SAMPUNG minuto lang ang tinagal ng biyahe ng bangka na sinakyan nina Damian at narating na nila ang isla kung saan gaganapin ang outing ng kanilang section.
Pagbaba ni Damian ng bangka ay humalik sa paa niya ang mabining hampas ng alon. Bahagyang lumubog ang paa niya sa buhangin at nakaramdam siya ng panandaliang kaginhawaan dahil doon.
Namamanghang iginala niya ang ang mata sa kapaligiran. Hindi ganoon kalaki ang isla pero napakalaki niyon. Sa gitna at may kagubatan na mukhang hindi naman nakakatakot puntahan. Bagaman at hindi ganoon kaputi ang buhangin ay pino naman iyon. Wala rin siyang nakikitang basura. Mukhang napapangalagaan nang mabuti ang islang ito. May mga nakatayong tent sa hindi kalayuan at mangilan-ngilan lang ang mga tao.
Nagtipon-tipon silang lahat sa may baybayin. Maya maya ay may lumapit sa kanila na isang matandang babae. Kinausap ito ni Teacher Catherine. Ito pala ang isa sa mga caretaker ng naturang isla. Narinig niya nang magpakilala ito sa guro nila.
Pinasunod sila ng matanda dito. Ilang minuto lang silang naglakad at narating nila ang isang hotel na nasa gitna ng kagubatan. Hindi naman iyon ganoon kalayo sa dagat.
Tatlong kwarto ang nirentahan nila sa hotel na iyon. Sa isang kwarto ay sampu ang okupado. Nagdagdag na lang ng isang bed sa isang kwarto para kay Teacher Catherine.
Pinagpahinga lang sila ni Teacher Catherine ng kalahating oras at lumabas na rin sila at nagtipon-tipon malapit sa dagat. Anito, bukas pa ng umaga sila aalis sa isla. Gawin daw nilang lahat ang gusto nila basta mag-iingat lang silang lahat. Pero mamayang gabi daw pagkatapos nilang mag-dinner ay magkakaroon sila ng “talk”.
Naglakad-lakad na lang si Damian sa dalampasigan. Nang makaramdam siya ng pagod ay umupo siya sa buhangin at in-stretch ang binti. Hinayaan niyang mabasa ng alon ang kaniyang paa. Mula sa kung saan ay nakarinig siya ng tawanan. Iyon naman pala ay naghaharutan ang mga kaklase niya habang nakababad sa dagat. Ang saya-saya ng mga ito. Talagang nag-e-enjoy ang mga ito hindi katulad niya na nahihiyang makihalubilo.
“Bakit mag-isa ka lang dito?” Biglang dumating si Teacher Catherine. Umupo ito sa tabi niya. “Makisali ka sa mga kaklase mo, Damian. Tingnan mo sila… Ang saya-saya nila.”
Kumibit-balikat siya. “Hindi na lang po, teacher. Nahihiya pa rin kasi ako sa kanila. Dito na lang ako…”
“Dapat sinusulit mo ang nalalabing araw na makakasama mo sila. Pero, ikaw ang bahala. Naiintindihan ko naman ang dahilan mo.”
“Salamat po.”
“Ganito na lang. Kung gusto mo, tulungan mo na lang ako na maghanda ng pagkain natin mamayang tanghalian. Tinanong ko kasi ang ilan sa inyo at gutom na daw sila.”
Dahil sa wala naman siyang gagawin ay pumayag siya sa sinabi ni Teacher Catherine. Nagtungo sila sa harapan ng hotel kung saan meron doong mahabang lamesa. Boodle fight ang gusto ni Teacher Catherine para sabay-sabay talaga silang kakain. Tinulungan niya itong ilatag ang kanin sa lamesa na nilagyan nila ng mga dahon ng saging. Naghiwa siya ng kamatis at itlog na maalat habang iniihaw nito ang karne ng baboy na ibinabad nito sa espesyal na marinate. Maayos nila iyong inilagay sa ibabaw ng kanin. May mga saging at mangga din sa gilid para panghimagas.
“Ang sarap naman po niyan, teacher!” bulalas ni Damian. Nag-enjoy siya ng husto sa paghahanda ng pagkain. Kahit ilang minuto lang ay nakalimutan niya ang kaniyang problema.
“Sa tingin mo ba ay magugustuhan iyan ng mga kaklase mo?”
“Oo naman po! Ang sarap kaya ng itlog na maalat na may kamatis. Tapos may inihaw na baboy pa!” palatak niya.