TUNOG ng trumpeta ang gumising kay Cordelia kinaumagahan. Napabalikwas siya ng bangon sa kama. Wala na si Kael sa tabi niya.
Nagpatuloy sa pagtunog ang mga trumpeta. Isa lang ang ibig sabihin niyon. May mahalagang sasabihin ang hari, ang prinsipe, o ang reyna. At kapag ganoon, alam niyang dapat na naroon lahat ng mga trabahador ng palasyo.
Uminom muna siya ng tabletas para magpalit ng anyo, bago lumabas ng silid ni Kael. Inaayos niya ang kanyang buhok habang nagmamadaling nagtungo sa bulwagan ng palasyo. Habang naglalakad ay iniisip niya si Kael, kung paanong niyakap siya nito magdamag. Kung paanong hindi siya nito pinakawalan. Kilig na kilig si Cordelia sa iniisip niya na muntik na siyang mahulog sa hagdan.
"Ingat," sabi sa kanya ni Anton na naroon pala at muntik na niyang mabagsakan. Pababa na din ito ng hagdan. "Wala ka ata sa sarili habang naglalakad."
Tumabi siya rito. "Ano'ng nangyayari? Ano ang gustong sabihin ng hari?"
"Hindi natin alam," sabi nito. Parang hindi interesado si Anton sa sasabihin ng hari. Titig na titig lang ito sa kanya, seryoso ang hitsura. "May nakapagsabi sa 'kin na nakita raw kayo ni Kael na sabay na pumasok sa silid niya... sa silid ka niya natulog, ano?" sabi nito.
Naramdaman ni Cordelia na may kalangkap na inis ang tinig ni Anton. Naulinigan din niya na may kahalo iyong lungkot. Hindi kaya may gusto si Anton kay Kael?
Hindi na lang siya sumagot sa tanong nito. Pumila siya kasama ng iba pang trabahador na may kanya-kanyang usapan. Ang mga mata niya ay hinahanap si Kael. Nakita niya ito, sa tabi ni Prince Charming na nakaupo sa trono. Mukhang may hinahanap din ang mga mata ni Kael, dahil pumapaling pakanan at pakaliwa ang ulo nito. Nang magtama ang mga mata nila ay huminto sa paggalaw ang ulo nito. At pinakatitigan siya nito.
"Nagtititigan na kayo," sabi ni Anton, sa tabi niya. Based on his tone, it was clear that he was hurt. "Ano'ng... ano'ng ginawa n'yo?" Nagkaroon ng takot sa tinig ni Anton.
"Wala," sabi ni Cordelia. Hindi niya alam ang sasabihin sa tagong binabae na tingin niya ay may gusto kay Kael.
Si Kael... Ang mga mata niya ay nanatiling nakahinang sa mga mata ni Kael. Hindi rin naman ito nagbabawi ng tingin sa kanya.
"Bakit gano'n?" sabi ni Anton, may lungkot sa tinig. "Bakit magagandang babae lang ang minamahal ng mga lalaki?"
Napatingin siya kay Anton. Mukhang hindi nito inaasahang nasabi nito ng malakas ang iniisip nito. Halatang nagulat din ito. Umawang ang bibig nito, balak sigurong bawiin ang sinabi ngunit hindi nito iyon nagawa dahil muling tumunog ang mga trumpeta.
Napatingin si Cordelia sa harap ng bulwagan. Nakatayo ang hari, nakataas ang kamay na para bang pinapatahimik lahat ng mga trabahador. Nanahimik naman ang lahat ng iyon.
"Magandang umaga sa inyo," bati ng hari.
Si Haring Seleo ay sumikat dahil sa paggamit niya ng kamay na bakal para magpatupad ng batas. Sa magkakapatid na prinsipe, siya ang piniling maging hari dahil wala siyang takot at walang inuurungan. Wala si Haring Seleo noong ginaganap ang Pitong Gabi ng Pagpili dahil madalas siyang dumalaw sa iba't-ibang kaharian.
"Nagpapasalamat ako nang marami at nairaos nang maayos ang Pitong Gabi ng Pagpili kahit wala ako sa kaharian," sabi ni Haring Seleo. "Puro mga positibong bagay ang narinig ko mula sa mga prinsipe ng ibang kaharian. Lahat sila ay nakahanap sa ating lugar ng mapapangasawang babae o binabae."
"Ngunit ang aking anak ay tinakasan ng napili niyang babae," sabi ni Haring Seleo, tumitig kay Prince Charming na nakaupo pa rin sa trono nito, malungkot ang mga malalabong mata. Si Cordelia ay hindi napipigilang mapasulyap kay Kael na nasa tabi ng prinsipe. At pinipigilan niyang mapangiti kapag nakikita niyang tumitingin din ito sa kanya.
