Minsan ay may nasaksihan
Pangyayaring ‘di inaasahan
Sinipat at humakbang ng dahan-dahan
Nang makalapit ay nagulat sa natuklasan
Noong una’y isang ginoo lamang ang nakita
Duguan, walang malay at nakabulagta
Kalooba’y pilit na kinakalma
Kahit hindi sanay sa sitwasyong nakikita
Sa ‘di kalayua’y mayroong natanaw
Sasakyang pamilyar na tila gunaw
Bahagya pang lumapit upang mabigyang linaw
Nakikita ng mga matang sa araw ay nasisilaw
Doon ay nasilayan isang lalaking singkit
Sa kilos ay mahahalatang walang iniindang sakit
Kalooba’y natuwa ng saglit
Ngunit nang ibaba ang tingin ay tila napunit
Isang babae ang sa kalsada’y nakahandusay
Walang dugo subalit walang malay
Isip at puso’y pawang naluray
Paligid ay tumigil at nawalan ng kulay
Pagkatakot at pag-aalala ay hindi ipinahalata
Agad na lumapit at tiningnan kung may magagawa
Mabuti’t kaalaman sa paunang lunas ay ‘di pa nawawala
Wala man masyadong inusad ang mahalaga’y nakatulong ng bahagya
Pangamba ay sandaling naibsan
Nang ang ginang ay dumilat at iginalaw ang katawan
Subalit tuwa ay agad na lumisan
Nang indahin nito ang parte kung saan nasaktan
Mabuti’t ang tulong ay mabilis na dumating
Agad na nadala sa pagamutan kahit dumadaing
Isa lang ang tanging hinihiling
Sana’y walang nabali kahit katiting
Kaganapang ito ay tunay na nagmulat
Buhay ay walang kasiguraduhan at minsa’y inaalat
Maging alisto at dapat na mag-ingat
Dahil mga walang pakialam sa kapwa’y nagkalat
Nakaaksidente’y bago sa pagmamaneho at lango pala sa alak
Nandamay pa ng mga inosente sa landas na tinahak
Ano’t nais magpasikat at sumabak nang sumabak
Sa sitwasyong maraming buhay ang mapapahamak
***WAKAS***
BINABASA MO ANG
Likhang Tula (COMPLETED)
PoetryKung puso'y nag-hahanap ng kaunting kurot Ito ang akdang sa kalooban mo'y lalapirot Mababatid na buhay ay hindi biro at masalimuot Sa reyalidad tiyak ika'y mapapahugot Sa koleksyong ito'y napapaloob ang mga madamdaming salaysay Ng mga kaganapang nan...