“GEORGINA!!! Hello! We missed you!!!”
Gulat na gulat si Georgina nang pag-uwi niya sa bahay nila mula sa pagsho-shopping ay sinalubong siya nina Celine at Roxy sa salas. Mahigpit siyang niyakap ng dalawa at nakipag-beso pa.
“Roxy? Celine? Anong ginagawa ninyo dito? Hindi niyo man lang ako in-inform na magpapakita na kayo after four long years!” May himig pagtatampong sabi niya.
“Gusto ka naming I-surprise. May surprise ba na magsasabi? Wala naman, right?” ani Roxy. “Kumusta ka na? You are right! Four long years tayong hindi nagkita-kita!”
“Pwede bang umupo naman tayo? Ang sakit na ng paa ko, e!” reklamo ni Celine.
“Sino ba naman kasi ang may sabi sa iyo na magsuot ka ng six-inch heels. Gaga ka pa rin talaga till now!” turan dito ni Roxy.
Inirapan lang ito ni Celine. Magkakatabi silang umupo sa isang sofa at doon nila ipinagpatuloy ang pagkukwentuhan.
Sa pagkukwentuhan nilang tatlo ay doon niya nalaman ang mga nangyari sa mga ito sa panahong hindi sila nagkikita. Si Celine ay isa nagtapos na ng fashion designing sa isang sikat na school sa France. Nagpaplano na daw itong magtayo ng botique dito sa Pilipinas. Kaya naman pala napakaganda ng suot nitong dress. Bagay na bagay dito. Si Roxy naman ay katulad din niyang nag-take ng isang business course dahil iyon daw ang gusto ng parents nito. Para daw maging madali para sa kaniya ang pag-manage ng negosyo ng mga ito.
Kahit papaano naman pala ay may magandang nangyari sa mga ito.
“Well, it’s good to hear na kahit naman papaano ay may narating na kayo. So, pwede na kayong umalis. I have to rest. Sobrang nakakapagod mag-shopping!” Itinirik niya ang mata. Tatayo na sana siya pero bigla siyang hinawakan ni Roxy sa braso.
“Wait. Ano ka ba naman? Hindi kami pumunta dito para sabihin kung anong nangyari sa amin sa loob ng four years.”
“E, ano ba kasi?” Muli siyang umupo.
“Gusto sana namin na magkaroon tayo ng reunion. Tayong tatlo, sina Julian, Carlson and Lena. What do you think? It’s time na naman siguro para makumpleto tayong tatlo…” ani Roxy.
Walang pagdadalawang-isip na pumayag si Georgina sa sinabi nina Roxy. Sa totoo lang ay nami-miss din naman niya ang mga ito pero ayaw lang niyang ipahalata. Nagkaroon siya ng mga kaibigan sa college pero iba pa rin talaga ang mga kaibigan niya noong high school siya. Noong college siya ay nalaman niya na mas marami pa pala ang mas demonya sa kaniya kaya sandali niyang itinago ang kaniyang sungay at nag-focus na lang sa pag-aaral. Para naman makabawi siya sa pag-disappoint niya a parents niya noong grumaduate siya ng high school. At nagawa naman niya. Sa college ay siya ang naging cum laude. Simula noon ay tila unti-unti nang bumabalik ang tiwala ng mga ito sa kaniya.
-----ooo-----
MAY contact pa sina Roxy at Celine kay Carlson kaya naging madali ang pagahanap nila dito. May restaurant na pala ito at ikakasal na ito sa susunod na taon. Natuwa naman si Georgina dahil hindi na siya nito kukulitin. Si Lena naman ay kinontak rin nina Celeine ngunit walang sumasagot sa numero nito kaya nag-iwan na lang ang mga ito ng mensahe. Sinabi ng mga ito sa mensahe na magkikita-kita sila sa isang burger house sa bayan.
Nandoon na sina Roxy, Celine at Carlson nang dumating sina Georgina at Julian. Napansin agad ni Georgina ang malisya sa mga mata ng tatlo nang sabay silang dumating ni Julian at nakaakbay pa ito. Magkatabi pa sila sa upuan.
Nangalumbaba si Roxy sa lamesa habang nagpapalit-palitan ang tingin sa kanila ni Julian.
“Bakit ganiyan ka makatingin, Roxy?” Natatawang tanong dito ni Georgina.