KAPWA natigilan sina Damian at Marco nang may kumatok sa pinto. Napatingin silang dalawa doon. “Damian? Ano ba 'yang sigawan na naririnig ko diyan sa loob? Parang may kaaway ka. Ayos ka lang ba diyan?” boses iyon ng landlady nila!
Bumangon ang pag-asa sa dibdib ni Damian. Sa wakas ay makakahingi na rin siya ng tulong. Tutal nama’y hindi na hawak ni Marco ang mga litrato ay hindi na siya pwede nitong hawakan sa leeg.
Akmang sisigaw sana siy pero nakita niya ang nakaumang na kutsilyo sa mukha niya. “Sige! Subukan mong sumigaw dahil bubutasin ko 'yang mukha mo!” banta ni Marco. Nanlalaki ang mata nito at namumula.
Napakalakas ng kabog ng kaniyang dibdib. Hindi malabong totohanin nito ang sinabi dahil si Ading nga ay nagawa nitong patayin sa napaka brutal na paraan.
Kailangan niyang mag-isip kung paano siya makakawala kay Marco.
“Damian? Damian?!” Patuloy sa pagtawag ang landlady at sinasamahan pa nito ng pagkatok.
Huminga nang malalim si Damian. Napansin niya na bahagyang nakabukaka si Marco at brief lang ang suot nito. Walang pagdadalawang-isip na tinuhod niya ang pagkalalaki ni Marco. Buong puwersa niyang ginawa iyon kaya naman napaatras si Marco sa sobrang sakit habang sapo nito ang pagkalalaki. Halos hindi na maipinta ang mukha nito at panay ang mura nito sa kaniya.
Nang makita ni Marco na paalis siya sa kinatatayuan ay sinugod siya nito ng saksak. Mabuti na lang ay naging maagap si Damian. Naiwasan niya ang kutsilyo at sa dingding iyon tumama. Naputol ang patalim sa lakas ng puwersa ni Marco.
Sinipa niya sa tiyan si Marco at napaupo ito sa sahig. Sinamantala na niya ang pagkakataon at tinakbo niya ang pinto. Binuksan niya iyon at sumalubong sa kaniya ang kanilang landlady. Napayakap siya dito at muntik na silang matumba.
“Diyos ko! Ano bang nangyayari?!” Naguguluhang tanong nito.
“Tumawag po kayo ng pulis! Bilisan niyo po!” Tarantang sigaw ni Damian.
“Ano ba kasi ang--”
“Bilisan niyo po!!! May gustong pumatay sa akin sa loob!”
“Oo! Oo na!” At nagmamadaling umalis ang landlady.
Pagtingin niya sa nakabukas na pinto ay nakita niya si Marco na tatayo na. Hindi ito pwedeng makalabas dahil baka tumakas ito! Kaya ang ginawa niya ay isinara niya ang pinto at hinawakan nang mahigpit ang door knob dahil hinihila iyon ni Marco para mabuksan.
“Humanda ka sa akin kapag nakalabas ako dito, Damian! Papatayin talaga kita!” sigaw ni Marco mula sa loob.
“Hindi ka na makakalabas diyan! Darating na ang mga pulis at huhulihin ka na nila! Mabubulok ka na sa bilangguan! Hayop ka!”
Malakas na tumawa si Marco. “At sa tingin mo ba ay papayag akong mangyari iyon?!”
Talagang ibinigay na ni Damian ang lahat ng lakas niya sa pagpigil sa pinto para hindi iyon mabuksan ni Marco. Hindi siya pwedeng sumuko. Ngayon pa ba na nakikita na niyang malapit na siyang makatakas sa impyernong dinala nito sa buhay niya?
Matagal na nakipagpambuno si Damian hanggang sa maramdaman na niya na hindi na lumalaban si Marco sa loob para buksan ang pinto. Ngunit hindi pa rin niya iyon binitiwan sa takot na baka nililinlang lang siya nito.
Kulang na lang ay mapatalon sa saya si Damian nang makarinig siya ng sirena ng sasakyan ng pulis. Sa wakas ay dumating na ang mga ito. Maya maya ay may tatlong pulis na lumapit sa kaniya at pinalabas siya ng mga ito. Binuksan ng tatlo ang kaniyang apartment pero hindi nakita ng mga ito si Marco.