Chapter 6-- 10th
"Anong meron, Aeon?" Nagtatakang tanong ni Irene habang nililibot ang mata sa paligid. 7:30 na ng gabi at pinapunta ko siya sa may playground malapit sa kanila.
Ni-set-up ko na ang lahat, naglagay ako ng mga lobo sa paligid, meron ding mga kandila na nakasindi na pumoporma na puso. May mga nakakalat na petals na rosas sa paligid at sa may swing ay may malaking teddy bear na kulay puti. Ang swing sa tabi nun ay may mga bulaklak na nakapulupot sa may tali sa magkabila, pinaupo ko siya doon.
"Ang weird mo, Aeon ha." Mahina siyang tumawa.
Nakasuot lang siya ng pajamas at medyo magulo pa ang buhok pero sobrang ganda parin niya sa paningin ko, hindi ko tuloy mapigilan na lalong kabahan. Babaero ako diba? Dapat sanay na akong gumawa ng mga ganitong bagay sa babae. Dapat parang wala lang to sakin.
Pero hindi. Hindi lang kasi siya basta babae, siya ang babaeng nagiging dahilan ng pagbilis ng tibok ng puso ko, yung pagiging kabado kahit na nakatingin lang siya sakin, yung pagbabago ko para lang mapansin niya ko sa mga lalaking nagkakagusto sa kanya.
Tinamaan na nga siguro talaga ako.
Hindi ko akalaing sakin mangyayari ang ganitong sitwasyon. Hindi ko akalaing magiging seryoso ako sa nararamdaman ko.
Medyo nagulat siya ng lumuhod ako sa harap niya. "Grabe, Aeon, mas nagiging weird ka ata habang tumatagal ah." Nakanguso niyang sabi, napaiwas ako ng tingin. Pakiramdam ko kahit anong oras baka hindi ko na mapigilan ang sarili ko.
Huminga ako ng malalim at nahihiyang hinawakan ang kamay niya. Alam kong napansin niyang nanlalamig ang kamay ko, hindi ko talaga mapigilan ang kabog ng dibdib ko. Natatakot ako sa sasabihin o isasagot niya.
"May sasabihin ka ba, Aeon?" Tanong niya na may pag-aalala sa tono.
"Irene.. kasi.. uhmm.. ano.. teka lang, kinakabahan ako." Nag-practice na ako sa bahay pero parang nakalimutan ko lahat ng sasabihin ko nung nandito na siya sa harap ko. Tumayo ako at tumalikod sa kanya tapos ay huminga ng ilang beses tapos humarap ulit ako sa kanya at lumuhod. Inangat ko ang tingin ko hanggang sa magtama ang mga mata namin. Hinawi ko sa likod ng tainga niya ang ilang hibla ng buhok na nakaharang sa mukha niya. Nakatingin lang siya sakin.
"Gusto kong sabihin na.." Napatigil ako sa pagsasasalita ng makarinig ako ng kulog at ilang segundo lang ay nagsimula na ang malakas na ulan. Kinuha ko ang teddy bear tapos ay hinila ko si Irene malapit sa may waiting shed.
Bumagsak ang balikat ko, papalpak pa ata yung plano ko. Nahiya tuloy akong harapin si Irene pero napaharap ako sa kanya ng higpitan niya ang hawak sa kamay ko. "Aeon, gusto na yata kita."
Kung kanina rinig na rinig ko ang pagpatak ng ulan, ngayon tibok na lang ata ng puso ko ang naririnig ko. Para akong naestatwa sa kinatatayuan ko, hindi ako makagalaw, hindi ako makakilos. Para akong nananaginip.
"Huy, ba't di ka nagsasalita? Ayaw mo sakin ano? Okay lang, wala naman talaga akong binatbat sa mga babaeng nakilala m--" Natigil siya sa pagsasalita nang yakapin ko siya nang mahigpit.