NAGISING si Lena sa pagtunog ng mumurahin niyang cellphone. Isang unknown number ang nakarehistro doon na tumatawag. Hindi siya sumasagot ng mga numerong hindi niya kilala kung sino ang may-ari kaya hinayaan lang niya iyon hanggang sa ang incoming call ay naging miscalled na lamang.
Madilim pa sa labas. Gabi pa. Nagpapasalamat na rin siya sa kung sino man ang tumawag na iyon dahil nagising siya mula sa isang panaginip na matagal na siyang hindi tinatantanan. Apat na taon na kung tutuusin. Paulit-ulit na panaginip na halos memoryado na niya ang mangyayari. Paulit-ulit pero hanggang ngayon ay hindi pa rin nababawasan ang takot at kilabot na hatid sa kaniya ng panaginip na iyon.
Naglalakad daw siya sa dalampasigan isang gabi. Payapa ang dagat at malamig ang hangin na yumayakap sa kaniya. Bigla siyang madadapa sa buhangin sa dahilang hindi niya alam. Magdidilim ang paligid at wala na siyang makikita. Sa pagbabalik ng liwanag ay matatagpuan niya ang kaniyang sarili na nasa isang hukay sa buhangin. May mga buhangin na tatabon sa kaniya. Titingala siya at makikita niya si Damian na siyang nagtatabon ng buhangin sa hukay. Susubukan niyang makaalis sa hukay pero hindi niya magawang maigalaw ang kahit na anong parte ng katawan niya. Ang tanging magagawa niya ay ang makiusap at humingi ng saklolo. Iiyak siya pero kahit katiting na awa ay wala siyang mababanaag sa gwapong mukha ni Damian. Hindi ito titigil hangga't hindi siya tuluyang natatabunan ng buhangin hanggang sa leeg niya.
"Damian, pakiusap... Huwag mo itong gawin sa akin..." Iiyak siya at makikiusap.
"Bakit hindi mo ako tinulungan, Lena? Ayoko pang mamatay. Marami pa akong pangarap na gustong maabot..." Lumuluha ng dugo na sasagot si Damian.
Kasunod niyon ay ang unti-unting pagtaas ng tubig. Doon na siya matataranta at magsisisigaw. Pinapanood lang ni Damian ang unti-unting pagtaas ng tubig hanggang sa tuluyan na nitong maabot ang tuktok ng ulo niya. Maraming tubig na siyang nainom. Hindi na siya makahinga! Sasabog na ang baga niya sa kawalan ng hangin. Magwawala siya hanggang sa tuluyan na siyang malunod.
Doon magtatapos ang kaniyang panaginip at paulit-ulit lang. Magigising siyang basang-basa sa pawis at kinakapos ng hininga. Kaya naman palagi siyang may isang baso ng tubig sa tabi ng kaniyang higaan.
Marahil kaya paulit-ulit niya iyong napapanaginipan ay dahil malaki ang kasalanan niya kay Damian. O sinasadya ng kaluluwa ni Damian na ipaalala sa kaniya ang lahat para hindi niya ito makalimutan. Para habangbuhay siyang uusigin ng kaniyang konsensiya.
Simula din ng pagkamatay ni Damian ay tuluyan siyang lumayo sa grupo nina Georgina. Hindi na kasi niya kaya ang mga ginagawa ng mga ito. Kahit masakit para sa kaniya ay hiniwalayan na niya si Julian. Ayaw na niyang madamay pa sa mga kademonyohang gagawin nito sa hinaharap. Mas mabuti nang siya na ang umiwas sa mga ito.
Hindi naging madali para kay Lena ang pakikipaghiwalay niya kay Julian. Nawalan na siya ng taong hihingan niya ng tulong kapag nagkakaroon siya ng problema sa pera. Lalo na't mag-isa na lang siyang nabubuhay ngayon. Umalis na siya sa poder ng nanay niya mahigit isang taon na rin ang nakakalipas. Simula kasi ng namatay ang tatay niya dahil nahulog ito mula sa building na ginagawa nito ay nag-iba na ang ugali nito. Nagiging bayolente na ito minsan at tila wala na sa sarili. Iniisip kasi nito na buhay pa rin ang tatay nila, na nakikita pa rin nito ito sa bahay nila. Natatakot si Lena sa nanay nila kaya umalis na lang siya. Sa ngayon ay ang bunso niyang kapatid ang kasama ng nanay nila sa bahay. Habang ang ikalawa nilang kapatid ay nag-asawa na agad.
Malungkot at mahirap mamuhay ng mag-isa pero kinakaya ni Lena. Sa ngayon ay nangungupahan siya sa isang maliit na apartment. Iyon lang kasi ang kaya ng perang kinikita niya sa pagbebenta ng mga gulay sa palengke. Hindi sa kaniya ang pwesto. Pinapatao lang sa kaniya iyon at sinuswelduhan siya ng may-ari niyon.