“L-LENA?” Hindi makapaniwala si Damian nang makita niya si Lena sa may gate ng school. Pabalik kasi siya sa classroom nila dahil hindi niya makita sa bag niya iyong notebook niya sa English. Sa wari niya ay naiwan niya iyon sa kanilang classroom.
Kay lakas ng kabog ng dibdib niya at pinagpapawisan ang kamay. Ganoon siya kapag tensiyonado.
“Damian?” Kahit ito ay bahagyang nagulat nang makita siya. Tila hindi ito sigurado dahil madilim na rin naman.
Mag-isa lang doon si Lena at nakasuot pa rin ito ng school uniform. Medyo nakabusangot ang mukha nito na para bang may nangyaring ikinainis nito. Bihira lang ang ganitong pagkakataon, 'yong makita niyang mag-isa si Lena. Madalas kasi ay kasama nito ang mga kaibigan nito o hindi kaya ay si Julian. Sweet na sweet nga palagi ang dalawa, e.
Hindi sila nagkakausap sa school kahit pa magkaklase sila. Wala kasing nagtatangkang makipagkaibigan sa kaniya. May nagsasabi na nakaka-intimidate ang kagwapuhan at katalinuhan niya. Kung may atensiyon man siyang nakukuha sa iba niyang kaklase ay paghanga.
Ang totoo niyan, ito yata ang unang pagkakataon na makakausap niya si Lena kaya naman kahit dinadaga ang dibdib niya at inaatake siya ng hiya ay pinaglabanan niya iyon. Humakbang siya ng kaunti para mas malapit siya sa babaeng hinahangaan.
“A-anong ginagawa mo dito, Lena? Gabi na tapos mag-isa ka pa…” tanong ni Damian.
Itinaas nito ang dalawang balikat. “Nagpapalipas ng inis. Ikaw ba?”
“M-may nakalimutan ako sa room natin, e. Iyong notebook ko sa English.” Isang awkward na tawa ang pinakawalan niya na sinundan ng pagkamot sa likod ng ulo. Senyales na nahihiya siya.
Ngayon lang din niya nalapitan si Lena ng ganito kalapit. Simple lang ang ganda nito. Sa apat na magkakaibigan, para sa kaniya ay ito ang pinaka maganda. Iyong ganda kasi nina Georgina, Roxy at Celine ay matatapang. Iyong kay Lena ay parang napaka bait nito. Nagatataka nga siya kung bakit naging kaibigan nito ang mga bully ng kanilang school.
“Ganoon ba? Samahan na kita. Tinatamad pa naman akong umuwi, e.”
“T-talaga?!” Nanlaki ang mata niya at napalakas ang pagsasalita dahil sa sobrang saya at excitement. “Ang ibig kong sabihin ay… talaga? Sasamahan mo ako?” Pinilit niyang gawing normal ang kaniyang pagsasalita.
Tumango ito. “Oo. Tara na? Kaya lang, naka-lock 'yong, 'di ba?”
“May susi ako. Hindi mo pa ba alam na binigyan ako ni Teacher Catherine ng duplicate kasi madalas akong maagang pumasok.”
“Wow! Hindi ko alam iyon, ha. Pero ang galing mo naman. Nagtatrabaho ka na sa gabi pero nakakapasok ka pa rin ng maaga.”
Nagsimula na silang maglakad papunta sa kanilang classroom. Mabagal lamang ang kanilang paglalakad na para bang sinasadya nila iyon upang makapag-usap ng matagal. Parang ang sarap tuloy hawakan ng kamay ni Lena habnag naglalakad sila at nagku-kwentuhan. Iyong parang ginagawa ng mga magkasintahan.
“Time management lang iyan saka determinasyon…” Kinilig siya dahil alam pala nito ang tungkol sa kaniya.
“Na punung-puno ka! Alam mo, Damian… ang swerte ng girlfriend mo.”
Lihim siyang napangiti. “W-wala naman akong girlfriend, e.”
“Seryoso? Ang gwapo at talino mo tapos wala?”
Ikaw kasi ang gusto ko… Binulong na lang niya ang mga katagang iyon dahil hindi naman niya kayang sabihin dito. “Wala pa sa isip ko. Gusto ko munang makatapos ng pag-aaral,” bagkus ay iyon ang sinabi ni Damian. “Oo nga pala, bakit ka nga pala naiinis? Sabi mo kasi kanina ay nagpapalipas ka ng inis. Okay lang naman kung hindi mo sasagutin--”