NALILITO si Georgina sa nangyayari. Hindi niya alam kung ano ba ang dapat niyang maramdaman. Dapat ba siyang matuwa kasi maaaring wala na si Damian? Wala na ang taong sa tingin niya ay umagaw ng pagiging valedictorian sa kaniya. O dapat ba siyang matakot dahil hindi ito iyon inaasahan niyang mangyayari. Ang plano lang naman ay takutin si Damian nang husto. Malay ba nilang tataas ang tubig sa dagat at maaabot ang pinagbaunan nila dito.
Lahat sila ay naghahanap kay Damian. Medyo may tama pa sila ng alak kaya hindi na nila matandaan kung saan ba nila ito ibinaon kanina. Panay ang kapa nila sa tubig sa pag-asang mahahanap nila ito sa pamamagitan niyon.
“Guys, hindi kaya nakatakas si Damian?” Napatingin silang lahat kay Celine. Nababanaag sa mukha nito ang pagkabahala. “B-baka naman hinukay niya ang sarili niya tapos umalis na siya. Hindi lang natin nakita. 'Di ba? That’s possible!”
“Tumigil ka nga sa katangahan mo!” asik niya dito.
Ipinagpatuloy na lang ulit nila ang paghahanap kay Damian. Sa likod ng ulo ni Georgina ay hinihiling niya na sana ay buhay pa ito. Ngunit parang imposible naman iyon. Sa tingin niya kasi ay ilang oras na ang nakalipas simula nang tumaas ang tubig. Hindi naman isda si Damian para makahinga ito nang ganoon katagal sa ilalim ng tubig.
Ilang minuto pa ang lumipas. Suko na si Georgina. Hindi na talaga niya alam kung saan ba iyong spot na pinagbaunan nila kay Damian.
Babalik na sana siya sa dalampasigan nang may maapakan siya na parang mabuhok na bagay. Nagulat siya at napasigaw. Napaatras siya at natumba sa tubig.
Nilapitan siya ng mga kaibigan niya.
“Anong nangyari?” tanong ni Carlson. Tinulungan siya nitong tumayo.
Itinuro niya iyong spot kung saan may naapakan siya. “M-may natapakan ako doon…” Nanginginig ang katawan niya. Nakakakilabot lang na may ulo siyang natapakan kung hindi siya nagkakamali. “S-si D-damian yata…”
Nauna na si Julian sa pagkapa sa itinuro niya. Natigilan ito at tumingin sa kanila. “Nandito nga siya!” bulalas nito. “Carlson, tulungan mo ako!”
Kumilos naman agad si Carlson. Pilit na hinukay ng dalawa kahit may tubig ang kinaroroonan ng ulo ni Damian. Naiiyak na si Lena. Nakatakip ang kamay nito sa bibig.
“Fuck! Ang hirap!” reklamo ni Julian.
“Hintayin na lang kaya natin na mag-low tide muna?” suhestiyon ni Celine.
Hindi na lang nila pinansin si Celine. Wala naman kasi itong nasasabing tama.
“Ibaon na lang natin ang mga kamay natin. Abutin natin ang kili-kili niya tapos hihilahin natin siya!” ani Carlson.
Sumang-ayon si Julian sa sinabi nito. Matagal bago naabot ng dalawa ang kili-kili ni Damian. Buong lakas na hinila ng dalawa ang katawan ni Damian. Agad na lumutang sa tubig ang katawan nito na hindi na gumagalaw! Nakatihaya ito. Nakapikit at hindi na humihinga.
“He’s dead! OMG!” sigaw ni Roxy.
Tigalgal si Georgina. Tama si Roxy. Patay na si Damian at sila ang naging dahilan kung bakit ito namatay. Kung hindi nila ito ibinaon sa buhangin, buhay pa sana ito hanggang ngayon.
“We killed him!” Hindi niya napigilang sabihin iyon habang nakatingin sa bangkay ni Damian. Nanginginig ang buong katawan niya.
“Aksidente lang ang lahat! Wala tayong kasalanan! Okay?!” ani Carlson.
“Walang magsasalita. Walang magsusumbong…” Napatingin silang lahat sa sinabing iyon ni Julian. Sa kanilang lahat, ito ang pinaka balisa.
Nilapitan ni Lena si Julian. “Naririnig mo ba ang sinasabi mo? Kasalanan natin ang pagkamatay ni Damian kaya dapat tayong managot--”