AUTHOR'S NOTE
Bago niyo po basahin ang huling kabanata ng kwentong ito, gusto ko munang pasalamatan ang mga taong walang sawang sumusuporta sa akin lalong-lalo na sa School Trip series ko na simula sa unang book hanggang sa ika-anim ay nakasuporta. Saka thank you rin sa masisipag na mag-comment. Lahat po ng comment ninyo ay nababasa ko at sobra akong natutuwa. Hindi nga lang ako nakakareply minsan dahil sa busy sa pagsusulat. :)
Oo nga po pala, sa mga gusto akong i-add or i-follow sa mga social media accounts ko kasi dun ako nagpopost ng mga upcoming stories ko, eto na po...
FACEBOOK: JL Soju
INSTAGRAM: jl.sojuIyan po. Maraming salamat ulit. Enjoy reading!
-----ooo-----
NAGISING si Julian mula sa kaniyang pinagtataguan nang makarinig siya ng ingay. Mga ingay na parang nagmumula sa isang taong nagsasalita-- isang babae! Hindi na niya namalayan na nakatulog na pala siya na hawak ang kutsilyong naagaw niya kanina kay Georgina.
Noong una ay inakala niya na naririnig lang niya ang boses sa loob ng ulo niya katulad ng kapag naririnig niya minsan ang boses ni Damian. Pero hindi. Sa pagkakataong ito ay mukhang totoo ang naririnig niyang boses at hindi iyon malayo sa kaniyang kinaroroonan.
Maingat siyang lumabas sa talahiban at hinanap ang pinanggagalingan ng boses. At hindi pa man siya nakakalayo ay nakita na niya ang hinahanap. Agad siyang nagtago sa likod ng malaking puno at sumilip.
Kitang-kita niya kung paano pinaliyab ng isang babae ang walang kalaban-laban na si Carlson. Hindi siya makapaniwala sa kaniyang nakita. Kinusot pa niya ang mga mata at baka guni guni lang iyon pero hindi. Totoo ang nakikita niya. At kilala niya ang babaeng sumunog kay Carlson. Kilalang-kilala!
Nang naglakad na ito paalis sa lugar na iyon ay tahimik niya itong sinundan. Nakita niyang pumasok ang naturang babae sa vacation house. Sa may likod ito dumaan, sa may kusina.
Kung ito ang pumatay kay Carlson, malaki ang posibilidad na ito rin ang pumatay kina Roxy at Celine. Nakakatuwa naman na may gumagawa na ng dapat ay siya ang gumagawa. Pero kung tila iniisa-isa nito ang mga kasama niya, hindi malabong pati siya ay papatayin nito. Hindi naman siya makakapayag na mangyari iyon. Uunahan na niya ito!
-----ooo-----
NANLAKI ang mga mata ni Lena nang may tumakip sa bibig niya habang siya ay natutulog. Si Teacher Catherine lang pala. Inilagay nito ang isang daliri sa unahan ng bibig. Senyales na huwag siyang maingay. Marahan nitong inalis ang kamay sa bibig niya. Mahimbing pa rin na natutulog si Georgina sa tabi niya.
“Bakit po?” Nagtataka niyang tanong.
“Halika…” anito.
Sumunod naman siya dito kahit na may pagtataka siyang nararamdaman. Nagtungo sila sa kusina at ipinakita nito ang nakabukas na pinto doon. Anito, may nakapasok sa vacation house at malakas ang kutob nito na si Julian iyon. Sabagay, ito lang naman ang nasa labas na maaaring pumasok.
“Si Carlson?” tanong niya.
“Wala siya sa silid niya. Hindi ko rin siya makita sa kahit na anong parte ng bahay na ito. Malakas ang kutob ko na nasa loob na si Julian. Kailangan nating mag-ingat!” ani Teacher Catherine. Halos pabulong na itong magsalita.
Bago sila bumalik sa itaas ay kumuha sila ng tatlong kutsilyo para tig-iisa silang tatlo nina Georgina. Pagbalik nila sa kwartong pinagtataguan ay isinara at ikinandado nila ang pinto. Ginising niya si Georgina at sinabi niya dito ang nangyari. Laking gulat niya nang magpasalamat at humingi ng tawad sa kaniya ang babae. Marahil ay nagsisisi na ito ngayon. Hindi siguro makapaniwala si Georgina na sa kabila ng lahat ng ginawa nito sa kaniya ay nagagawa niya pa ring maging mabait dito.