LESSON 05- Blackmail

4.3K 162 26
                                    


UNTI-UNTING bumakas ang galit sa gwapong mukha ni Damian. Mas lalong humigpit ang pagkakahawak niya sa kutsilyong ginagamit niya sa paghiwa ng sibuyas.

“Anong karapatan mong sumama sa field trip ninyo at sa akin humingi ng pera, ha?! Sabihin mo sa akin, Damian, anong karapatan mo?!” Mataas at malakas ang boses ng Tita Azon niya-- ito ang tunay na asawa ng kaniyang tatay. Nagsabi kasi siya dito na nais niyang sumama sa field trip nila sa school at kailangan niya ng pera nang dumating ito sa kusina habang inihahanda niya ang mga rekados sa lulutuin niyang ulam. “Anak ka ng kabit ng asawa ko kaya wala akong obligasyon sa iyong tanga ka! Tapos kokonsensiyahin mo pa ako na isasama ko ang mga anak ko?! Malamang, tunay kong mga anak 'yon! Dapat nga ay magpasalamat ka na lang na kahit patay na ang asawa ko ay hinahayaan pa rin kitang tumira dito tapos libre pa!” Dinuro-duro pa nito ang ulo niya.

Simula nang mamatay ang tatay niya ay parang bigla siyang bumagsak sa impyerno dahil sa pang-aalila ng asawa at mga anak nito. Matagal na panahon na siyang nagtitiis sa kasamaan ng ugali ng mga ito ngunit ng sandaling iyon tila hindi na niya kayang magtiis pa!

Patuloy pa rin sa pagbubunganga si Azon. Tumiin ang bagang ni Damian. Hindi na talaga niya kaya ang masasakit na salitang ibinabato nito. Galit na galit na itinutok niya ang hawak na kutsilyo dito.

“Tama na! Tama na!” sigaw niya. Rumehistro ang takot sa mukha ni Azon. “Sawang-sawa na ako! Lahat na lang ng ginawa ko ay mali! Ayoko na dito!!!” sigaw niya habang tumutulo ang luha.


-----ooo-----


HAWAK na ni Damian ang kutsilyo habang patuloy pa rin ang lalaki sa paghalik sa kaniya. May luhang pumatak mula sa kaniyang mata nang maalala niya ang unang pagkakataon kung kailan muntik na niyang gamitin ang isang kutsilyo para manakit ng isang tao. Sa Tita Azon niya na asawa ng kaniyang ama. Ngunit hindi niya iyon itinuloy dahil natakot siya sa kalalabasan kung sinaksak niya ito. Ang ginawa na lang niya ay naglayas siya at namuhay nang mag-isa.

Ngayon ay may hawak na naman siyang kutsilyo at mukhang sa pagkakataong ito ay kailangan na niya talaga iyong gamitin. Hindi naman kasi siya makakapayag na magtagumpay ang lalaking ito sa gusto nitong gawin sa kaniya.

Diyos ko, tulungan Ninyo po ako. Patawarin Ninyo po ako sa gagawin ko, bulong ni Damian. Buo na ang desisyon niya. Lalabanan niya ang lalaki gamit ang patalim na nasa kamay niya!

Biglang huminto ang lalaki sa paghalik sa kaniya. Marahang pumaling ang ulo nito sa kamay niyang may hawak na kutsilyo. Nanlamig siya nang nakita niya ang pagbakas ng galit sa mukha nito.

“'Tang ina ka! Hindi ka marunong sumunod!” sigaw ng lalaki sa kaniya sabay suntok sa mukha niya. Sandaling dumilim ang kaniyang paningin.

Kinuha nito ang kutsilyo at itinapon iyon sa kung saan. Sinamantala ni Damian ang pagkakataon nang itapon iyon ng lalaki. Kahit nahihilo pa sa suntok ay malakas niyang sinipa sa tiyan ang lalaki. Tumilapon ito at nahulog sa higaan.

Tumakbo siya papunta ng pinto. Sisigaw na sana siya nang may panyong tumakip sa kaniyang ilong at bibig. May hindi magandang amoy ang panyo at nang pumasok iyon sa kaniyang ilong ay nakaramdam siya ng pagsakit ng ulo at pagkahilo.

“Ayaw kong gawin ito sa iyo pero matigas ang ulo mo, Damian… Ngayon, akin ka na!” Humalakhak pa ang lalaki. Inalis na nito ang panyo sa kaniyang mukha.

Napahawak siya sa seradura ng pinto dahil nawalan na ng lakas ang kaniyang mga tuhod. Unti-unti na siyang inaantok hanggang sa tuluyan na siyang matumba sa sahig. Nanlalabo na ang kaniyang mata at parang lahat ng nakikita niya ay natatakpan ng maninipis na ulap. May malay pa siya pero hindi na niya magawang maigalaw kahit na anong parte ng kaniyang katawan. Kahit nang buhatin siya ng lalaki at ibinalik siya sa pagkakahiga sa kama ay hindi na niya nagawang manlaban pa.

School Trip 6Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon