KAHIT papaano ay nakahinga nang maluwag si Julian nang malaman niya na hindi naman pala sinabi ni Lena kay Teacher Catherine na sila ang naging dahilan sa pagkamatay ni Damian. Kaya pala nito niyayakap si Lena ay dahil sa nag-share lang ng problena si Lena dito at kinomfort lang ito ni Teacher Catherine. Ngunit hindi pa rin siya mapakali. Paano kung gawin nga ni Lena iyon? Ang magsumbong. Paano kung dahil sa pagsusumbong nito sa ibang tao ay maging murder ang suicide na pagkamatay ni Damian dahil mabubuksang muli ang kaso nito? Ngayong nasa hustong edad na siya, siguradong makukulong na siya at hindi na makakatakas pa sa batas! At hindi naman niya iyon hahayaang mangyari.
Sa kanilang magkakaibigan, si Lena lang talaga ang hanggang ngayon ay tila nakokonsensiya pa rin sa ginawa nila noong kay Damian. Wala naman siyang problema sa iba dahil mukhang nag-iisip ang mga ito. atulad lang din niya ang mga ito na ayaw makulong. Si Lena lang talaga ng problema niya. Napakalaking problema!
Plano nilang mag-inuman sa may tabing-dagat ng gabing iyon. Abala na sina Lena at ang iba pang babae sa pagluluto ng pulutan sa may kusina. Habang sila naman ni Carlson ay inihahanda na ang pag-iinuman nila sa may dalampasigan. Dinala nila doon ang isang malaking lamesa at mga upuan. Naghanap din sila ng extension cord upang magkaroon sila ng saksakan ng ilaw. May nakita naman sila at sapat naman ang haba niyon.
“Hindi ka ba natatakot na baka magsumbong si Lena kay Teacher Catherine tungkol kay Damian?” biglang tanong ni Carlson sa kaniya habang nagkakabit sila ng ilaw.
May nakita silang kawayan at itinayo nila iyon sa may buhangin. Sa dulo niyon ay isinabit nila ang ilaw para magsilbing liwanag nila.“Bakit naman ako matatakot sa kaniya? Hindi ako natatakot pero humanda talaga siya sa akin kapag ginawa niya iyon!” Bumakas ang galit sa gwapo niyang mukha.
“Maaari na tayong makulong lahat kapag may nakaalam na iba at isumbong tayo sa mga pulis…”
Tumiim ang bagang ni Julian. “Sa tingin mo ba, papayag akong mangyari iyan? Hindi, Carlson. Hindi!”
“Bakit? Anong gagawin mo kay Lena? 'Wag mong sabihin na… papatayin mo siya?”
Papatayin? Ulit niya sa sinabing iyon ni Carlson sa utak niya. Sumeryoso ang mukha niya at nag-isip nang maigi. Pwede niyang gawin iyon. Ang patayin si Lena para hindi na ito makapagsalita. Kapag ginawa niya iyon ay mawawala na ang malaking tinik sa kaniyang dibdib.
Nagulat siya nang biglang sundutin ni Carlson ang tagiliran niya. “Papatayin mo ba siya sa kilig? Magiging kayo ulit para mapasunod mo ulit siya. Mukha naman kasi na patay na patay pa rin sa iyo 'yon, e.” Tatango-tango pa ito. Kumunot ang noo ni Carlson nang makita ang kaseyosohan niya. “Bakit naman ang seryoso ng mukha mo?”
“Iyon ba ang sasabihin mo? Ang patayin siya sa kilig?”
“Ikaw, ha! 'Wag mong sabihin na sineryoso mo 'yong sinabi ko na patayin siya.” Tinapik siya nito sa balikat. “Hindi mo pwedeng gawin iyon dahil makukulong ka rin. Ang mabuti siguro ay kausapin mo na lang si Lena nang masinsinan. Sabihin mo na hindi siya pwedeng sabihin sa iba ang ginawa natin kay Damian dahil makukulong tayong lahat.”
Marahil ay tama si Carlson. Kakausapin muna niya si Lena nang maayos. Ngunit paano kung may balak talaga itong magsumbong sa iba at hindi siya nito pakinggan? Baka mapilitan siyang tuluyan itong patahimikin ng habangbuhay!
“Boys! Luto na ang pulutan!” Narinig nilang sigaw ni Roxy.
Napatingin silang dalawa dito. Kasama nito sina Georgina, Celine at Teacher Catherine na may dalang mga plato na may pagkain. Isa-isang ipinatong ng mga ito ang mga pulutan nila. Si Teacher Catherine ang may dala ng dalawang bote ng alak.
“Wow! Ang sasarap niyan, a!” pakli ni Carlson.
“Crispy pata, sisig, chicharong bulaklak and tokwa’t baboy! Kami lahat nagluto niyan!” Proud na proud na sabi ni Celine.