AKALA mo diyan, Roxy, ha! May kasama na akong mag-swimming! Tumatawang turan ni Celine sa kaniyang sarili.
Kinuha niya ang maleta niya at kumuha ng one piece swimsuit na kulay orange at iyon ang isinuot niya. Kumuha rin siya ng tuwalya para kung sakaling malamig pala sa labas ay may pambalot siya sa sarili.
Naglakad na siya palabas ng kwarto. Salamat naman at may kasama siyang maglalangoy. Malamang ay nainitan din iyon. Sana naman ay hindi sina Lena o Teacher Catherine ang taong iyon. Imposible kasing si Carlson dahil mukhang hindi naman mataba iyong bulto ng tao.
Paglabas niya ng vacation house ay sumalubong sa kaniya ang malamig na hangin. Napayakap tuloy siya sa sarili. Parang gusto na tuloy niyang bumalik sa loob ngunit naisip niya na sayang naman ang suot niyang bathing suit. Ang sexy pa naman niya sa suot niya.
“Tiis-ganda na lang talaga. Saka baka mainit na naman doon sa kwarto, e!” pakli niya at ipinagpatuloy na niya ang pagpunta sa dalampasigan.
Pagdating naman niya doon ay wala na iyong taong nakita niya. Nag-crossed arms siya. “Nasaan na ang bruhang 'yon?” Naiirita niyang turan.
Nang sumilip naman siya kanina sa bintana ay naroon pa ito. Imposible namang bumalik na ito sa vacation house. Hindi naman niya ito nakasalubong nang lumabas siya. Hindi naman kaya nakita ng taong iyon na papunta siya at pinagtaguan siya.
“Where are you? Huwag ka nang magtago kasi nakita na kita! Gusto ko lang naman ng kasabay mag-swimming, e!” Malakas na sabi ni Celine habang iginagala niya ang mata sa dagat. “Georgina? Julian? Lena? Teacher Catherine? Lumabas ka na!”
Walang sumagot sa mga pinagsasabi ni Celine. Tumingin siya sa buhangin at may nakita siyang bakas ng paa. Sinundan niya iyon at nalaman niyang pumunta sa gubat ang may-ari ng bakas. Napahinto siya dahil may takot na siyang nararamdaman. Hindi siya papasok sa gubat ng mag-isa. Baka may mabangis na hayop doon at lapain pa siya. Mas lalo siyang natakot nang maalala niya iyong sinabi ni Lena na may nagtangkang pumatay dito sa gubat. Mamaya totoo pala iyon, e.
Ang mabuti pa siguro ay bumalik na siya sa vacation house. Hindi na maganda ang pakiramdam niya dito.
Pumihit na si Celine pabalik sa vacation house pero natigilan siya nang may marinig siya sa kaniyang likuran. May parang naglalakad palapit sa kinaroroonan niya. Hindi siya pwedeng magkamali. May tao sa likuran niya! Napalunok siya ng laway dahil biglang nanuyo ang kaniyang lalamunan. Bumilis din ang tibok ng puso niya. Patuloy ang paghakbang ng taong iyon palapit sa kaniya.
OMG! Ayokong lumingon! Ayoko. Afraid! Tili ng utak niya. Paano kung paglingon niya ay makita niya iyong killer na sinasabi ni Lena? Ano kaya kung tumakbo na lang siya?
Sa sobrang takot ni Celine ay pinagpawisan tuloy siya kahit malamig. Dapat pala nanatili na lang siya sa kwarto dahil ligtas siya doon. Pagpapawisan din naman pala siya dito.
Napapitlag siya sabay pikit nang maramdaman niya ang presensiya ng isang tao. Nakikinig niya ang paghinga nito. Ibig sabihin ay nasa likuran na niya ito talaga!
“Who’s t-there?” Nagmulat siya at kinakabahang nagtanong. At sa likod ng utak niya ay panay ang dasal niya na sana’y walang masamang mangyari sa kaniya.
-----ooo-----
NAKITA ng taong iyon si Celine na lumabas ng vacation house. Mukhang may kumagat sa plano niya. Sinadya niyang maglunoy sa tubig upang may makakita sa kaniya at lumabas. Malas lang ni Celine at ito ang nahulog sa patibong niya. Agad siyang umahon sa tubig at nagtago sandali sa gubat. Mula sa likod ng isang puno ay nakita niyang tila hinahanap siya ni Celine. Maya maya ay naglakad na ito papunta sa gubat pero tila nagdalawang-isip ito na tumuloy. Pagtalikod nito ay lumabas na siya. Isang kutsilyo ang hawak niya habang marahan siyang naglalakad palapit dito. Napahinto ito sa dahilang hindi niya alam. Huminto siya nang nasa likuran na siya ni Celine. Mas lalo niyang hinigpitan ang pagkakahawak sa patalim.