"Ipinahanap niya ang babae sa ilang kawal, pero nabigo ang mga iyon. Kaya nagdesisyon siya na siya na mismo ang maghanap ng babaeng nakasayaw niya," sabi pa ni Haring Seleo. "At kailangan niya ng tulong ng kahit isa lang sa inyo. Samahan n'yo silang dalawa ni Kael na hanapin ang babaeng nagmamay-ari ng sapatos na ito."
Mula sa maliit na mesa sa tabi ng trono nito ay dinampot nito ang isang kristal na sapatos na nakapatong sa isang pulang unan. Itinaas ng hari ang sapatos at tinamaan iyon ng liwanag.
"Alam naman natin na malabo ang mata ng ating prinsipe. Kaya kailangan niya ng gabay ninyo sa paghahanap niya sa babae," sabi ng hari. "May nakapagsabi sa 'kin na isa sa inyo ang dumalo sa Pitong Gabi ng Pagpili bago siya kuhanin ni Kael na maging trabahador dito. Narito ba ang tinutukoy ko?"
Naalerto si Cordelia. Naalerto din si Kael na nakikipagtitigan na naman sa kanya. Napatingin ito sa hari na para bang hindi inaasahan ang sinabi niyon.
"Sino rito iyon? Sino rito ang babaeng naging kalahok sa gabi ng pagpili?"
Nagbulungan na ang lahat, habang nakatingin sa kanya. Unti-unti na ring lumayo ang mga iyon sa kanya, para siguro makita siya ng hari. Parang kurtinang nahawi ang mga tao at naiwan siya sa gitna. Nakita siya ng hari dahil wala ng mga trabahador na nakapaligid sa kanya. Natahimik muli ang lahat.
Tumitig sa kanya ang hari. "Ikaw ba 'yon?" tanong nito.
Lumunok si Cordelia. "Opo, mahal na hari."
"Aba napakaganda mo pala," sabi ng hari, ngumisi. Kilala na ito pagdating sa mga ganoong komento nito sa mga babae. Hindi na nga nabigla si Reyna Jinda, ang asawa nito, na nakaupo sa trono sa tabi ni Prince Charming.
"Lumapit ka nga rito." Sumenyas pa ang hari sa kanya.
Tumingin si Cordelia kay Kael. Nakita niyang wala itong alam at hindi nito nagugustuhan ang nangyayari. "Sige po."
Naglakad na si Cordelia palapit sa hari. Titig na titig iyon sa kanya, may ngiti sa mga labi. Nang makalapit siya rito ay humawak ito sa balikat niya. Pagkatapos ay humaba ang nguso nito habang tumataas-baba ang mga kilay. Nanghihingi ito ng halik. May ilang pagkakataon na hinahagkan nito ang mga babaeng nasasakupan nito sa kaharian.
"May singaw po ako na nagnanaknak," sabi ni Cordelia, dahil ayaw naman niyang hagkan ang hari.
Para namang nandiri bigla si Haring Seleo, napaatras ito. Tumikhim at hindi na ipinilit ang gusto.
"Maari mo bang tulungan ang anak ko na hanapin ang babaeng kanyang itinatangi?" tanong nito.
Alam ni Cordelia na hindi naman niya puwedeng tumanggi. Kaya pilit na lang siyang ngumiti at tumango. "Opo," sagot niya.
"Mabuti kung ganoon," sabi ng hari, tumang-tango din. Tinapik-tapik muna ang balikat niya, bago bumaling sa anak nito. "Isang linggo, anak. Isang linggo. Tandaan mo 'yan."
Para namang nagkaroon ng takot sa mga mata ni Prince Charming. Pero wala din itong nagawa kung hindi tumango.
Bumaling ang hari sa mga trabahador. "Iyon lamang at inuulit ko, maraming salamat at dahil sa inyo, naging matagumpay ang Pitong Gabi ng Pagpili!"
Nagpalakpakan ang lahat. Hindi siya nakapalakpak, dahil lumapit sa kanya si Prince Charming. Hinawakan nito ang kamay niya. Sa mga labi nito ay may isang umaasang ngiti. "Tutulungan mo akong mahanap ang babaeng iyon, 'di ba?"
Napakurap si Cordelia. Tapos ay tumango. Lalo pang lumawak ang ngiti ng prinsipe. Mukhang natuwa talaga ito dahil hinagkan nito ang kamay niya. Sa pagyuko nito para hagkan ang kamay niya ay nakita niya si Kael. Nakatitig ito sa kanilang dalawa. At mukhang hindi nito gusto ang nakikita.
![](https://img.wattpad.com/cover/169496561-288-k957040.jpg)
BINABASA MO ANG
Once Upon A Time: Cordelia (COMPLETE, R18)
RomanceTatlong mangkukulam... sina Cordelia, Cromuella at Cassandra ang nangangarap makapangasawa ng prinsipe. Binlackmail nila si Fairy Godmother na pagandahin sila, para makadalo sa piging ng hari at makapang-akit ng prinsipe. Mangyari naman kaya? Kung h...