“TULONG!!! Tulungan niyo ako!!!” Halos mapatid na ang litid ni Georgina sa paghingi ng saklolo. Palapit na kasi nang palapit ang lalaing may hawak ng kutsilyo. Hindi niya makita kung sino ito dahil nakasuot ito ng maskarang kulay puti tapos may hood pa ang jacket nito.
Itinodo na niya ang pagtili nang nasa harapan na niya ang lalaki. Tila nakikipagtitigan pa ito sa kaniya.
“Get away from me! Or else… or else…” Hindi niya maapuhap ang sasabihin niya sa labis na takot. Kulang na lang ay maihi siya.
“Or else ano?” sabi ng lalaki na tila nakakaloko. Malaki ang boses nito pero halatang hindi iyon ang totoo nitong boses. Sinadya nitong baguhin iyon. Bakit kaya? Para ba hindi niya ito makilala? At dahil doon ay nagkaroon siya ng hinala kung sino ito.
Tinapangan ni Georgina ang tingin niya dito. “Akala mo ba ay natatakot ako sa iyo! No! Kilala kita! Damian! Alam kong ikaw 'yan-- Ugh!” Hindi na niya nagawang ituloy pa ang pagsasalita dahil biglang hiniwa ng lalaki ang leeg niya gamit ang kutsilyo. Naramdaman niya ang malamig na talim niyon sa kaniyang balat. Lumaylay ang kaniyang ulo at napapikit siya. Katapusan na niya. Sa isang iglap ay natapos ang buhay niya ng ganoon na lang.
Sabagay, mas mabuting mamatay na lang siya upang makaligtas siya sa mga magulang niya na paniguradong magagalit sa kaniya kapag nalaman na hindi siya ang valedictorian.
Ang buong akala ni Georgina ay patay na siya pero bigla siyang nakarinig ng mga tumatawa. Nagtatakang iminulat niya ang kaniyang mata sabay hawak sa leeg. Walang sugat. Walang dugo. Dahan-dahan siyang bumaba mula sa pagkakasabit hanggang sa tuluyan na siyang nasa lupa. Habang tinatanggal niya ang lubid sa paa ay nakita niya sina Celine, Roxy, Lena at Carlson na tumatawa. Kasama ng mga ito iyong lalaking nakamaskara.
Hanggang sa marealize niya na pri-nank lang siya ng mga ito. Pagkaalis niya ng lubid at tumayo agad siya at mabilis na lumapit sa mga kaibigan niya. Tinanggal niya ang maskara ng lalaki at nalaman niyang si Julian iyon.
“Do you think this is funny, ha?!” galit na sigaw niya sabay sampal kay Julian. “Muntik na akong atakihin sa puso sa ginawa ninyo tapos tumatawa lang kayo diyan?! Fuck youkayong lahat!” Humihingal siya pagkatapos niyang magsalita.
Hindi kasi talaga siya makapaniwala na prank lang ang lahat. Ang akala niya ay si Damian ang lalaking iyon dahil gusto siya nitong patayin. Akala niya ay gumaganti ito sa kaniya.
Lumapit sa kaniya si Carlson at hinawakan ang magkabila niyang balikat. “Hey, relax. Ipinakita lang namin sa iyo ang prank skills namin ni Julian para naman maniwala ka na hindi ka namin bibiguin sa prank na gagawin namin kay Damian mamaya…” anito.
“Bitiwan mo nga ako!” piksi niya. “Kahit na! Hindi niyo dapat ako ginawang example! Siguruhin niyo lang na matutuwa ako sa prank na gagawin ninyo kay Damian dahil kapag hindi, humanda talaga kayong lahat sa akin!”
“Planado na ang lahat. Alam na ng lahat ang gagawin. At ang kailangan mo lang gawin ay manood Georgina. Okay?” ani Carlson.
-----ooo-----
DAHIL sa hindi na natuloy ang talk nila dahil sa ginawang eksena ni Georgina ay nagpunta na sila Damian at ang mga kaklase niya sa kanilang hotel room. Humiga na siya sa ilalim ng double deck kung saan siya nakapwesto. Siguro nga ay madumi na ang tingin sa kaniya ng lahat. Hahayaan na lang niya ang mga ito tutal naman ay wala na siyang magagawa kung ganoon nga ang iniisip sa kaniya ng ibang tao.
Ipipikit na sana ni Damian ang kaniyang mata nang may kumalabit sa tagiliran niya. Pagtingin niya sa kaniyang tabi ay nakita niya si Lena na nakatayo sa tabi ng double deck.
![](https://img.wattpad.com/cover/160041463-288-k251686.jpg)