Si Anton, ang Baklang Kusinerong Umiibig kay Kael

901 33 0
                                    


"PAUWI ka na ba Kael?"

Napahinto sa paglalakad si Kael pababa ng hagdan ng palasyo nang marinig ang tinig ng kusinerong si Anton.

Nilingon niya ang lalaki. Nasa may malaking pinto ito ng palasyo, may hawak na dalawang tasa na may lamang umuusok na likido. Tsokolate, base sa naamoy ni Kael.

"Oo, eh," sabi niya, nginitian si Anton. Mabait ito sa kanya ay palagi siyang binibigyan ng pagkain mula sa niluluto nito. Napakasarap nitong magluto. "May kailangan kasi akong gawin sa bahay."

Hindi niya pa kasi nababasa ang kuwentong romansa na isinulat ni Jovita para sa kanya. Hindi kasi siya talaga masyadong mahilig magbasa ng mga kuwento. Pero ngayong gabi ay balak na niyang basahin iyon para masabi niya rito ang opinion niya sa susunod nilang pagkikita.

"Sige, ingat," sabi ni Anton, nagkaroon ng lungkot sa mga mata.

Nakaramdam siya ng awa para kay Anton. Nahulaan kasi niya na... "Para sa 'kin ba 'yang itinimpla mong tsokolate?"

Alanganing tumango si Anton. Ngumiti siya, naglakad palapit sa kusinero. "Inumin nga muna natin 'yan."

Agad na ngumiti nang malawak si Kael. Tinanggap niya mula kay Anton ang tsokolate. Umupo sila ng magkatabi sa hagdan, kipkip ang mga tasa.

"Mukhang maaga kang uuwi ah?" pagsisimula ni Anton ng usapan. "Wala na bang iuutos sa 'yo si Prince Charming?"

"Wala na," sabi ni Kael, sabay inom ng tsokolate. "Mabuti na din, gusto kong makauwi nang maaga."

"Bakit naman?"

Napangiti si Kael nang maalala si Jovita. "May ginawa kasing kuwento para sa 'kin ang nobya ko. Gusto ko 'yong basahin."

"May nobya ka na?" sabi ni Anton.

Natigilan si Kael. Napatingin sa katabing kusinero. Nabakasan niya ng kalungkutan ang mga mata nito.

Oo nga pala. Ramdam niya na binabae si Anton, hindi lang nito maamin. May mga ganoon kasing binabae, buong buhay na nagtatago. Walang tapang na ipakita ang totoong sarili. Minsan ay naawa siya kay Anton, lalo pa at tingin niya ay nagugustuhan siya nito.

Sa Cantata, pinalaki ang mga lalaki na bukas ang puso sa pagmamahal ng binabae. Ganoon man din pinalaki si Kael ng kanyang ina, alam niyang hindi niya matutugon ang nararamdaman ni Anton dahil mahal niya si Jovita.

"Pasensiya na," sabi ni Anton, ito ang unang nakabawi. Tumawa ito. "Nabigla lang ako. Ako din kasi, gusto na ring magkaroon ng nobya."

Ngumiti si Kael sa kusinero. Humigop uli ng mainit na tsokolate.

"Masarap 'to," sabi ni Kael, itinaas ang tasa. Nilagok na niya lahat ng laman dahil naiilang na siya. Bukod doon ay nasasabik na din siyang mabasa ang kuwentong ginawa ni Jovita. Nang maubos niya iyon ay nagpaalam na siya. "Mauuna na ako."

Sabay silang tumayo ni Anton. Iniabot niya rito ang tasa. Tinanggap nito iyon at tumitig sa kanya, pilit ngumiti, kahit kakabakasan ng kalungkutan ang mga mata. Minsan, magmaskara man tayo ng ngiti, ibinubunyag tayo ng ating mga mata.

"Salamat," sabi ni Kael, nginitian si Anton. "Hindi ka nagsasawang asikasuhin ako."

Marahang tumango si Anton. "Trabaho ko naman—"

Mabilis na dumukwang si Kael para bigyan ng mabilis ding halik ang pisngi ni Anton. Iyon man lang ay magawa niya para sa kusinero. Lumayo na siya rito ng bahagya pagkatapos ng halik. Natigilan ito kaya nginitian niya itong muli.

"Salamat talaga, Anton," sabi ni Kael.

Tumango si Anton, nagkaroon ng kulay ang magkabilang pisngi. "Wala 'yon," sabi nito.

Tinanguan niya ito bago talikuran. Nakakailang hakbang siya ay nilingon niya ito at naroon pa rin ito sa kung saan niya ito iniwan, parang napag-iwanan ito ng panahon.

Kinawayan niya ito. Pagkatapos ay hindi na niya ito nilingon.

Iniisip na niya ang ginawang kuwento ni Jovita. At kung kailangan na niya iyong mabasa...

Once Upon A Time: Cordelia (COMPLETE, R18)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon