Hindi Pa Tapos ang Laban

1.2K 33 2
                                    

NAGLALAKAD sina Cordelia, Kael, Saul at Cassandra sa patay na kakahuyan. Hila-hila ni Kael ang kabayong itinakas nito sa palasyo at ang hila-hila ni Saul ang itim na kabayo nito.

Bahagyang nauuna sina Cassandra at Saul at nahuhuli silang dalawa.

"Mahihirapang pumasok ang isang lalaking hindi mangkukulam sa kaharian natin," sabi ni Cassandra. "Kailangan niyong maghanda, Kael. Haharap siya sa mga pagsubok"

Nakaramdam ng pag-aalala si Cordelia. Pero mukhang hindi naman apektado si Kael. Tumango lang ito at walang sinabi, nanatili sa paghawak ng kamay niya.

"Sigurado ka pa ba dito?" tanong ni Cordelia. Alam ni Cordelia ang mga pagsubok na pagdadaanan ni Kael bago makapasok sa kaharian nila. Natatakot siya para dito at sa relasyon na namumuo sa kanila.

Pinisil ni Kael ang kamay niya. "'Wag kang matakot, sigurado ako," sabi nito. "Mas kakayanin ko 'to kaysa mahiwalay sa 'yo."

Tumango si Cordelia, ngumiti. "Mahal kita."

"Mahal din kita," sagot ni Kael.

Natahimik silang dalawa. Tumingin si Cordelia kay Saul na naglalakad sa tabi ni Cassandra. Misteryoso pa rin sa kanya ang lalaki. At para bang hindi ito takot bumalik sa kaharian nila, kahit naging biktima ito ng ritwal nila. Para bang... para bang gustong-gusto nitong bumalik.

Nakita ni Cordelia na sumulyap si Cassandra kay Saul. Mabilis lang, pero nakitaan niya ng pagmamahal ang mga mata ni Cassandra. At kalungkutan.

Isa iyong misteryo sa kanya. Inisip niya kung ano ba ang namamagitan sa dalawa. Inisip niya nang inisip hanggang sa kunin ni Kael ang atensyon niya.

"Cordelia..."

"Ano?"

"Gusto ko lang malaman..."

"Ang ano?"

"Ang ritwal n'yo... ano'ng... ano'ng ginagawa ng mga pinuno n'yo sa mga kabataang dinadakip n'yo?"

Hindi agad nakasagot si Cordelia. Tumingin siya sa nobyo.

"Pero..." nasabi niya. Hindi niya man alam ang lahat ng ginagawa ng mga pinuno nila sa mga batang kinukuha ng mga iyon ay may alam pa rin siyang maaring makapagpabaliktad ng sikmura nito. Hindi niya alam kung kakayanin nitong malaman ang ilang mga bagay na tingin niya ay ginawa kay Maru.

"Gusto kong malaman lahat ng alam mong detalye, Cordelia. Gusto kong malaman kung ano talagang klaseng nilalang ang mga kakaharapin natin."

Pinakatitigan niya si Kael. Bumuntong-hininga. Tingin niya ay mas makabubuti ng sabihin niya rito lahat ng nalalaman niya.

Umawang ang bibig at nagsimulang magkuwento.

WAKAS NG UNANG AKLAT

Once Upon A Time: Cordelia (COMPLETE, R18)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon