“FINALLY! Nandito na tayo!” Nagulat si Catherine sa sigaw na iyon ni Georgina. Dahil do’n ay nagising siya at nalaman niyang mag-isa na lang siya sa loob ng van. Nasa labas na pala lahat ng kasama niya. Napasarap ang tulog niya sa biyahe nila. Kinuha na niya ang dalang bag at lumabas na ng sasakyan. Kalat na ang liwanag sa paligid. Tiningnan niya ang oras sa suot niyang relo. Six-thirty na ng umaga.
Medyo nagtaka siya dahil may nakita siyang pantalan sa hindi kalayuan. Bakit ganito ang pakiramdam niya? Parang nakapunta na siya sa lugar na ito. Tila minsan sa buhay niya ay tumapak na ang paa niya dito.
“Teacher Catherine!” Naantala ang pag-iisip niya nang bigla siyang lapitan at tawagin ni Georgina. “Kumusta naman kayo sa biyahe? Tulog na tulog kayo, ah.”
“O-oo nga, e. Medyo kulang din kasi ako sa tulog. Teka, nasa’n na ba tayo? Dito ba gaganapin iyong reunion ninyo? Saan dito?”
Nakangusong itong umiling. “Not here. Doon!” May itinuro ito sa dagat. Sa kabilang isla. “Tara na, guys!”
Nang makita ni Catherine mula sa kinatatayuan nila ang islang itinuro ni Catherine ay doon lang niya naalala ang lahat. Sa islang iyon sila nag-outing bago ang graduation at doon din namatay si Damian. Bakit naman sa lugar na iyon pa napili ng mga ito na mag-reunion? Hindi ba dapat ay iniiwasan nila ang lugar na iyon dahil doon nangyari ang pinaka masamang alaala ng buhay nila sa high school? Sa islang din iyon nagtapos ang lahat sa pagiging guro niya.
Naiwan na si Catherine habang ang mga dati niyang estudyante ay magkakasabay na naglalakad papunta sa isang bangka na nakadaong sa pantalan. Hinabol niya ang mga ito. “Sandali lang!” sigaw niya. Huminto naman ang mga ito at hinintay siya. “Ang islang iyon. Hindi ba doon namatay si Damian? Bakit doon pa?” Nagtataka niyang tanong. Medyo hindi rin siya mapakali.
Nilapitan siya ni Georgina at hinawakan nito ang dalawa niyang kamay. Malungkot siya nitong tiningnan. “Alam po namin na masama ang memories natin doon pero gusto lang din sana namin na alalahanin si Damian because he deserved to be remembered. We know po na mahirap ito sa inyo dahil malapit sa inyo si Damian pero siguro it’s time na bigyan naman natin siya ng pagpupugay. Parang kasama na rin natin siya sa reunion na ito…”
“Hindi naman sa malapit sa akin si Damian pero--”
“Teacher, sige na po. Tara na… Naghihintay na po si kuyang bangkero, oh…”
Tiningnan ni Catherine ang bangkero na nasa dulo ng bangka na handa na silang alalayan sa pagsakay nila doon. “S-sige…” Wala na siyang nagawa kundi ang pumayag. Sa tingin naman niya ay maganda ang intensyon nina Georgina kung bakit ang lugar na iyon ang napili ng mga ito para pagganapan ng reunion.
Isa-isa na silang sumakay sa bangka at nang kumpleto na sila doon ay umalis na iyon at bumyahe na papunta sa isla. Hindi maiwasang kabahan ni Catherine habang palapit na sila nang palapit sa lugar na iyon.
-----ooo-----
NARARAMDAMAN ni Georgina na kahit wala pa sila sa isla ay nagtatagumpay na siya sa ginagawa niyang emotional torture kay Teacher Catherine. Kitang-kita niya sa mukha nito na nataranta ito nang malaman nito kung saan sila mag-re-reunion. Mabuti na lang pala at ipinilit ni Julian na doon sila mag-reunion nang sa gayon ay makaganti naman siya kahit papaano sa dati nilang guro. Alam niyang lungkot at kung anu-anong negatibong emosyon lang ang mararamdaman ni Teacher Catherine sa islang iyon dahil doon namatay si Damian na maaaring lover nito noon. Kahit naman siya, hindi na niya babalikan ang lugar kung saan namatay ang taong mahal niya dahil torture na iyon. At sigurado siyang ganoon ang mararamdaman ni Teacher Catherine.