ONCE upon a time, sa isang kakaibang kaharian, sa isang hindi pangkaraniwang dimensyon na hindi na abot ng signal ng Love Radio at hindi naririnig ang "Hayaan Mo Sila" ng Ex Batallion, may tatlong mangkukulam na nangarap na makapangasawa ng mga prinsipe.
"Kailangan ba nating sundan 'yang si tanda?" sabi ng unang mangkukulam. Cordelia ang pangalan niya. Siya ay chubby, bulok ang mga ngipin dahil sa kakakain ng matamis, paminsan-minsan ay may body odor. Hinihingal siya sa paglalakad sa kakahuyan kasabay ang mga kaibigan niyang mangkukulam.
"Yes," sagot ni Cromuella, ang ikalawang mangkukulam. Siya naman ay matangkad at payat na payat na parang nagkasakit nang malubha at naubusan ni Cordelia ng pagkain. Matigas at tikwas tikwas ang kanyang buhok na parang alambre. "Nakita mo ba 'yong ginawa niya? Binigyan niya nang magandang suot iyong babaeng baliw na kumakaibigan ng ibon. Mukhang siya ang sagot para makapasok tayo sa palasyo at makapangasawa ng mayamang prinsipe."
Ang wika sa kaharian ng Cantata ay katulad ng wika sa ating bansa. Bukod doon, marunong din silang magsalita ng Ingles.
"Pakiramdam ko pinaganda din niya ang babaeng baliw. Kaya tingin ko mapapaganda niya tayo!" sabi ni Cordelia.
Hindi nila Nakita ang mukha ng babaeng tinatawag nilang baliw na sinusundan nila kanina dahil nakatalikod iyon sa kanila ng gamitan ng mahika ng babae. Bukod doon ay may kung anong suot iyon sa ulo na naging dahilan para matabingan ang mukha niyon.
"Puwede bang manahimik kayo? Baka marinig tayo ni tanda," saway naman sa kanila ng isa pang mangkukulam. Si Cassandra. Siya ang leader ng grupo. Sa tatlo, siya lang ang katamtaman ang katawan, pinaka-normal na hitsura. Siya din ang pinaka-masungit. "Malay ba natin kung malakas ang pakiramdam niyan."
"Pero tingin ko, isa siyang engkantada," sabi ni Cromuella. "Parang kailangan na nating sugurin siya ngayon dahil baka makawala pa siya."
Sumang-ayon ang dalawa pang mangkukulam. Dahil diyan ay nilakihan nila ang mga hakbang, palapit sa matandang engkantada na patalun-talon pa habang naglalakad. Ngiting-ngiti ang mga mangkukulam, banat na banat ang mga mukha kaya puputok na ang kanilang mga tighiyawat.
"Makikita ko na rin sa wakas ang boyfriend kong mortal," pagkausap ng matanda sa sarili, hindi pa alintana ang presensiya nila. "Magsesex na naman kami..." Humagigik ang matanda. Mukhang tuwang-tuwa. Bigla pang kumanta. "Andyan ka na naman, 'di ko maiwasang tumingin sa 'yong liwanag..."
Tumingin si Cordelia sa mga kasamahan. Malapit na malapit na sila sa matanda na hindi pa rin sila napapansin dahil siguro sa pag-isip sa minamahal. Itinaas ni Cassandra ang kamay. Nakakuyom ito, sabay taas ng isang daliri na parang nagbibilang. Itinaas ang ikalawang daliri. Pati ang ikatlo. Tapos ay tumango ito na parang nagsasabi na dapat na nilang sabay-sabay na sugurin ang matanda.
"Ngayon na," bigkas ni Cassandra ngunit walang tunog.
Lumabas sila mula sa gilid ng kakahuyan. Nakataas ang kamay nilang tatlo na parang mga aswang na maninila ng tao. Sumisigaw din sila.
Lumingon ang matanda at bago pa ito makapag-react, sinampal na ito nang malakas ni Cassandra.
"Ay, pekpek!" sigaw ng matanda. Iyon ang kadalasang ekspresyon ng mga babaeng nagugulat sa Cantata.
Bumagsak ang matanda sa lupa. Pero makakabangon siya sana agad kung hindi lang siya tinadyakan ni Cromuella sa dibdib. Napahiga na sa lupa ang matanda.
"Hawakan n'yo! Baka gamitan niya tayo ng mahika!" sigaw ni Cassandra
Sumunod sina Cordelia at Cromuella. Dumapa sila sa lupa. Humawak sa magkabilang braso ng matanda at idiniin iyon para hindi makabangon.
"Ano'ng ginagawa n'yo rito?" sabi ng matanda, palipat-lipat ang tingin sa kanila. "Mga mangkukulam kayo! Hindi kayo nararapat dito!"
Naglabas ng punyal si Cassandra. Lumuhod siya sa lupa para maglapit sila ng matanda. Itinutok niya ang punyal sa leeg ng matanda.
"Sino iyong babaeng binigyan mo ng magandang damit kanina?" tanong ni Cassandra. "Iyong binigyan mo pa ng karwahe gamit ang kalabasa."
"Iyong baliw. Iyong nakikipagkaibigan sa ibon," pagsabat ni Cordelia.
Hindi agad sumagot ang matanda. Pinakatitigan niya lang ang mga mangkukulam. "Ano'ng gagawin n'yo kay Cinderella?" May galit sa tinig ng matanda.
"Wala kaming gagawin doon sa Cinderella, tanga," sabi ni Cassandra. "Ang gusto namin, gawin mo rin sa 'min ang ginawa mo sa Cinderella na iyon."
Nagsalubong ang mga kilay ng matanda na parang hindi nito naintindihan si Cassandra.
"Bigyan mo kami ng isusuot. Bigyan mo kami ng karwahe. Pagandahin mo kami," sabi ni Cassandra. "Pagandahin mo kaming tatlo para hindi mahalata ng lahat na mangkukulam kami. Kailangan naming makapasok sa palasyo at kailangan naming makasali sa Pitong Gabi ng Pagpili. Kailangang makapangasawa kami ng prinsipe."
Dito nagsimula ang ating kuwento. Kung paanong si Fairy Godmother ang naging susi para mapasok ng tatlong mangkukulam ang palasyo.

BINABASA MO ANG
Once Upon A Time: Cordelia (COMPLETE, R18)
RomanceTatlong mangkukulam... sina Cordelia, Cromuella at Cassandra ang nangangarap makapangasawa ng prinsipe. Binlackmail nila si Fairy Godmother na pagandahin sila, para makadalo sa piging ng hari at makapang-akit ng prinsipe. Mangyari naman kaya? Kung h...