“THAT Teacher Catherine! Ipinahiya niya ako sa buong class natin kanina! Porke ba teacher siya ay may rights na siyang gawin sa akin 'yon? Bago pa lang siya sa school na 'to at hindi niya pa yata ako kilala!” Nakasimangot na himutok ni Georgina habang nasa pool side silang magkakaibigan sa bahay nila. Naroon din ang boyfriend ni Lena na si Julian at ang kaibigan nitong si Carlson.
Nakasuot siya ng one piece swimsuit habang nakaupo sa gilid ng pool. Nakalublob sa tubig ang kaniyang paa at manaka-naka’y umiinom siya ng iced tea. Habang ang mga kasama niya ay nakaupo lang sa gilid at nag-e-enjoy sa pagkain ng pizza.
Kakagaling lang nila sa school. After na magpahinga ay napagkatuwaan nilang tumambay sa harapan ng kanilang malaking bahay kung saan naroon ang pool. Siyempre, siya lang ang naka-swimsuit dahil walang baon ang mga kaibigan niya.
“What? Hindi ka pa rin kilala ni Teacher Catherine? 'Di ba nga, tinawag ka niya sa name mo kanina. Papaanong hindi ka pa niya kilala?” Kakamot-kamot sa ulo na tanong ni Celine. Sa tatlo niyang kaibigan ay ito ang medyo may pagka-slow. Hindi niya alam kung nabagok ba ang ulo nito noong baby pa ito o sadyang ganoon talaga ang utak nito.
“Hindi ganiyan ang ibig kong sabihin, Celine! Boba!” Winisikan niya ito ng tubig mula sa pool. “Ang ibig kong sabihin, hindi pa niya yata alam na ang parents ko ang palaging may malaking ibinibigay na pera sa school kapag may kailangang ayusin doon!”
“Oh, yes, Georgina. Ang dami kayang naka-witness sa pagpapahiya niya sa iyo. You’re just asking lang naman kung pwede ka niyang bigyan ng deadline pero ang dami na agad niyang nasabi. I think, sinadya niyang ipahiya ka,” panggagatong naman ni Roxy.
“Sa tingin ko naman ay hindi. Gusto lang ni Teacher Catherine na maging fair sa lahat,” supla naman ni Lena kay Roxy. Sa kanilang apat na babae doon, ito ang masasabi niyang pinaka mabait. Mabait nga ito pero mahina naman ang utak.
Tumayo si Georgina at inubos ang laman ng kaniyang baso. “Ah, basta! Hindi ako papayag na ganoon na lang iyon. I want to get even! Gusto kong gumanti!” Naniningkit ang mga mata niya habang nakatingin sa malayo.
Ang ayaw pa naman niya sa lahat ay iyong kinakalaban siya at talagang lumalaban siya. Patas man o hindi, patalikod o paharap… basta lumalaban siya.
Napatingin siya sa kaniyang kaliwang balikat nang may kamay na humawak doon. Isang matabang kamay. “Georg, ano bang klaseng pagganti ang gusto mong gawin? Pwede kitang tulungan.” Si Carlson-- ang matabang kaibigan ni Julian. “Alam mo naman na magaling kami ni Julian pagdating sa prank.” Amoy na amoy niya ang hininga nito.
Iniiwas niya ang balikat niya dito na para bang diring-diri siya. Humarap siya dito. “Pwede ba, kapag magsasalita ka, 'wag mong ilapit sa akin 'yang bunganga mo na ang hininga ay amoy nilulutong bulok na basura? And prank? Really? Anong klase namang prank, Carlson?” Nag-crossed arms siya.