GALIT na galit si Salt nang malamang naulit ang pagkawala niya sa sarili. Si Patring na isa sa mga kasambahay nila ang nakatikim ng pinakamatinding sermon dahil nakatulog ito sa panahong dapat ay magbabantay ito. Nagrerelyebo ang kanilang kasambahay sa pagbabantay sa kanya gabi-gabi. Nakapaligid sa kanya sina Denise, Yaya Miling, Mang Natoy, si Patring at isa pang kasambahay na si Oday.
Magkakaharapan sila sa sala ng mansion nila. Nakayapak siya ngunit suot pa rin ang damit na ginamit kahapon. Medyo marumi na ang kanyang pang-itaas. Doon sa harapan ng gate na naman kasi siya namaluktot at ginising ni Mang Nardo.
"Suri pu, ser. Akala ku pu kase ay hende kayu omowe kagabe. Henehentay ku pu na domateng kayu piru nakatolug pu pala aku sa paghehentay sa enyu," naiiyak na sabi ni Patring. Payatin, maitim ang balat at kulot ang lagpas-balikat na buhok ng babae. Katulad ng dalawang babae, nakakulay rosas na uniporme si Patring. Nakayuko pa ito habang nagsasalita.
Si Yaya Miling lamang yata ang hindi natatakot kay Salt kahit na nanininingkit ang mga mata niya at nagsasalubong ang makakapal na kilay.
"Are you saying it was my fault?" sumbat niya kay Patring. Totoong late na siya nakauwi, halos maghahating-gabi na rin. May mga tinapos silang trabaho ng isa sa mga vice-president nila. Umuwi siyang nakakaramdam ng matinding pagod, hindi niya namalayan na habang nakaupo siya sa kama ay nahulog pala siya sa mahimbing na tulog. Ni hindi man lamang siya nakapagpalit ng damit. "Hindi na ito dapat maulit. Gawin ninyo ang trabaho ninyo nang maayos o pare-pareho tayong mawawalan."
Mabilis ang pagbaba-taas ng magkabilang-balikat ni Salt. Ganoon siya kapag pinipigilan ang sarili na magsalita pa nang mas masakit.
"Sige na po, balik na kayo sa trabaho," taboy ni Denise sa mga kasambahay.
Tila nangangati ang mga paang nagsialis ang apat. Naiwanan sila roong magkapatid.
Ibinagsak niya ang katawan sa malambot na sofa. Hindi pa rin nawawala ang talim sa kanyang paningin. Tuwid na tuwid ang kanyang katawan at nakatingin sa kawalan.
"May naaalala ka ba?" Nilapitan siya ni Denise at naupo sa tabi niya.
Umiling si Salt pero inililis ang mahabang sleeves ng polo hanggang sa braso. Ipinakita niya ang pasa sa kapatid.
"Oh my. . ." nag-aalalang bulalas ni Denise.
"Hindi siya masyadong masakit," sabi ni Salt.
"Sa tingin mo, may nagtangkang manakit sa 'yo?"
"Wala akong maalala, as in zero."
Napabuntung-hininga na lamang si Denise. "Kuya, I am so worried about you. Please be okay."
Nakita niya ang sinseridad sa mukha ng kapatid. Hinala niya ay may nakaengkwentro siya at tingin niya ay iyon din ang kinatatakutan ni Denise.
Huminga siya nang malalim. Pinilit niyang alisin ang alalahanin sa ngayon. Gusto niyang maipakita sa kapatid na kaya niyang harapin ang sitwasyong ito.
Inakbayan niya si Denise. Lumambot na ang kanyang anyo. Pinisil-pisil niya ang braso ng kapatid
"I will be fine," sabi niya rito.
***Please do not forget to vote if you enjoy the story. Feel free to comment. Do not plagiarise. Thanks and happy reading. God bless!
BINABASA MO ANG
When Daddy Meets Mommy
RomansaThe Wattys2018 Longlist Mahiwaga ang naging pagtatagpo nila. Tila wala sa sarili ang lalaki nang una niya itong makita. Subalit ang labis na ipinagtataka ni Marnie, kaboses ng lalaki ang namayapa niyang kasintahan. Higit sa lahat, Mommy ang tawag ni...