OKAY LANG 'YAN!

163 33 12
                                    

May dahilan kung bakit ang ila’y itinatago ang pinagdaraanan
Sino bang nagnanais na ito’y sarilinin at mag-isang labanan
Hindi lahat ng tao’y mababaw lang ang pinaghuhugutan
Marami ang malalim at pawang walang kasagutan

Minsa’y iniisip, ayaw maging sanhi ng paghihirap
Ng mga tao sa paligid  na batid rin na may hinaharap
Kaya pilit nilulusutan at nagsasariling sikap
Nagpapanggap na ayos lang kahit kailangan ng yakap

Ang iba sa panghuhusga ay natatakot
Kaya piniling manahimik na lang at lumukot
Kalungkutan at dilim ma’y bumabalot
Hayon at mag-isang nakabaluktot

May ibang sadyang mapag-lihim
Hindi lang talaga nais ipaalam ang dilim
Sitwasyon ma’y lubha nang nakaririmarim
Mahirap intindihin ngunit naroo’t nagpapalamon sa lagim

May bilang na nahihiya
Dahil iniisip na wala namang wawa
Hirap at pagkabagabag na nadarama
Pinababayaan at binabalewala

Ang pagiging malakas at matatag na pagkakakilala
Ayaw sirain at baka tingin ay mag-iba
Tunay na nararamdama’y pilit ipinagkakaila
Upang mapagtakpan ang pagiging mahina

Ang mga piniling buksan ang sarili
May ilan na tunay na nagsisisi
Mga nilapita’y tila ‘di alam ang sinasabi
Lalong naguluhan sa halip na mapabuti

Okay lang ‘yan! Linya ng taong ‘di naiintindihan
Kung ano ang hirap at bigat ng pinagdaraanan
Marahil kasi’y hindi pa naman nararating at nararanasan
Itong sitwasyong kinalulugmukan at pilit tinatakasan

***WAKAS***

Likhang Tula (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon