NABULAGA SI Aidelyn pagkauwi niya sa kanilang bahay. Nabungaran kasi niya ang isang tarpaulin na binabati siya ng kanyang pamilya. Kumpleto ang mga ito na sumalubong sa kanya kasama ang malalapit nilang kamag-anak.
"Congratulations Aidelyn!" halos sabay-sabay na sigaw na pagsalubong ng mga ito sa kanya.
Nagulumihanan na lumapit si Aidelyn. Pagkakaalam niya ay alam ng mga ito na bukas pa ang pa-party para sa kanya ni Martino sa pag-aaring Pavilion ng mga Cuerva.
"Ma? Ano to?"
"Naku anak, halika nga. Ginulat mo kami. Nakita namin kaninang umaga 'yung commercial mo kasama si Martino. Matagal na ba 'yon?Ba't di mo man lang sinabi sa amin?"
"Naku, Aidelyn. Sikat na sikat ka na. 'Yung mga pinsan mo, dadaan dito mamaya pagkagaling sa eskuwela para batiin ka." singit ng tiyahin niyang si Aling Carmen.
"'Yung pinsan mong si Ava, inggit na inggit sa 'yo. Naipareha ka na daw kay Martino samantalang sabay lang kayo noon kung umattend sa mga event n'ya. Pahingi daw ng pictures n'yo saka ipakilala mo daw s'ya kay Martino." sabad naman ng kanyang tiya Melba.
Parang nabantilawan na lang ang dalaga. Nalimutan n'yang sa araw na ito nga pala ang initial airing ng commercial na ginawa nila ni Martino. Sa kaabalahan niya ay nakalimutan n'ya iyon. Siya tuloy ang nagawang surpresahin ng kanyang pamilya.
"Ma, pasensya na. Gusto ko kayong surpresahin tungkol doon pero ako ang nasurpresa n'yo. Nakalimutan ko na ngayon nga pala ilalabas ang commercial ko kasama si Martino."
"Naku, wala 'yon. Natutuwa nga kami na nagkaroon ka rin ng pagkakataong makuha sa commercial na 'yon sa dinami-dami ba naman ng magagandang nag-a-audition. Pinabilib mo kami anak." ani Aling Lourdes.
"Ate, libre ka naman. Mukhang yayamanin ka ngayon a. Tapos bilhan mo ako ng laruan." lambing pa ng kanyang kapatid na si Macoy.
"Oo, naman. Hayaan mo't papa-order ako ngayon. Tapos bibilhan kita ng laruan sa sunod na araw pag di na ako gaanong busy. Nakakahiya at nag-abala pa talaga pati sina Tiya Melba at Tiya Carmen sa pagpunta dito."
"E, nabulabog ba naman kami ng makita namin ang mukha mo sa tv. Nagtalo pa kami ng tiyo Pablito mo na ikaw talaga 'yon. E di, tama nga ako. Naku Aidelyn, sisikat ka na niyan."
"Mahirap na pong umasa tiya. Pero malaking tulong po talaga 'yung trabahong 'yon para sa amin lalo pa at paalis na si papa sa katapusan."
"E, kailangan pa bang umalis ni Carlos ngayong artista ka na?" usisa pa ng Tiya Melba niya.
"Tiya naman, commercial lang po 'yon at hindi naman pelikula. Malabo po akong matanggap na artista. Saka isang beses lang naman 'yon at malabo ng masundan."
"Tamo nga naman ang pagkakataon, bukas ay birthday mo na din. Mukhang sunod-sunod ang swerte mo Aidelyn. Aba'y sa Pavilion daw ng mga Cuerva ang party mo at sila pa pala ang gagastos. Bigatin ka na talaga."
Napangiti na lang ang dalaga. Nahihiya tuloy siyang magkuwento pa tungkol sa bagay na iyon.
"Naku, gaganyak na naman kami ng tiyo Pablito at mga pinsan mo na suot 'yong mga damit na ginamit namin sa kasal ng pinsan mong si Arnulfo. Sabagay ay nakatago talaga 'yon sa Dura Box kaya hindi pa talaga ganun kaluma."
"Dumaan kaninang umaga ang tauhan ni Martino at kinuha ang mga pangalan ng pamilya pati mga kamag-anak natin. Request pala ni Martino na buong pamilya at angkan natin ang naroon bukas sa party para sa 'yo." sabad ni Mang Carlos.
Lalong napamaang si Aidelyn. Hindi siya makapaniwala sa narinig. Lalo pa tuloy siyang napahanga sa manliligaw.
"O, paano ba anak, magpapa-deliver na ako sa pinsan mo ng makakain. Iyon talaga ang sadya ng mga ito dito lalo na itong si Manolo." birong hirit ng kanyang ama.
BINABASA MO ANG
My Online Crazy Love
Любовные романы"I love what we heard from you, Ms De Ocampo, but I just can't go pass not asking you about one thing, have you been inloved?" Nagtawanan ang buong klase. Aidelyn was just couldn't respond. Hindi siya handa sa tanong na iyon ni Tristan. "Nagka-boyfr...