito. Sa edad na mahigit singkuwenta ay maitim pa rin ang makintab nitong buhok na hindi lalagpas sa balikat ang haba. Mas maliit nga lamang sa kanya ang ina ng dalawang pulgada. Nasa 5'4 ang taas niya.

Nasa kuwarto siya at nakasandal sa headboard ng kama, umiiyak. Dinalhan siya ng pagkain ng ina dahil maghapon na siyang nagkulong sa kuwarto.

Kaninang umaga lamang ay idinaos ang ika-apatnapung araw ng kamatayan ni Bernard. Isa si Bernard sa walong nasawi sa aksidente.

Hindi pa rin matanggap ni Marnie ang pagkawala nito. Minsan ay naiisip niyang sana ay sumama na rin siya rito.

"Marnie, anak, kailangan mong lakasan ang loob mo. 'Andito pa kami ng tatay pati mga kapatid mo. Huwag mo namang isipin na gusto mo na kaming iwan."

Umiiyak pa rin si Marnie. "Mama, parang hindi ko kaya. Mahal na mahal ko si Bernard."

"Alam ko. Alam din ni Bernard na mahal na mahal mo siya. Pero ganoon talaga ang buhay. Minsan hindi natin alam kung bakit nangyayari ito." Napaluha na rin si Aling Julia.

"Ang dami-dami naming plano, 'Ma. Ang dami pa niyang gustong gawin. Bakit gano'n? Bakit si Bernard pa?"

"Hindi ko rin alam, anak. Pero wala na tayong magagawa pa. Si Bernard ay tahimik na pero tayong naiwan, kailangan nating harapin ang buhay kahit masakit."

"Lilipas din naman siguro ito, 'Ma, 'di ba?"

Tumango si Aling Julia.

"Sana nga, 'Ma. Kasi sa ngayon, hindi ko pa talaga kaya. Hayaan mo na lang muna akong umiyak, Mama."

Hindi siya napilit ng ina na kumain nang gabing iyon. Iniwanan na lamang ni Aling Julia ang tray ng pagkain sa isang lamesita na nasa tabi ng kama niya. Hinayaan na muna siya nitong mag-isa. Umiyak pa rin nang umiyak si Marnie hanggang makalipas ang mahabang oras na tila wala na siyang mailuha.

Subalit nanatili lamang siyang gising.

Hanggang sumapit ang hating-gabi ay nakaupo pa rin sa kanyang kama si Marnie. Nakatitig lamang siya sa kawalan. Tahimik na tahimik pati ang paligid maliban sa ingay ng mga kuliglig.

Nasa ganoon siyang sitwasyon nang tila may marinig siyang mahinang pagdaing. Nanggagaling iyon sa labas ng kanilang bahay.

Napakislot si Marnie. Hindi niya tiyak kung totoong may naririnig siya. Parang boses ng lalaki. Bahaw ngunit pamilyar sa kanya.

Mataman siyang nakinig, nakiramdam.

Napamaang si Marnie. Naramdaman niya ang pagyakap ng kilabot sa kanyang mga braso. Patuloy ang pagdaing. Hindi siya magkakamali, boses iyon ni Bernard.

Mabilis na nakabawi si Marnie. Ipinagpag niya ang kilabot na nararamdaman. Para siyang nabuhayan ng loob na tumayo sa kama at sumilip sa bintana ng kanyang kuwarto. Nasa ikalawang palapag ang kanyang silid.

May ilaw na nakasindi sa kanilang bakuran. At maliwanag na nakita niya sa isang sulok ang hugis ng isang nilalang. Nakasiksik ito sa isang gilid ng kanilang bakuran, sa malagong halamanan ng kanyang ina. Nakaupo ito roon at sapu-sapo ng palad ang mukha. Umiiyak ang lalaki.

"Bernard!"

Hindi makapaniwala si Marnie. Binalikan ba siya ni Bernard? Si Bernard nga ba ang kanyang nakikita?

Humahangos siyang lumabas ng silid at pumanaog para lumabas ng bahay. Gusto niyang magmadali sa takot na muling mawala sa paningin ang lalaki.

Binuksan niya ang pinto palabas sa bakuran nila. Naririnig pa rin niya ang pag-iyak nito. Hindi niya alintana kung anuman ang rasyunalisasyon sa nangyayari noong mga oras na iyon. Mas mahalaga na makita niya si Bernard.

Dali-dali siyang naglakad sa kinaroroonan nito. Nakaupo pa rin ang lalaki sa sulok, nakayuko at yakap-yakap ang mga binti.

"Daddy?" mahinang tawag niya.

Dahan-dahan ay nag-angat ng mukha ang lalaki. At tila nagliwanag ang mga mata nito nang makita siya. "Mommy!" sigaw nito at biglang tumayo.

***Please do not forget to vote if you enjoy the story. Feel free to comment. Do not plagiarise. Thanks and happy reading. God bless!

When Daddy Meets MommyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon