NAGISING si Carlson na nakahiga siya sa ibabaw ng isang nakatumbang puno sa gubat. Ang tanging suot niya ay shorts at wala siyang pang-itaas. Nakatali ang mga kamay at katawan niya doon. May busal siya sa bibig kaya hindi niya magawang sumigaw para humingi ng tulong. Masakit ang ulo niya at buong katawan. Pero mas masakit ang likuran niya. Mahapdi iyon at parang puno ng sugat. Takot na takot na iginalaw niya ang ulo upang makita ang kaniyang kapaligiran. May bonfire sa may tabi niya at may takureng nakasalang doon.
Ang huli niyang natatandaan ay kumakain siya sa kusina at may taong nagbigay sa kaniya ng tubig. Inantok siya at nawalan ng malay-tao. Kung ganoon, malaki ang posibilidad na sinadya nitong patulugin siya at dinala siya nito dito. At sigurado na siyang ang taong iyon ang pumatay kina Celine at Roxy!
“Salamat naman at gising ka na…” Mula sa madilim na bahagi ng gubat ay lumabas ang taong iyon. Nakangiti ito at may hawak na tool box. Naglakad ito palapit sa kaniya at tiningnan siya na para bang wala siyang kalaban-laban.
Hayop ka! Pinagbintangan pa namin si Julian tapos ikaw lang pala ang totoong pumatay kina Roxy at Celine! gigil na sigaw ng utak niya. Pumalag siya ngunit hindi siya masyadong makagalaw sa higpit ng pagkakatali niya.
“Handa ka na bang sumunod kay Roxy?” tanong nito. “Ah… Oo nga pala, hindi ka makakapagsalita!” Iiling-iling pa ito at tumatawa ng mahina. Inilapag nito ang tool box sa lupa. Yumukod ito at binuksan iyon.
Isa-isa nitong nilabas ang laman ng tool box na dala nito. “Ano kaya ang gagamitin ko sa iyo, Carlson? Ang dami naman kasi nito. Hindi ako makapili!” Gunting, pliers, martilyo, screwdriver at mga pako ang laman ng tool box nito.
Nanlalaki ang mata niya sa bawat bagay na inilalabas nito doon.
Tumayo ang taong iyon at naglakad-lakad paikot sa kaniya. “Ang hirap magdesisyon! Alam mo bang gigil na gigil ako sa iyo dahil alam kong ikaw ang nag-isip ng prank na gagawin kay Damian? Prank na naging dahilan kung bakit siya namatay!” Huminto ito sa tapat ng bonfire. Naglalabas na ng maraming usok ang nguso ng takure. “Kumukulo na pala… Tamang-tama sa pag-gising mo!”
Lumayo ito doon at binuksan ulit nito ang toolbox. Nakita niya na kinuha nito ang pliers at gunting. Inuupuan siya nito sa kaniyang dibdib malapit sa leeg. Nakabukaka ito doon at takot na takot siyang nakatingin dito. Hindi niya kasi alam ang gagawin nito sa kaniya gamit ang dalawang bagay na hawak nito.
Inilipat nito sa isang kamay ang hawak na gunting para maging malaya ang isang kamay nito. Ginamit nito ang isang kamay para alisin ang busal sa kaniyang bibig. Masuka-suka siya nang maalis ang tela sa kaniyang bibig.
Sisigaw sana siya para humingi ng saklolo pero mabilis na itinutok nito ang dulo ng gunting sa kaniyang leeg. “Huwag mong susubukang sumigaw dahil bubutasin ko ang leeg mo! Sige, subukan mo lang, Carlson!” Kaya naman naumid ang dila niya. Nakakatakot pa naman ang gunting na hawak nito dahil puro kalawang na ang talim niyon.
“P-parang awa mo na. H-huwag mo akong patayin…” Nanginginig sa takot na pakiusap ni Carlson.
Umiling-iling ito. “E, sa akin? Naawa ba kayo? Hindi ninyo naisip ang pwedeng mangyari sa mga ginagawa ninyo! Oo nga pala, pasensiya ka na kung puro sugat ang likod mo. Ang bigat mo kasi kaya hinila na lang kita papunta dito. Ngayon, uumpisahan ko na ang pagpapahirap ko sa iyo. Nganga. Ngumanga ka. Bilisan mo, Carlson. Nganga!” Akala mo ay nasisiraan ng ulo nitong utos sa kaniya.
“'W-wag… Maawa ka…” Patuloy na pakiusap niya. Hindi siya iyaking tao pero ngayong alam niyang maaaring sapitin niya ang uri ng kamatayan na sinapit nina Roxy at Celine ay hindi na niya napigilan ang mapaiyak.