LESSON 10- Crazy In Love

3.4K 140 11
                                    

LINGGO ng umaga. Kakabalik lang ni Georgina mula sa isang bakasyon sa isang beach resort sa Batangas kasama ang mga kaibigan niya maliban kay Lena. Hindi niya ito isinama dahil sa ipinapagawa niya dito. Sandali din niyang inilayo ang mga kaibigan niya kay Lena dahil baka tulungan ito ng mga ito lalo na ang boyfriend nito na si Julian. Gusto niyang matutunan ni Lena ang lesson nito-- na kapag may gagawin ang grupo ay dapat itong sumama.

Kagabi ay tinawagan siya ni Lena at sinabi nito na may nakuha ito sa apartment ni Damian. Hindi pa sana sila uuwi pero masyado siyang na-excite sa nakita ni Lena kaya umuwi agad sila.

Nasa silid niya siya ng oras na iyon. Nakadapa siya sa ibabaw ng kama habang nagbabasa ng notes. Kailangan din naman niyang mag-review dahil bukas na ang final exam. Gusto niyang siya ang makakuha ng pinaka mataas na score sa exam. Mas mataas pa kay Damian.

Tutok na tutok si Georgina sa pagre-review nang maabala siya dahil sa katok sa pinto. Itinirik niya ang kaniyang mata at hinayaan lang ang kumakatok. Inisip niya na baka kapag hindi niya iyon pinagbuksan ay aalis na ito pero nagpatuloy pa rin ang pagkatok.

“Fuck!” Mahinang mura niya. Tumayo siya kahit napipilitan at binuksan ang pinto. Isa sa mga kasambahay nila ang nabungaran niya. “Ano ba, Dely?! Hindi ba sabi ko ay huwag ninyo akong iistorbohin dahil nagre-review ako?! Tatanga-tanga ka talaga!” bulyaw ni Georgina dito.

“Sorry po, ma’am. May bisita po kasi kayo. Iyong kaibigan niyo po na si Lena…”

Sandali siyang natigilan. “Okay. Paakyatin mo siya dito. Bilisan mo!” Bumalik na siya sa kaniyang kama. Nakaupo lang siya sa gilid niyon habang hinihintay si Lena.

Nakaka-excite naman kung ano ang bagay na nakuha nito kay Damian. Sana talaga ay magamit niya iyon para masiraan niya ang mahigpit na kalaban sa pagiging valedictorian. Iyong tipong masu-suspend ito sa school para sa kaniya na talaga ang inaasam na pwesto.

Ilang sandali lang ay pumasok na si Lena sa kwarto niya. Sinalubong niya ito nang malaking ngiti. “Upo ka dito…” tinapik ni Georgina ang espasyo sa tabi niya. Napansin niya ang hawak nitong envelope.

Umupo naman si Lena sa tabi niya at inabot sa kaniya ang envelope.

“Ano ito?” tanong niya.

“Sa totoo lang, hindi ko rin alam. Iyan lang kasi ang medyo kahina-hinalang bagay na nakita ko sa apartment ni--”

“What?! Hindi mo alam ang laman nito?” Umiling si Lena. Parang gusto niya tuloy isampal o ipakain kay Lena ang hawak niyang envelope. “Kinuha mo ito kahit hindi ka sigurado na maaari natin itong magamit kay Damian para siraan siya?”

Hindi agad nakapagsalita si Lena. Bakas sa mukha nito na para bang nakokonsensiya ito. “Georgina, dapat mo ba talagang siraan si Damian? Mabait siya at--”

“Of course! Kailangan na ako ang maging valedictorian. My parents will kill me kapag hindi ako naging valedictorian! Wait, don’t tell me, you like him?”

“S-sino?”

“Si Damian. Kung sabihan mo siya ng mabait, parang gusto mo siya. Gusto mo bang sabihin ko ito kay Julian?” May halong pananakot na sabi niya.

“H-huwag! Please…”

Maarteng itinirik ni Georgina ang mata. “Whatever! Magdasal ka na lang na magugustuhan ko ang laman ng envelope na ito or else papabalikin kita sa apartment ni Damian ngayon para maghanap ng dapat mong hanapin!” Inirapan niya si Lena.

Tumayo siya at lumayo sandali sa kaibigan. Pumwesto siya sa tabi ng bintana dahil mas maliwanag doon. Wala siyang ideya kung ano ba ang laman ng naturang envelope ngunit kahit papaano ay naiintriga pa rin siya. Selyado ang bukasan ng envelope ng scotch tape. Hindi naman siguro ito lalagyan ng ganoon kung hindi importante ang laman nito.

School Trip 6Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon