WALANG nagagawa si Kael nang mga panahong bukod sa umiyak. Hindi niya nagagawa nang maayos ang trabaho niya kaya madalas ay napapagalitan siya ng prinsipe.
Si Haring Seleo lang ang madalas na sumasaway din sa anak nito. "Nagluluksa siya, anak," sabi nito. "Alam mo naman ang nangyari, 'di ba? Intindihin mo naman si Kael."
Kapag ganoon ay nagdadabog ang prinsipe. Pero hindi na lang niya ito pinapansin.
Madalas, ayaw nang umuwi ni Kael. Alam naman niya kung ano ang aabutan niya. Ang mama niya na titig na titig sa kandilang natutunaw sa harap ng litrato ni Maru, ang ama niyang naglalasing, sumusuka sa sahig, doon na rin nahihiga. Kung tao ang kalungkutan, inaabangan din niyon ang pag-uwi niya, yayakapin siya nang mahigpit bago matulog.
Kaya madalas ay tumatambay muna siya sa balkonahe ng palasyo, tumatanaw sa mga bituin. Napupuno ng mga tanong ang isip niya. Nakakatanaw pa kaya ng mga bituin si Maru? Pareho kaya sila ng bituin na natatanaw?
Bumuntong-hininga si Kael. Mayamaya ay naramdaman niyang may tumabi sa kanya.
Si Anton. Alanganing nakangiti ito sa kanya, may dalang tasa ng tsokolate.
"Maraming gatas 'yan," sabi ni Anton. "Baka mapakalma ang damdamin mo."
Pilit na ngumiti si Kael bago tanggapin ang tasa. "Salamat," sabi niya. Saka muling tumanaw sa mga bituin.
"Hindi ka pa uuwi?" tanong ni Anton.
Humigop ng tsokolate si Kael. Ilang segundo din ang lumipas bago siya sumagot. "Ayoko munang umuwi."
"Ikinalulungkot ko lahat ng nangyari," sabi ni Anton.
Tumango si Kael. "Salamat."
"Kael..." sabi ni Anton. Naramdaman niyang hinawakan nito ang isang kamay niya. Pero para itong napaso na bumitaw din. "Kael... handa akong makinig."
Hindi agad nakasagot si Kael. Hindi siya agad nakapagsalita, kahit tila nag-uunahan ang mga salitang lumabas mula sa bibig niya. Nanlalabo na sa paningin niya ang makikinang na bituin, pinalalabo ng mga luha.
Inilapag ni Kael ang tasa sa balkonahe. Pinunasan ang mga luhang dumaloy sa pisngi at hinayaang makawala ang mga salita.
"Alam kong kasalanan ko eh," sabi ni Kael. "Alam ko na kasalanan ko kung bakit 'to nangyari. Pero bakit gano'n? Bakit naman hindi na nila ako itinuturing na anak?"
Kasunod niyon ay ang sunod-sunod na pagbuhos ni Kael ng sama ng loob niya. Nakinig naman si Anton, hinimas ang likod niya. Hindi niya napigilan ang bugso ng damdamin, yumakap siya kay Anton na parang bata. Natigilan man ito saglit ay yumakap din ito sa kanya. Mahigpit, sumusuporta.
Sumubsob siya sa dibdib nito at doon siya umiyak nang umiyak.
HINDI na makakauwi si Kael. Kasabay ng pagbuhos ng emosyon ay ang pagtakas ng lakas niya. Nanlalambot ang kanyang mga tuhod. Namimigat ang kanyang mga matang pagod sa pagluha.
Nag-alok si Anton na matulog na lang siya sa silid nito.
Bagsak siya sa kama nito. Titig na titig lang siya sa kisame habang si Anton ay nagtungo sa banyo. Nang lumabas si Anton ay napakabango nito, amoy mga bulaklak. Umupo ito sa kama, sa tabi niya. Lumundo iyon.
Napapikit si Kael, dahil lalo pa niyang naamoy si Anton. Napapakalma niyon ang puso niya.
"Magiging maayos din ang lahat," sabi ni Anton.
Humiga na si Anton sa kama. Umusog palapit sa kanya, ipinulupot ang bisig nito sa katawan niya.
Nahuhulaan ni Kael ang gustong mangyari ni Anton. May ilang sandal ding inisip niyang gumawa ng hakbang, pagbigyan ang kagustuhan ng kusinerong alam niyang may pagtingin sa kanya. Isang beses lang naman. Puwede naman. Hindi naman niya sinubukan, baka iyon ang kailangan niya para mabawasan ang sakit. Naisip niya iyon lahat.
Minsan pala, gagawin ng tao ang lahat para lang makalimot.
Pero hindi kaya ni Kael. Kaya ang ginawa lang niya, niyakap din niya si Anton. Sapat na iyon sa kanya. Sapat na iyon para sa kanilang dalawa.
Wala nang nagsalita kasi wala na naming kailangang sabihin. Walang mga salita ang makakapagpabalik ng dati, walang salita ang aayos ng lahat.
Kael wanted connection. He wanted comfort. He found it on Anton. He slept on his arms.
Kinabukasan, hindi nila iyon pinag-usapan. Hindi na rin iyon naulit. Naisip kasi ni Kael, kailangan niyang manatiling malamig.
He didn't deserve some comfort. It was his fault Maru was gone. This gloominess was a punishment. He needed to pay the price.
BINABASA MO ANG
Once Upon A Time: Cordelia (COMPLETE, R18)
RomanceTatlong mangkukulam... sina Cordelia, Cromuella at Cassandra ang nangangarap makapangasawa ng prinsipe. Binlackmail nila si Fairy Godmother na pagandahin sila, para makadalo sa piging ng hari at makapang-akit ng prinsipe. Mangyari naman kaya? Kung h...