PINAINOM ng pampatulog at nang makatulog ay ibinaon sa tabing-dagat ang buong katawan na ang nalitaw lamang sa ibabaw ay ulo. Pinabayaan. Tumaas ang tubig sa dagat at nalunod. Upang hindi mapaghinalaang napagkatuwaan kaya namatay ay hinukay at iniahon sa pagkakabaon sa buhangin. Hinayaan lang hanggang sa may ibang taong makakita upang isipin na nalunod at aksidente ang nangyaring pagkamatay. Ganiyan ang pagkakakwento ni Lena kay Catherine habang umiiyak ito. Wala nang nagawa ang mga kaibigan nito para pigilan ito sa pagsisiwalat ng katotohanan sa pagkamatay ni Damian.
Habang nakikinig si Catherine sa pagsasalaysay na iyon ni Lena ay wala ring patid ang pagluha niya. Napakabigat sa dibdib ng mga nalaman niya. Hindi niya maisip na makakayang gawin iyon ng grupo nina Georgina sa isang mabuting estudyanteng katulad ni Damian. Oo, bully sina Georgina ngunit hindi niya inaasahan na aabot sa ganoon ang pagiging bully ng mga ito. Tapos kay Damian pa? Bakit si Damian pa? Anong kasalanan ang nagawa ni Damian sa mga ito? Hindi pa ba sapat kina Georgina na ipinahiya nito noon ang estudyante niyang iyon dati? Kilala niya kasi si Damian, e. Mabuti itong tao.
Pagkatapos magkwento ni Lena ay isinubsob nito ang mukha sa dalawang palad. “Patawarin mo ako, Teacher Catherine! Wala akong nagawa para matulungan si Damian. Natatakot pa ako noon kina Julian. Diyos ko! Alam ng Diyos kung gaano ko kagusto na tulungan si Damian noon!” Patuloy na iyak nito. Hindi na yata nito nakayanan ang tensiyon na nararamdaman kaya bigla itong tumakbo papunta sa may gubat.
Tigalgal lang si Catherine. Hindi man lang niya nagawang habulin pa si Lena. Halos hindi na niya maibuka ang bibig para magsalita.
Humarap siya kina Julian na hindi rin makapagsalita ngunit nakikita niya ang galit sa mga mata ng lima. Alam niya na para kay Lena ang galit na iyon dahil nagsumbong ito sa kaniya.
Lumunok siya ng laway dahil tila may nakabarang kung ano sa lalamunan niya. “T-totoo ba ang sinabi ni Lena?” Walang nagsalita sa mga ito. Tila walang gustong sumagot. “Sumagot kayo! Totoo ba?!” Tinaasan na niya ang boses. Ramdam niya ang walang tigil na pagtakbo ng luha sa kaniyang pisngi.
Sa pananahimik ng mga ito ay alam na niya ang sagot.
Tumango-tango siya. “Bakit ninyo ginawa iyon kay Damian?!”
“Bakit sobrang affected ka?! Dahil ba pinatay namin ang student-lover mo? Nakakadiri ka talaga kahit kailan, Teacher Catherine! Eww!” Sa kabila ng lahat ay nagawa pa rin iyong sabihin ni Georgina.
Sa galit niya ay nilapitan niya ito at malakas na sinampal. “Kayo ang nakakadiri dahil sa dumi ng mga utak ninyo! Wala kaming relasyon ni Damian!” Mariin niyang turan. Labis na nagulat si Georgina sa ginawa niyang pagsampal dito. “Ngayon, sagutin ninyo ang tanong ko… bakit ninyo ginawa 'yon?”
“Dahil naiinis ako sa kaniya! Inagaw niya sa akin ang pagiging valedictorian! Ginawa namin iyon dahil na rin sa gusto ka naming saktan. Akala namin ay lover mo si Damian kaya kapag napahamak siya ay masasaktan ka rin. Wala naman kaming balak patayin si Damian. Malas lang niya kasi tumaas iyong tubig sa dagat. Kaya hindi dapat kami ang sisihin ninyo kundi ang dagat. The nature!” sagot ni Georgina.
“Talagang ang taas-taas mo pa rin, Georgina. At ang babaw ng dahilan ninyo para patayin si Damian--”
“Sinabi nang hindi kami ang pumatay sa kaniya. 'Yong dagat. Okay? At huwag na huwag mong susubukan na isumbong kami sa mga pulis. Marami kaming pera. Pwede naming baligtarin ang lahat. Kaya naming palabasin na ikaw ang may kagagawan niyon. Kaya kung ayaw mong lalong maging miserable ang buhay mo, manahimik ka, ex-teacher!” Pananakot pa nito sa kaniya. Inirapan siya nito. “Alam ninyo, tapos na ang reunion na ito! Umuwi na tayo bukas ng umaga!”
Nauna na si Georgina sa paglalakad papunta sa vacation house at sumunod naman dito ang iba. Naiwanan siya doong mag-isa. Gulo ang utak ang nalilito. Ano na ang gagawin niya ngayong alam na niya ang totoong nangyari kay Damian noon?