LESSON 21- Six Plus One

3.5K 159 15
                                    


PLANTSADO na ang lahat para sa reunion nina Georgina at ng mga kaibigan niya. Sa darating na weekend ay aalis na sila para pumunta sa isla kung saan dati ginanap ang outing nila noong fourth year high school sila. Ang isla kung saan namatay si Damian.

Ayaw na sana niyang balikan ang parteng iyon ng kanilang nakaraan ngunit sadyang mapilit kanina si Lena. Pilit nitong isinisingit sa usapang ang tungkol sa pagkamatay ni Damian at sinasabi nitong kasalanan nila iyon, na dapat silang magbayad. Ano bang gusto nito? Makulong silang lahat? Mga teenager pa naman sila nang mangyari iyon. Hindi pa nila alam kung ano ba ang magiging resulta ng mga ikinikilos o gagawin nila. Isa pa, hindi naman nila kasalanan na tumaas ang tubig at nalunod si Damian. Kung alam lang sana nila, hindi na dapat nila itinuloy ang prank na iyon.

Kaya naman hindi rin niya masisisi si Julian kung bakit ganoon na lang ang reaksyon nito kanina. Kahit man siya ay naiinis na kay Lena pero nagpipigil lang siya.

Ngunit handa ba siya sa pagbabalik sa islang iyon? Doon nangyari ang pinaka malagim na pangyayari sa buhay niya at parang hindi lang siya makapaniwala na ilang araw na lang ay babalik siya ulit sa lugar na iyon.

Pagsapit ng alas diyes ng gabi ay bumalik sa burger house si Georgina. Kakaunti na lang ang tao at mukhang magsasara na. Umupo siya sa isang bakanteng lamesa. Nais niya kasing makita ulit si Teacher Catherine dahil may gusto siyang sabihin dito.

Isang waiter ang lumapit sa kaniya. “Excuse po, ma’am. Magsasara na po kami kaya hindi na po kami tumatanggap ng customers.” Magalang nitong sabi.

“Bakit? Tinanong mo ba kung oorder pa ako? May hinihintay lang ako.” Mataray niyang sagot na sinamahan pa niya ng pagtaas ng kilay.

“Sino po ba?”

“Iyong isa sa mga janitress dito. Si Teacher… I mean si Catherine.”

“Ganoon po ba? Sige po. Sasabihan ko na lang siya. May tinatapos lang po kasi siya sa may kitchen.”

Inirapan na lang niya ang waiter. Naiinis siya sa approach nito sa kaniya na para bang sinasabi nito na tumatambay lang siya. Aba, kahit orderin niya lahat ng nasa menu ng mga ito ay kaya niya. Sa dami ba naman ng pera na meron siya, e.

Inasahan na ni Georgina na medyo matatagalan siya sa paghihintay kaya lumabas muna siya para magsigarilyo. Nang makaubos siya ng dalawang stick ay saka siya bumalik sa loob. Eksaktong nakasalubong niya sa pagpasok si Teacher Catherine. Mukhang palabas na ito.

“Georgina!” Medyo nagulat ito nang makita siya. “Ang sabi sa akin ng katrabaho ko ay may naghihintay daw sa akin. Ikaw ba iyon?”

Ngumiti siya ng pilit. “Yes. Ako nga po, Teacher Catherine! May sasabihin lang po sana ako sa inyo, e,” aniya.

“E, ano ba iyon?”

“Hmm… Pwede bang 'wag dito? How about… sa bahay mo.”

Tila nag-alangan ito sa sinabi niya dahil hindi agad ito nakasagot. Pero ngumiti rin ito sa kaniya maya maya. “Sige. Malapit lang naman dito ang bahay ko…” tugon nito at nauna na itong maglakad sa kaniya habang siya ay sumasabay lang dito.

Habang naglalakad sila ay hindi niya maiwasan ang hindi ito tingnan ng palihim. Malaki ang ipinagbago nito. Well, kahit papaano naman ay maganda pa rin ang dati nilang guro. Iyon nga lang, namayat ito at humpak ng kaunti ang pisngi. Mukhang pasan nito ang lahat ng problema sa mundo. Palaging may lungkot sa mata kahit na ngumingiti. Naisip niya tuloy na baka katulad din ito ni Lena na hanggang ngayon ay nakokonsensiya pa rin sa pagkamatay ni Damian. O baka naman hindi pa rin nito matanggap na patay na si Damian dahil may relasyong nga talaga noon ang dalawa.

School Trip 6Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon