PINANOOD lang ni Lena ang paghuhukay nina Carlson at Julian sa buhangin habang sina Roxy at Celine ay umiinom ng alak at masayang-masaya. Si Georgina naman ay tahimik lang na pinapanood din sina Julian ngunit mababanaag sa mukha nito ang saya. Hindi maalon kaya naging madali para kina Julian ang paghuhukay. Nang makuha na ng mga ito ang sapat na lalim ay binuhat na ng dalawa ang walang malay na katawan ni Damian.
Napakagat siya sa kuko niya sa kamay at nginatngat iyon sa sobrang tensiyon at takot na nararamdaman niya.
“Pwede bang 'wag na natin itong gawin? I-ibang prank na lang ang gawin natin… Masama talaga ang pakiramdam ko sa gagawin natin kay Damian, e,” aniya sa pag-asang baka magbago pa ang isip ng mga kasama niya.
Huminto si Julian sa pagbuhat kay Damian at tumingin ng masama sa kaniya. “Sige, Lena. Ipakita mo lang sa akin na may gusto ka nga talaga sa lalaking ito!” Medyo naiinis nitong sabi.
“Hindi naman sa ganoon pero baka kasi--”
“Shut up, Lena! Baka gusto mong ikaw ang ibaon ko sa buhangin?” singit ni Georgina.
Sa sinabing iyon nito ay natakot siya kaya ams pinili na lang niya ang tumahimik.
Ipinagpatuloy na nina Julian ang pagbuhat kay Damian. Paupong inilagay si Damian sa hukay habang nakasandal ang likod nito sa gilid. Tinabunan na ito nina Julian ng buhangin hanggang sa ang makikita na lang ay ang ulo ni Damian.
Iyon kasi ang prank na naisip nina Julian at Carlson. Papatulugin nila si Damian at ibabaon sa buhangin na ulo lang nito ang nakalitaw sa ibabaw. Tapos kapag nagkaroon na ulit ito ng malay ay siguradong matatakot ito dahil nakabaon ito sa buhangin. Mahihirapan itong makaalis doon dahil medyo basa ang buhangin at iyon ang gusto nila. Ang matakot at mahirapan ito hanggang sa mabaliw ito.
“'Yan! Okay na!” At nag-apir pa sina Julian at Carlson.
Pumapalakpak si Gerogina. “Good job, guys!” Naglakad ito palapit sa nakalitaw na ulo ni Damian at yumukod ito. “Alam mo, wala naman sana akong problema sa iyo. Nagkataon lang talaga na ikaw ang taong sumira sa pangarap ng mga magulang ko sa akin. Ikaw ang naging hadlang sa pagiging valedictorian ko!” Dama ni Lena ang galit at lungkot sa pagsasalitang iyon ng kaibigan niya. Hindi pa ito nakuntento at dinuraan pa nito sa mukha si Damian.
Saka ito tumayo at inaya na sila sa may bungad ng gubat kung saan nila papanoorin ang magiging reaksyon ni Damian kapag nagising ito. Madilim kasi doon dahil sa mga puno kaya hindi sila makikita nito. Dinala nila doon ang alak at kumot para doon ipagpatuloy ang pag-iinuman. Sayang naman daw kasi iyong alak kung hindi nila iinumin. May dalawang bote pa raw si Julian sa bag nito at mga chichirya.
Inumpisahan na ulit nila ang inuman. Pinilit na lang ni Lena na iwaglit sa isipan niya si Damian para hindi siya masyadong makonsensiya. Nagpakasaya na lang siya sa pakikipag-inuman sa mga kaibigan niya.
-----ooo-----
NAKAHIGA na sa kung saan ang mga kaibigan ni Lena sa sobrang kalasingan. Silang dalawa na lang ni Julian ang gising at umiinom. Sa kanilang lahat, silang dalawa ang hindi agad naitutumba ng espiritu ng alak. Ngunit lasing na si Lena. Medyo inaantok na rin siya at pinipigilan na lang niya dahil ayaw pa ring tumigil ni Julian sa pag-inom.
Naglabas pa ng marijuana si Julian at ginamit nito iyon sa harapan niya. Hindi naman lingid sa kaniya na gumagamit niyon ang nobyo niya.
“Julian, tama na iyan,” awat niya.
“Basag-trip ka rin, 'no? Pabayaan mo nga ako!” asik nito at ipinagpatuloy nito ang paggamit ng marijuana.
Napiling na lang si Lena. Tatayo sana siya para puntahan si Damian ngunit pinigilan siya ng kaniyang nobyo.