"CLASS dismissed! Good bye, class! See you tomorrow! Remember, bukas na ang deadline para sa project ninyo sa Filipino," ani Catherine sa tatlumpung estudyante na nasa harapan niya. Ang Fourth Year Section One ay ang advisory class niya at last subject siya ng mga ito.
Huling klase na niya iyon para sa araw na 'yon. Sa wakas ay makakauwi at makakapagpahinga na rin siya.
"Good bye, Teacher Catherine! Thank you!" chorus ng lahat.
Bago pa lang si Catherine sa pagtuturo. Sa edad niyang twenty-seven ay dalawang taon pa lang siyang nagtuturo. Late na rin kasi siya nakatapos ng kolehiyo dahil sa nagkaroon siya ng anak. Ang paaralang Concepcion National High School sa probinsiya ng Quezon ang unang paaralan na pinagturuan niya at hanggang ngayon ay nandito pa rin siya. Mahal na mahal niya ang pagtuturo at nakikita niya ang sarili na tatanda sa propesyong kaniyang napili. Masarap sa pakiramdam na nagiging bahagi siya ng tagumpay ng mga estudyanteng tinuturuan niya. Nais din talaga niyang ibahagi sa iba ang kaniyan kaalaman at ang pagiging guro ang naisip niyang paraan. Kaya naman hindi niya ipagpapalit sa kahit na anong bagay ang pagiging guro.
Bukod sa pagiging guro ay mahal din ni Catherine ang paaralan kung saan siya nagtuturo ngayon. Hindi lingid sa kaalaman niya na marami ang humahanga sa kaniya dahil sa kagandahang taglay niya. May iba na naiinggit din naman pero hindi na lang niya binibigyan ng pansin. May tsismis pa nga na kabit daw siya ng principal ng school dahil mabait ito sa kaniya. Walang namang katotohanan ang tsismis na iyon kaya ipinagsasawalang-bahala na lang ni Catherine kesa ma-stress siya. Alam naman niya ang totoo.
Inayos na ni Catherine ang mga gamit. Isa-isa niya iyong isinilid sa kaniyang bag. Isa-isa na ring nagtayuan ang mga estudyante niya para umuwi.
Isang babaeng estudyante niya ang nagtaas ng kamay.
"Yes, Georgina?"
"Teacher Catherine, pwede bang next week na lang ang deadline? Kahit for me na lang. You know naman na lumaban ako sa beauty contest last fiesta. Please... Consideration niyo na lang po sa akin, teacher." Maarteng sabi nito sa kaniya na may pekeng pagmamakaawa sa maganda nitong mukha.
Gerogina is the class' muse. Maganda, mestisa at may kaya sa buhay ang pamilya. Iyon nga lang itinuturing itong school's bully. Mahilig itong mamahiya ng kapwa estudyante at mang-away sa mga taong sa tingin nito ay kinakalaban ito o hindi ito gusto. Kasama nito palagi ang mga kaibigan nitong sina Lena, Celine at Roxy.
Umiling si Catherine. "I am sorry, Georgina, pero kung bibigyan kita ng ibang deadline ay magiging unfair ako sa iba mong classmates. And besides, hindi naman school activity ang sinalihan mong beauty pageant kaya hindi kita mapagbibigyan. Okay?" mahinahong sagot niya.
"What? Okay. I can't pass the project talaga bukas kaya hindi na lang po ako magpapasa. Besides, patapos na ang school year. Ga-graduate din naman ako with or without that last project!"