MASAKIT para kay Georgina ang ginawa niya kay Julian. Sa salas nila ito itinali at siya lang ang nagbabantay dito. Nasa gitna ito habang siya ay nakaupo sa sofa. Hindi niya alam kung ano ang ginagawa ng iba pa niyang kasama basta kanina pagkatapos nilang maitali si Julian ay umakyat sa itaas sina Lena at Teacher Catherine. Habang si Carlson naman ay lumabas. Pakiramdam niya ay ipinagkanulo niya si Julian. Ngunit sa oras na iyon ay mas inisip niya ang sarili niyang kaligtasan. Sa tingin niya kasi ay nawawala na si Julian sa sarili at mapanganib na ito. At ito rin ang pumatay kay Roxy at maaaring kay Celine din kung ito ay patay na rin. Hanggang ngayon kasi ay hindi pa rin ito bumabalik. Isa pa, kumbinsido na rin siya na ito ang nagtangkang pumatay kay Lena dahil sa mga ebidensiyang nakuha niya.
Naiintindihan naman niya si Julian kung bakit nito gustong mamatay si Lena. Iyon ay dahil nagsumbong ito kay Teacher Catherine tungkol sa kanilang sikreto. Pero hindi lang talaga siya makapaniwala na aabot sa ganoon si Julian-- ang pumatay ng tao. Oo, bully siya at mapagmataas ngunit hindi niya naman kaya ang pumatay ng tao. Iyong kay Damian, iba naman iyon. Hindi niya iyon inaasahan at ginusto.
Wala pa ring malay si Julian. Nakayuko ito. Halos kalahating oras na itong ganoon. May awang humaplos sa kaniya habang nakatingin sa nobyo. Nahahabag siya sa dami ng tali sa katawan nito. Talagang kahit anong gawin siguro nito ay hindi ito makakatakas.
Sa pagkakatulala ni Georgina ay sumagi sa isip niya ang mga nangyayari dito sa isla. Nagsimula ang lahat nang sabihin ni Lena kay Teacher Catherine ang ginawa nila kay Damian noon. May nagtangkang pumatay kay Lena at si Julian ang pinagbintangan nito na napatunayan naman niyang totoo. Kaya nga nagkaroon siya ng takot sa kaniyang nobyo dahil doon. Nasundan ng pagkamatay ni Roxy na hanggang ngayon ay hindi pa rin nila alam kung sino ba ang may kagagawan. Kung isa ba sa kanila o baka may iba pang tao sa isla na hindi lang nila alam. Tapos hanggang ngayon ay nawawala pa rin si Celine at hindi pa rin nila alam ang nangyari dito. Ngayon naman ay parang nawawala na sa katinuan si Julian at alam niyang ito ang pinagbibintangan ng lahat na pumatay kay Roxy. Nakakawindang na ang mga nangyayari.
Gusto na niyang umalis sa islang ito ngunit may sumira naman sa kaniyang telepono. Hindi nila matatawagan iyong bangkero para sunduin sila. Kaya naman kailangan nilang maghintay hanggang bukas ng umaga dahil iyon ang sinabi nila sa bangkero na araw na susunduin sila nito. Alangan namang maglangoy sila paalis. Baka iyon pa ang ikamatay nila.Napatingin siya sa may pinto nang bumukas iyon. Pumasok si Carlson na basa ang beywang paibaba. Tulala ito at tila balisa.
“Saan ka naman galing?” tanong niya dito.
“Sa dagat.” Matipid nitong sagot.
Napataas ang kilay niya. “At talagang may gana ka pang mag-swimming after ng lahat ng nangyari?” Hindi makapaniwalang turan ni Georgina dito.
Huminto sa paglalakad si Carlson nang nasa pinakaibaba ito ng hagdan. “Hindi ako nag-swimming. Hinanap ko si Celine.” Walang buhay nitong sabi.
“Nakita mo na ba siya? Nasaan siya?”
“N-nasa dagat.”
“What? That bitch! Habang tayo nagkakagulo ay nag-e-enjoy lang ang bruhang iyon--”
“Patay na rin si Celine. May pumatay sa kaniya. Nakita ko siya sa may dagat. Nasaan sina Teacher Catherine? Sasabihin ko sa kanila ang nangyari kay Celine.”
“Nasa itaas sila.” Pagkasabi niya niyon ay umakyat na si Carlson sa itaas.
Kung patay na rin pala si Celine at may pumatay dito ay talagang may killer nga sa islang ito. Hindi na siya ligtas dito. Kung may ibang paraan lang talaga para makaalis siya dito ay ginawa na niya. Pero wala!
Mula sa gilid ng kaniyang mata ay nakita niyang gumalaw ang ulo ni Julian. Pagtingin niya dito ay nakita niyang gising na ito. “Julian…” tawag niya sa nobyo. Pailalim ang tinging ipinukol nito sa kaniya.