UNTI-UNTING nagkaroon ng malay-tao si Roxy. Napakasakit ng ulo niya. Ano bang nangyari? Muli niyang ipinikit ang mga mata upang alalahanin ang nangyari kung bakit masakit ang ulo niya ngayon.
Bigla siyang napamulat nang maalala na niya ang lahat. Nakita niya ang walang buhay na katawan ni Celine sa dagat. Tapos tumakbo siya papunta sa vacation house para sabihin iyon sa mga kasama pero may biglang humampas ng matigas na kahoy sa ulo niya mula sa kaniyang likuran. Nawalan siya ng malay.
Napahawak siya sa likod ng kaniyang ulo at tiningnan ang kamay. May bahid iyon ng dugo.
Luminga siya sa paligid at doon lang niya nalaman na nasa gubat siya at padapang nakahiga sa lupa. Sinubukan niyang bumangon pero umiikot ang kaniyang paningin. Malakas ang kutob niya na ang nagdala sa kaniya dito ay 'yong taong humampas sa ulo niya. Nang maisip niya iyon ay naalala niya iyong sinabi ni Lena na killer. Mukhang nagsasabi nga ito ng totoo! Kung ganoon ay nasa panganib siya ngayon.
Ang tanging naisip ni Roxy ng sandaling iyon ay ang humingi ng tulong dahil hindi pa siya nakakabawi ng lakas. Ngunit nang susubukan na niyang sumigaw ay hindi naman niya maibuka ang bibig niya. Nahihintakutan niyang kinapa ang bibig at ganoon na lang ang gulat niya nang malaman niya ang dahilan kung bakit hindi niya iyon maibuka. Ipinagdikit ang labi niya gamit ang super glue!
“Hmm! Hmm!!!” Iyon na lang ang tanging ingay na nagawa ni Roxy. Paano naman kasi siya makakasigaw sa kalagayan niya?
Inipon niyang lahat ang lahat upang tumayo. Naging matagumpay naman siya sa pagtayo pero nang ihahakbang na niya ang kaniyang mga paa ay natumba siya. Malakas na humampas ang mukha niya sa lupa at tumama pa ang baba niya sa isang magaspang na bato. Pag-angat niya ng mukha ay napaiyak siya nang paghawak niya sa baba niya ay may nakalaylay doong balat. Napangiwi siya dahil sa sakit at hapdi. Dagdag pa ang dugong lumalabas doon. Kaya naman pala siya hindi nakahakbang at nakatakbo ay dahil nakatali ang dalawa niyang paa.
May lubid na nakakonekta doon. Nang sundan niya ng tingin ang lubid ay nakita niyang nakasabit iyon sa sanga ng isang mataas na puno.
Hindi na niya ininda pa ang sugat sa baba. Mabilis niyang inabot ang paa niya upang alisin ang pagkakatali doon pero napasigaw na lang siya nang bigla siyang umangat. May humila sa tali at ang nangyari ay nakabitin siya ng pabaligtad habang nakatali ang mga paa.
Mas lalong lumala ang kaba at takot na kaniyang nararamdaman dahil sa nangyari.Hanggang sa may isang tao ang dumating. Isang tao na kilala niya kaya naman nabuhayan siya ng loob. Naglakad ito palapit sa kaniya at huminto sa tapat niya. Tiningala siya nito at ngumisi ito.
Ngunit ganoon na lang ang takot ni Roxy nang mapansin niya ang hawak nitong palakol. Pinaikot nito iyon sa kamay na para bang pinaglalaruan.
No! Kung ganoon… siya ang maaaring pumatay kay Celine? Hindi makapaniwalang tili ng utak ni Roxy. Ngunit kung tama ang kaniyang iniisip, bakit nito ginagawa ang bagay na ito? Bakit nito pinatay si Celine at bakit tila siya na ang isusunod nito sa mga biktima nito?
“Kumusta naman ang pagkakabitin mo diyan, Roxy?” tanong ng taong iyon sa kaniya. Tumawa ito ng mahina. “Ah… oo nga pala. Hindi ka makakapagsalita. Pasensiya ka na, ha. Kailangan kong pagdikitin iyang bunganga mo dahil alam ko naman na masyadong matabil ang iyong dila. Ngayon, magpahinga ka na sa pagiging taklesa mo, Roxy! Isa pa, kailangan kong gawin iyan dahil magsusumbong ka kasi sa mga kasama mo tungkol kay Celine. Hindi pa kasi ito ang tamang oras para malaman nila na iniisa-isa ko na kayo!” Kung ganoon ay tama nga ang kaniyang sapantaha. Ang taong ito ang siyang kumitil sa buhay ni Celine.
Itinaas nito ang palakol. Idinaiti nito ang malamig na talim niyon sa pisngi. Umiling-iling siya at iniiwas ang pisngi. Panay ang iyak niya sa sobrang takot. Gustong-gusto na niyang sumigaw ng oras na iyon pero paano naman niya iyon magagawa?