1: Umpisa

1.2K 46 19
                                    

• Book One •

GODDESSS OF LOVE

Abala ang buong kasambahayan sa lumang bahay ng mga Montecillo sa magaganap na selebrasyon ngayong araw. Bawat sulok ng tahanan ay tiniyak na malinis. Ni isang alikabok ay hindi mapupuna nino man. Sa may katamtaman na laki ng bakuran naman ay inihahanda na ang mga lamesa. Anim na bilog lamesa na may sapin na kulay puti na may bulaklak at kandila sa gitna.

"Malinis na ba 'yan, Pacing?" Ani Lolo Jose Montecillo na galing sa itaas. Suot nito'y puti na t-shirt at jogging pants. Sa edad niyang 86 ay matibay pa ang mga buto at kaya pang lumakad ng may kaunting bilis.

"Ah, oho." Tumango-tango ang may edad ding matanda habang pinupunasan ang porselanang plorera sa ibabaw ng lamesa.

Tumungo naman ang matanda sa kusina at tignan ang paghahanda. Lahat ng pagkain na dala ng catering ay inihahanda na doon.

"Lolo Jose!" Tawag ng isang batang paslit mula sa labas.

Lumakad si Jose palabas ng kusina at naabutan ang bukas na pintuan ng bahay habang pumapasok ang isang lalaki na may bitbit na bugkos ng bulaklak.

"Magandang hapon po. Para kay Sir Andres po."

Pinirmahan ni Jose ang papel saka tinanggap ang mga bulaklak. Halos mapuno na ng bulaklak at mga lobo ang kanilang salas. Lahat ng kaibigan, naging katrabaho, at mga brands na naging parte si Andres ay hindi siya nakalimutan sa espesyal na araw sa kanyang buhay.

"Hindi ko na alam kung saan ito ilalagay." Nasambit na lang ng matanda at tinawag ang isa pang kasambahay na siyang ilang taon lang ang tanda sa apo niya.

"I-puwesto mo na ito, Minerva." Utos nito na mabilis namang ginawa ng babae.

Sinilip ni Jose ang lumang relo na nasa dingding malapit sa hagdanan. Alas tres na ng hapon. Alas singko ang dating ng mga bisita kaya kailangan ay matapos ang paghahanda bago dumating ang mga ito.

Samantala, mahimbing naman ang tulog ni Andres sa kanyang kama. Tahimik ang buong kwarto dahil sarado ito at gamit ang air condition unit. Nakanganga pa't tulo laway si Andres habang nahihimbing. Umaga na nang maka-uwi si Andres kanina. Kasama ang mga kaibigan ay sinalubong nila ang kaarawan nito sa isang bar. Nagpakalango sila sa alak hanggang tuluyang sumilay si Haring Araw.

Lumabas si Jose sa bakuran upang makita ang pag-aayos doon. Lahat ng mga lamesa at upuan ay nakahanda na. Ang mahabang lamesa na kung saan pagpapatungan ng mga pagkain at cake ay nakapwesto na.

Sinilip niya ang maaliwalas na kalangitan at ngumiti. Masaya siya dahil naabot niya ang ganito kahabang buhay at masasaksihan pa niya ang pagtungtong ng apo sa ika-dalawampu't apat na gulang na buong buhay na siya'y kasama.

"Ningning!" Tawag niya sa batang dumaan sa kanyang gilid.

"Gisingin mo na ang Kuya AJ mo sabihin mo maghanda na." Sabi ng matanda at tumango-tango ang bata.

Tumakbo paakyat ang batang si Ningning. Nang matapat sa pinto ng kwarto ni Andres ay kumatok ito ng pagkarami-rami.

"Kuya AJ! Kuya AJ! Gising ka na daw sabi ni Lolo Jose!"

Naulingan si Andres sa paulit-ulit na pagkatok at ingay mula sa kanyang pinto kaya tinakpan niya ng unan ang ulo.

"Mamaya na!" Sagot nito na nakataklob ang mukha sa unan.

"Ngayon na daw, kuya! Kailangan ka na sa baba!"

Tumikom ang bibig ni Andres at tinanggal ang unan. Patuloy pa din ang pag-iingay ng bata kaya bumangon na ito.

One Great Love (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon