PANULAT

95 24 8
                                    


Ang tao ay hindi magkakapareho
May ilang hindi kayang magpakatotoo
Sarili at tunay na nararamdama’y pilit itinatago
Sa sakim na reyalidad ay nagpapabilanggo

Upang kahit saglit ay maibsan
Ang nararamdamang hindi na maintindihan
Pagtatala at paglalarawan ay sinimulan
Doo’y may bagong natuklasan, ang panitikan

Bawat nadarama’y itinatala ng walang sawa
Nagbabaka-sakaling may makakita at maawa
Sa sitwasyong ‘di lahat ng mata ay nakakakita
Dalangin ay may magbigay ng pansin at makaunawa

Noon nga’y may bayaning nagbigkas
Na ang lapis at papel ay higit na makapangyarihan kaysa armas
Sana’y matulungan din nito ang taong mahirap ang dinaranas
Upang kahit papaano’y makaramdam din ng aliwalas

‘Di na mabilang ang lapis at papel na nagasta
Ngunit tila walang nakakapansin at nakakahalata
O ‘di naman kaya’y wala lang talagang paki at awa
Mga taong kibit-balikat sa kapwang sadyang mahihina

Nasaan na ang ipinagmamalaking kapangyarihan?
Bakit unti-unti na itong naglalaho at natatabunan
Mga may isip tila sanay nang magbulag-bulagan
Sa paligid na binabalot na ng kasinungalingan

Para sa mga nilalang na walang kapangyarihan at salat
Tanging kinakapita’y talim na lang ng panulat
Subalit kailangan pa bang dugo ang gamiting tinta sa pagsulat
Upang nangyayari’y maisiwalat at ang tao ay mamulat?

*WAKAS*

Likhang Tula (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon