RECAP: NALAMAN NA NI CORDELIA LAHAT NG MASAMANG GINAWA KAY KAEL NG MGA KALAHI NIYA
"ILANG taon din naman, namatay na si Maru," pagtatapos ng prinsipe sa kuwento nito tungkol kay Kael. "Pero kahit paano ay maluwag na iyong natanggap ng mga magulang ni Kael. Sabay nga lang silang pumanaw ilang buwan matapos mailibing ni Maru."
Hindi makapaniwala si Cordelia sa narinig niya. Sa totoo lang ay nanghihina siya at nananakit ang mukha niya sa pagpipigil na umiyak. Tumingin siya sa bilog na buwan at doon hindi na niya mapigilang dumaloy ang mga luha sa mga mata niya.
"Malaki ang galit niya sa mga mangkukulam dahil sa nangyaring iyon," sabi ng prinsipe. "Tingin ko ay hindi mo naman siya masisisi."
Hindi na lang sumagot si Cordelia. Nagpaalam na lang siya. Aangal sana ang prinsipe pero hindi niya hinayaaan na mapigilan pa siya nito. Naglakad siya patungo sa kuwarto niya, nanghihina ang mga paa. Nasa pasilyo na siya ng silid niya nang makasalubong niya si Kael.
Salubong ang kilay nito at halatang hindi ito natutuwa. "Kasama mo na naman ba ang prinsipe?" tanong nito. "'Di ba sinabi ko sa 'yo..."
Hindi na kinaya ni Cordelia ang emosyon niya. Lumapit siya sa lalaki, hinaplos ang magkabilang pisngi nito at hinayaang pumatak ang mga luha niya.
Ang inis sa mga mata nito ay napalitan ng pag-aalala.
"Ano'ng nangyari?" sabi nito. "Bakit ka umiiyak?"
Umiling si Cordelia, hindi siya makasagot.
Biglang dumilim ang mukha ni Kael. "May masama bang ginawa sa 'yo ang prinsipe?"
Sa narinig na iyon ay natigilan si Cordelia. At lalo pang napaiyak.
"Bakit ganyan ka?" sabi niya. "Bakit ang bait mo?"
"Ano?" sabi ni Kael na halatang nalilito.
"May karapatan kang magalit sa 'kin. May karapatan kang magalit sa 'kin dahil sa lahat ng idinulot ng mga kalahi ko sa 'yo."
Napaatras si Kael. Mukhang narealize na nito na alam na niya ang pinag-ugatan ng galit nito sa mga mangkukulam.
"Bakit hindi mo ko saktan? Bakit hindi mo na lang sabihin sa hari na isa akong mangkukulam--"
Mabilis siyang hinila ni Kael patungo sa silid niya. Hinila siya nito papasok at isinara ang pinto. Pagkatapos ay pinakatitigan siya nito uli.
Suminghot si Cordelia. "Sabihin mo na lang sa kanila na mangkukulam ako. Manloloko ako, mapagkunwari. Pangit talaga ako, hindi ako maganda. Karapat-dapat lang akong patayin. Batuhin. Sabihin mo na lang iyon sa kanila--"
"Hindi ka naman katulad nila, 'di ba?" sabi ni Kael, ang boses ay maliit, parang sa isang bata. Nanginginig ng bahagya ang mga labi at dumadaloy ang luha sa mga mata.
Hindi nakapagsalita si Cordelia.
"Hindi ka naman katulad nila," sabi ni Kael. "Niloko mo ako, pero... pero hindi mo magagawa ang mga ginawa ni Jovita. Hindi mo... hindi mo 'yon gagawin." Umiling-iling si Kael, tapos ay kumapit sa balikat niya. Niyugyog siya nito na para bang pinipilit siya. "Sabihin mo sa 'kin na iba ka sa kanila. Sabihin mo sa 'kin na hindi ka katulad nila..."
Walang masabi si Cordelia.
"Kailangan mong sabihin 'yon sa 'kin, Cordelia. Kailangan sabihin mo sa 'kin na iba ka..." sabi pa ni Kael.
"B-bakit?" sabi niya sa nanginginig niyang tinig.
"Kasi..." Pumikit si Kael, lalo pang dumaloy ang mga luha sa pisngi niya. Dumilat uli at tutok na tutok ang mga mata sa kanya. "Kasi alam ko na sa sarili ko na nagugustuhan na kita..."
Hindi nakapagsalita si Cordelia. Napaatras lang siya, napalunok. Lalo pang nag-init ang kanyang mga mata, ang puso niya ay bumilis ang tibok.
"Kael..."
"Nagugustuhan na kita," ulit pa ni Kael. "Alam ko na hindi na ako natuto. Pero nangyari na naman, eh. Nahulog na naman ang loob ko sa isang mangkukulam. Hindi ko alam kung bakit. Pero kahit niloko mo ako, kahit pilitin kong magalit, mas lamang iyong nararamdaman kong to sa 'yo..."
Suminghot si Kael. "Mahal ko kahit ang totoong anyo mo. Nabulagan na naman ang puso ko. At hindi ko na naman mapigilan. Sinubukan kong itago, sinubukan kong maging masama sa 'yo para lumabas ang totoong kulay mo, para makita kong masama ka... pero hindi iyon nangyari kaya nahuhulog ako. Nahuhulog ako ulit. Nahuhulog ako sa isang mangkukulam na puwedeng saktan na naman ako..."
Nagtuloy-tuloy ang pagpatak ng mga luha ni Kael. Parang pinisil ang puso niya. Napakabuting lalaki ni Kael. Paano ito nagawang saktan ni Jovita? Paanong nagawang sirain ng mga tulad niya ang lalaking ganito kabuti?
"Kaya Cordelia, importanteng sabihin mo sa 'kin na hindi ka katulad nila... Importanteng sabihin mo sa 'kin mabuti ka. Na hindi ka katulad ni Jovita..."
Hindi nakapagsalita si Cordelia. Dahil sa totoo lang ay hindi niya alam kung magkaiba nga ba sila ni Jovita. Isa siyang mangkukulam: hindi kaya likas siyang masama?
Hindi ba at binugbog nila si Fairy Godmother, pinagbantaan na ikakalat ang sekreto kapag hindi ginawa ang gusto nila? Hindi ba at binalak niyang akitin ang prinsipe at ilang ulit niyang ininsulto si Kael sa pagiging katiwala ng hari?
Hindi ba at alam niya ang mga nangyayari sa palasyo nila, kung ano ang ginagawa sa mga bihag mula sa ibang kaharian, pero wala siyang ginawa?
Kaya ano ang pinagkaiba niya?
"Cordelia?" sabi ni Kael, luhaan.
"Puwede ba kitang halikan, Kael?" sabi ni Cordelia. "Dahil... gusto din kita."
Ilang sandaling walang sinabi si Kael bago tumango. At ito na ang gumalaw, ito na mismo ang sumakop sa mga labi niya. Kumapit siya sa batok nito at pumikit, ninamnam bawat galaw ng mga labi nito sa ibabaw ng labi niya. Pilit niyang inilagay sa isip niya bawat detalye, para hindi niya makalimutan.
Gusto niya si Kael. Pero tingin niya ay hindi siya karapat-dapat para dito.
Dahil wala siyang pinagkaiba sa mga mangkukulam.
NOTE: MATATAPOS NA PO ANG BOOK 1. ANG BOOK 2 PO AY SA BOOKLAT KO IPOPOST. :)
BINABASA MO ANG
Once Upon A Time: Cordelia (COMPLETE, R18)
RomanceTatlong mangkukulam... sina Cordelia, Cromuella at Cassandra ang nangangarap makapangasawa ng prinsipe. Binlackmail nila si Fairy Godmother na pagandahin sila, para makadalo sa piging ng hari at makapang-akit ng prinsipe. Mangyari naman kaya? Kung h...