LESSON 12- Falling Apart

3.1K 141 12
                                    


KANIYA-KANIYANG punta na sa kani-kanilang upuan ang mga kaklase ni Damian nang pumasok na si Teacher Catherine. Oras na kasi ng kanilang final exam.

“Good morning, class!” Nakangiting bati sa kanila ng guro.

“Good morning, teacher!” Magkakasabay na ganting-bati nilang lahat dito.

“I hope na lahat kayo ay nakapag-review nang maayos dahil ako na ang magsasabi na hindi ganoon kadali ang magiging final exam ninyo. By the way, para naman ganahan kayo na makakuha ng mataas na marka sa lahat ng subject sa final exam ay may ia-announce ako ngayon.” Sandaling nag-pause sa pagsasalita si Teacher Catherine. “Kapag kayong lahat ay pumasa sa final exam ay magkakaroon tayo ng vacation sa isang beach dito sa Quezon!”

Nagsigawan ang lahat sa sobrang saya dahil sa sinabi ni Teacher Catherine. Naiintindihan naman niya ang mga kaklase niya kung bakit ganoon ang reaksyon ng mga ito. Hindi kasi nagkaroon ng school trip ang school nila ngayong taon.

“Pero iyon ay kapag pumasa kayong lahat kaya sana ay husayan ninyo,” anito pa.

Tumaas ng kamay si Georgina at tumayo ito. “Libre niyo po ba, teacher? Dapat libre niyo kasi kayo ang nag-aya!” Mukhang nang-aasar lang ito.

“Sagot ko na ang pagkain natin pero iyong entrance sa beach resort ay kaniya-kaniya tayo. Hindi naman ako ganoon kayaman para sagutin ang lahat. Isa pa, magandang bonding na rin ito bago kayo grumaduate, 'di ba?”

“But may kasabihan na bawal daw mag-outing ang mga ga-graduate kasi malapit daw sa aksidente…” singit naman ni Celine.

“Hindi naman totoo iyon, class. Iyon ay isang kasabihan lamang. Kapag oras na kasi ng tao ay oras na nito. Wala na tayong magagawa doon. Basta, galingan ninyo. Good luck!” Isang envelope ang inilabas ni Teacher Catherine mula sa dala nitong bag. Mula doon ay inilabas nito ang isang bungkos ng test papers. “Ang first exam niyo ay English… Sino ang gustong mag-distribute ng test papers?”

Tumingin sa kanila si Teacher Catherine. Isang estudyante ang agad na nagtaas ng kamay.

“Teacher, ako na lang!” sigaw ni Georgina. Malaki ang ngiti nito.

“Okay, Georgina. Halika…”

Pumunta sa unahan si Georgina upang kunin ang test paper nila para sa English. May napansin si Damian kay Georgina. May dala itong isang envelope. Hindi niya mawari ngunit kinabahan siya nang makita ang envelope na iyon.

Kinuha na nito ang test papers ang isa-isa nang namigay. Pilit niyang inalis ang kabang nararamdaman at baka bigla siyang mablanko.

Pinanood na lang niya ang pamimigay ni Georgina ng test papers. Napansin niya na bago nito ibagay sa mga kaklase niya ang test paper ay may kinukuha itong isang bagay sa loob ng dalang envelope at isinisingit iyon sa test paper. Sa wari niya ay isang papel.

Ano kaya iyon? Tanong ni Damian sa kaniyang sarili.

Nang siya na ang binigyan ni Georgina ng test paper ay wala naman itong isiningit doon. Hindi naman niya makita sa katabi kaklaseng katabi niya dahil medyo magkakalayo ang kanilang mga upuan para maiwasan ang pagkokopyahan.

Natapos na rin sa wakas sa pamimigay si Georgina. Bumalik na ito sa upuan nito.

“Maaari niyo nang umpisahan ang pagsasagot. Meron lamang kayong isang oras para tapusin iyan…” ani Teacher Catherine.

Sabay-sabay na tiningnan ng lahat ang test paper. Umugong ang bulungan ng mga kaklase niya na labis na ipinagtaka ni Damian. May mga tinitingnan ang mga ito. Mukhang iyong iniipit ni Georgina sa bawat test papers na ipinamimigay nito.

School Trip 6Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon