Ang Prinsesang Bruha

822 26 0
                                    


HALOS mabingi si Cordelia sa palakpakan ng mga tao sa harap niya. Lahat ng iyon ay tutok ang mga mata sa kanya. Ang ilang babae ay nakatitig sa kanya na may inggit, ang ilan ay mukhang masaya para sa kanya.

Dahil sino ba ang ayaw makakita ng babaeng nagpaibig ng prinsipe?

Inilibot niya ang paningin sa paligid. Ilang minuto na lang, magbabago na ang anyo niya sa harap mismo ng mga taong iyon.

Tumabi sa kanya ang prinsipe. Lalong lumakas ang hiyawan. At may inilakas pa iyon nang hawakan ng prinsipe ang kamay niya.

Tumitig sa kanya ang prinsipe. "Ngumiti ka naman," sabi nito.

Hindi niya ito pinansin. Muli siyang tumingin sa mga tao. Sige pa rin ang pagpapalakpakan at tilian ng mga iyon. Itinaas ng prinsipe ang isang kamay nito at doon naman unti-unting humina ang ingay, hanggang sa tuluyang tumahimik sa buong paligid.

"Ngayon ay bibigyan natin ng tsansang magsalita ang aking prinsesa."

Prinsesa. Kapag naririnig niya ang salitang iyon, naiisip niya ang isang babaeng kimi ang kilos. Kapag tumatawa ay laging tinatakpan ang bibig. Mapang-akit ang mga mata, dahil ang kahalayan ay hindi kayang isatinig. Maputi ang kutis, makinis. Balingkinitan ang katawan kaya madaling maikukulong ng isang prinsipe sa mga bisig nito.

Naalala niya iyong mga panahong nangarap siyang maging prinsesa. Ngayon niya na-realize...

"Hindi ako isang prinsesa," sabi niya.

Mukhang nabigla ang lahat sa sinabi niya. Nagbulungan ang mga iyon. Ang prinsipe ay bahagyang hinigpitan ang paghawak sa kamay niya.

Naramdaman ni Cordelia na nag-iinit na ang buong katawan niya. Nagsisimula nang mawalan ng bisa ang tabletas...

"At kahit kailan, ay hindi ako magiging prinsesa," sabi ko pa. "Pinangarap ko. Kasi sino namang babae ang ayaw na maging prinsesa? Kaso, hindi talaga siguro itinadhanang maging prinsesa ako. Tinanggap ko na iyon. Walang karapatan ang isang katulad ko na maging prinsesa."

Nararamdaman kong unti-unting tumitibok ang balat ko sa ilalim ng suot ko.

"Isa na lang ang gusto ko: maging mabuti. Hindi ko na kailangang maging maganda. Hindi ko na kailangang makapangasawa ng prinsipe--"

"Ano ba'ng sinasabi mo," pabulong na sabi sa kanya ng prinsipe. "Tumigil ka na, 'wag mo naman kaming ipahiya dito."

"Hindi ko na kailangang tumira sa isang palasyo. O kahit ituring na espesyal ng isang lalaki. Kailangan kong maging mabuti. Kailangang maitama ko lahat ng pagkakamali na nagawa ko. Kailangang kahit paano, makabawi din ako mula sa mga pagkakamali na ginawa ng mga kalahi ko."

Lumakas ang bulungan. Ramdam ni Cordelia na tumitibok na rin ang kanyang mukha. Mukhang napansin iyon ng isang babae na nasa harap dahil napasigaw ito habang nakaturo sa kanya.

Mukhang napansin na rin iyon ng prinsipe dahil bumitaw iyon sa kanya.

"Ano'ng nangyayari?" narinig niyang sabi ni Haring Seleo. Umalis ito sa trono nito dahil kumapit ito sa braso niya at pinihit siya paharap dito. Halatang nabigla din ito sa nakita.

Nang humaba ang ilong ni Cordelia ay napasinghap ang lahat. Ang hari at prinsipe ay napaatras. Tumayo lang si Cordelia doon, hindi natinag. Nagsimulang tumubo ang kanyang mga butlig sa mukha, at nagsimulang bumilog ang kanyang katawan. Ang kanyang magandang buhok ay pumangit din, naging sala-salabit.

"Isa siyang..." narinig ni Cordelia na sabi ng isang babae sa di kalayuan.

"Mangkukulam!" dugtong ng isa pa.

Ang ilan sa mga bisita ay napaatras. Ang ilan ay parang natakot at gustong lumabas, nagmamadaling nagtungo sa direksyon ng pinto. Ang ilan ay sumigaw, nakaramdam ng galit. Muling umingay ang bulwagan ng palasyo.

"Hindi po ako ang dapat pakasalan ng prinsipe," sabi ni Cordelia. Idinipa niya ang kanyang mga kamay. "Dahil ako ay isang mangkukulam!"

May narinig siyang mga sigaw na puno ng galit. Parang hindi naman alam ng hari ang gagawin. Ganoon din ang prinsipe. Kaya nagtuloy si Cordelia sa pagsasalita.

"Isa lang ang masisiguro ko sa inyo... mabuting tao si Kael kaya dapat siyang pakawalan. Ako ang nanloko sa kanya at pinagsisisihan ko iyon. Kung sinaktan man niya ang prinsipe, siguro ay dahil iyon sa panlilinlang ko sa kanya. Nagustuhan niya ako dahil sa pisikal kong anyo, nabulag siya ng nakikita niya. Ako ang may kasalanan kaya dapat siyang makawala," sabi ni Cordelia.

Lalong lumakas ang sigawan.

"Umaasa ako na maiisip n'yong wala naman akong ginawa para guluhin ang inyong kaharian. Tulad n'yo lang din akong nangarap--"

"Putang ina mo! Mamatay ka na!" narinig niyang sigaw.

"Nangarap na maging prinsesa. Kaya ngayong alam ko ng hindi iyon mangyayari, gusto kong itama ang lahat. Tatanggapin ko ano man ang parusang ipataw n'yo sa 'kin."

Sa sinabi ni Cordelia ay humina ang bulungan at sigawan.

"Totoo ako sa aking sinabi. Tatanggapin ko ang kaparusahan na puwede n'yong ibigay sa 'kin. Tatanggapin ko..."

Natahimik ang mga tao. Muli niyang iginala ang paningin niya sa paligid. Ngayon ay nanlalabo na ang mga mata niya. Umiiyak na siya.

"Pero sana 'wag naman kamatayan," sabi niya. "Maniwala kayo, ang kasalanan ko lang ay nangarap ako. 'Wag sanang kamatayan. Tutulungan ko kayo na labanan ang mga mangkukulam. Na matigil ang pandadakip nila ng mga bata... Tutulungan ko kayo kahit nakakulong ako. Maniwala kayo sa 'kin."

Wala pa ding nagsalita. Nagbulungan na ang ilan habang nakatingin sa kanya.

"Maniwala kayo sa 'kin," sabi niya sa paos niyang tinig.

Muling dumaan ang ilang segundong katahimikan. Akala niya ay naawa na ang mga ito sa kanya. Kung hindi lang...

"Patayin!" biglang sigaw ni Haring Seleo. "Patayin ang mangkukulam!"

Doon parang nabuhusan ng gasolina ang nag-aalab na emosyon ng mga nasasakupan ng hari. Napatango ang ilan sa mga iyon at itinaas pa ang nakakuyom na mga kamao.

"Patayin!" sigaw ng mga iyon.

Ang ilan sa mga nabigla ay sumali rin sa sigawan.

"Patayin!" sabay-sabay na sigaw ng lahat nagmimistula na iyong buong tinig ng higante.

Once Upon A Time: Cordelia (COMPLETE, R18)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon